‘Ibigin Mo si Jehova na Iyong Diyos’
“Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.”
1. Bakit lumalim ang pag-ibig ng Diyos at ng Anak sa isa’t isa?
SINABI ni Jesu-Kristo, na Anak ni Jehova: “Iniibig ko ang Ama.” (Juan 14:31) Sinabi rin niya: “Minamahal ng Ama ang Anak.” (Juan 5:20) Hindi iyan nakapagtataka. Sa loob ng napakahabang panahon bago maging tao, si Jesus ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. (Kaw. 8:30) Habang magkasamang gumagawa si Jehova at si Jesus, maraming natutuhan ang Anak tungkol sa mga katangian ng kaniyang Ama, at lumalim ang pag-ibig nila sa isa’t isa.
2. (a) Ano ang sangkot sa pag-ibig? (b) Ano-anong tanong ang tatalakayin natin?
2 Ang pag-ibig ay pagkakaroon ng masidhing pagmamahal sa isa. Umawit ang salmistang si David: “Mamahalin kita, O Jehova na aking kalakasan.” (Awit 18:1) Iyan ang dapat nating madama para sa Diyos, dahil siya mismo ay may pagmamahal sa atin. Kung masunurin tayo kay Jehova, ipapakita niyang iniibig niya tayo. (Basahin ang Deuteronomio 7:12, 13.) Pero magagawa ba talaga nating ibigin ang Diyos kahit hindi natin siya nakikita? Ano ang ibig sabihin ng pag-ibig kay Jehova? Bakit natin siya dapat ibigin? At paano natin maipapakitang iniibig natin ang Diyos?
MAGAGAWA NATING IBIGIN ANG DIYOS
3, 4. Bakit posible para sa atin na ibigin si Jehova?
3 “Ang Diyos ay Espiritu”; hindi natin siya nakikita. (Juan 4:24) Pero posible para sa atin na ibigin si Jehova, at inuutusan tayo ng Kasulatan na ipakita ang pag-ibig na iyon. Halimbawa, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.”
4 Bakit posible para sa atin na ibigin ang Diyos? Dahil nilalang niya tayo na may espirituwal na pangangailangan at kakayahang magpakita ng pag-ibig. Kapag nasasapatan ang ating espirituwal na pangangailangan, lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at nagiging maligaya tayo. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” ang sabi ni Jesus, “yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat. 5:3) Sa kaniyang aklat na Man Does Not Stand Alone, sinabi ni A. C. Morrison na halos lahat ng tao ay naghahanap at naniniwala sa isang kataas-taasang persona. Gaya ng manunulat na iyon, marami ang naniniwala na likas sa tao ang kagustuhang sumamba sa Diyos.
5. Bakit tayo nakatitiyak na masusumpungan natin ang Diyos?
5 Kung hahanapin natin ang Diyos, masusumpungan ba natin siya? Oo, dahil iyon mismo ang gusto niya. Nilinaw iyan ni apostol Pablo noong mangaral siya sa isang grupo sa Areopago. Matatanaw mula roon ang Parthenon
ANG IBIG SABIHIN NG PAG-IBIG SA DIYOS
6. Ano ang sinabi ni Jesus na “pinakadakila at unang utos”?
6 Dapat nating ibigin si Jehova mula sa puso. Idiniin iyan ni Jesus nang tanungin siya ng isang Pariseo: “Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” Sumagot si Jesus: “ ‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.”
7. Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos nang (a) “buong puso”? (b) “buong kaluluwa”? (c) “buong pag-iisip”?
7 Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya na dapat nating ibigin ang Diyos nang “buong puso”? Nangangahulugan ito na dapat makita sa ating mga hangarin, emosyon, at damdamin na iniibig natin si Jehova. Dapat din natin siyang ibigin nang “buong kaluluwa,” o nang buong buhay natin at pagkatao. Gayundin, dapat nating ibigin ang Diyos nang “buong pag-iisip.” Ibig sabihin, dapat makita sa ating mga iniisip na iniibig natin siya. Maliwanag na dapat nating ibigin si Jehova nang lubusan, walang pasubali.
8. Kung lubusan nating iniibig ang Diyos, ano ang gagawin natin?
8 Kung iniibig natin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, regular tayong mag-aaral ng Bibliya, gagawin natin ang lahat ng hinihiling niya, at masigasig tayong mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 24:14; Roma 12:1, 2) Kapag tunay ang pag-ibig natin kay Jehova, lalo tayong mapapalapít sa kaniya. (Sant. 4:8) Hindi natin mababanggit ang lahat ng dahilan kung bakit dapat nating ibigin ang Diyos. Pero talakayin natin ang ilan.
KUNG BAKIT DAPAT IBIGIN SI JEHOVA
9. Bakit mo iniibig si Jehova bilang Maylalang at Tagapaglaan?
9 Si Jehova ang ating Maylalang at Tagapaglaan. “Sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral,” ang sabi ni Pablo. (Gawa 17:28) Ibinigay sa atin ni Jehova ang napakagandang lupang ito bilang tahanan. (Awit 115:16) Pinaglalaanan din niya tayo ng pagkain at ng iba pang kailangan natin para mabuhay. Kaya naman tungkol sa “Diyos na buháy,” masasabi ni Pablo sa idolatrosong mga taga-Listra: “Hindi niya pinabayaang wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.” (Gawa 14:15-17) Napakaganda ngang dahilan para ibigin ang ating Dakilang Maylalang at maibiging Tagapaglaan!
10. Ano ang dapat nating madama tungkol sa pantubos?
10 Aalisin ng Diyos ang kasalanan at kamatayan na minana natin kay Adan. (Roma 5:12) Sinasabi ng Bibliya: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Tiyak na mahal na mahal natin si Jehova dahil gumawa siya ng paraan para mapatawad ang ating mga kasalanan, kung talagang magsisisi tayo at mananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.
11, 12. Ano-anong pag-asa ang ibinibigay sa atin ni Jehova?
11 Binibigyan tayo ni Jehova ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Roma 15:13) Dahil sa pag-asang ito, nakakayanan natin ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. Ang mga pinahiran na mananatiling ‘tapat hanggang kamatayan ay bibigyan ng korona ng buhay’ sa langit. (Apoc. 2:10) Ang iba pang mga tapat ay mabubuhay nang walang hanggan sa ipinangakong Paraisong lupa. (Luc. 23:43) Ano ang nadarama natin sa mga pag-asang iyan? Punong-puno tayo ng kagalakan at kapayapaan, gayundin ng pag-ibig sa Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat sakdal na regalo.”
12 Bubuhaying muli ng Diyos ang mga patay. (Gawa 24:15) Napakasakit mamatayan ng mahal sa buhay. Pero dahil sa pag-asang pagkabuhay-muli, ‘hindi tayo nalulumbay na gaya ng iba na walang pag-asa.’ (1 Tes. 4:13) Udyok ng pag-ibig, nasasabik si Jehova na buhaying muli ang mga patay, lalo na ang mga tapat, gaya ng matuwid na si Job. (Job 14:15) Isip-isipin kung gaano kasaya ang pagkikita ng mga bubuhaying-muli at ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Mahal na mahal natin ang ating makalangit na Ama, na nagbigay sa atin ng napakagandang pag-asang ito!
13. Ano ang katunayan na talagang nagmamalasakit sa atin ang Diyos?
13 Talagang nagmamalasakit sa atin si Jehova. (Basahin ang Awit 34:6, 18, 19; 1 Pedro 5:6, 7.) Laging handang tumulong ang ating maibiging Diyos sa mga tapat sa kaniya, kaya panatag tayo bilang bahagi ng “kawan ng [kaniyang] pastulan.” (Awit 79:13) Makikita rin ang pag-ibig ng Diyos sa atin sa mga gagawin niya sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. Aalisin ng kaniyang piniling Hari, si Jesu-Kristo, ang karahasan, pang-aapi, at kasamaan sa lupa, at ang masunuring mga tao ay mamumuhay nang payapa at sagana magpakailanman. (Awit 72:7, 12-14, 16) Hindi ba’t isa pang dahilan iyan para ibigin natin ang ating mapagmalasakit na Diyos nang buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip?
14. Anong napakalaking pribilehiyo ang ipinagkaloob sa atin ng Diyos?
14 Ipinagkaloob sa atin ni Jehova ang napakalaking pribilehiyo na maging mga Saksi niya. (Isa. 43:10-12) Iniibig natin ang Diyos dahil binigyan niya tayo ng pagkakataong suportahan ang kaniyang soberanya at ipaalam sa mga tao sa magulong sanlibutang ito ang tunay na pag-asa. Ipinangangaral natin ang mabuting balita nang may pananampalataya at kombiksiyon. Bakit? Dahil ang mensahe natin ay mula sa Salita ng tunay na Diyos, at ang kaniyang mga pangako ay laging natutupad. (Basahin ang Josue 21:45; 23:14.) Napakaraming dahilan para ibigin si Jehova. Pero paano natin maipapakita na iniibig natin siya?
KUNG PAANO MAIPAPAKITA ANG PAG-IBIG SA DIYOS
15. Paano tayo matutulungan ng pag-aaral at pagsunod sa Salita ng Diyos?
15 Regular na pag-aralan ang Salita ng Diyos at sundin ito. Kapag ginagawa natin iyan, ipinapakita nating iniibig natin si Jehova at gusto nating maging ‘liwanag sa ating landas’ ang kaniyang salita. (Awit 119:105) Kung may mabigat tayong pinagdaraanan, mapapatibay tayo ng mga pangakong ito: “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” “Ang iyong maibiging-kabaitan, O Jehova, ay patuloy na umalalay sa akin. Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.” (Awit 51:17; 94:18, 19) Nahahabag si Jehova sa mga nagdurusa, at ganiyan din ang nadarama ni Jesus. (Isa. 49:13; Mat. 15:32) Sa pag-aaral ng Bibliya, lalo nating nauunawaan kung gaano tayo kamahal ni Jehova. Kaya naman lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya.
16. Paano sumisidhi ang pag-ibig natin sa Diyos kapag regular tayong nananalangin?
16 Regular na manalangin sa Diyos. Sa pamamagitan nito, lalo tayong napapalapít sa “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Lumalalim ang pag-ibig natin sa Diyos habang nakikita nating sinasagot niya ang ating mga panalangin. Halimbawa, maaaring napapansin natin na hindi niya hinahayaang tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin. (1 Cor. 10:13) Sa panahong masyado tayong nag-aalala, maaaring nakadarama tayo ng walang-katulad na “kapayapaan ng Diyos” kapag marubdob tayong nanalangin. (Fil. 4:6, 7) Kung minsan, baka nananalangin tayo nang tahimik
17. Kung iniibig natin ang Diyos, ano ang magiging pananaw natin sa Kristiyanong mga pagtitipon?
Heb. 10:24, 25) Nagtitipon-tipon noon ang mga Israelita para makinig at matuto tungkol kay Jehova upang magkaroon sila ng matinding paggalang sa kaniya at masunod ang kaniyang Kautusan. (Deut. 31:12) Hindi pabigat ang pagsunod sa mga utos ng Diyos kung talagang iniibig natin siya. (Basahin ang 1 Juan 5:3.) Kaya huwag nating bale-walain ang pagdalo sa Kristiyanong mga pagtitipon. Tiyak na ayaw nating maiwala ang pag-ibig kay Jehova na nadama natin nang una tayong matuto tungkol sa kaniya.
18. Dahil iniibig natin ang Diyos, ano ang ginagawa natin may kaugnayan sa mabuting balita?
18 Masigasig na ipangaral “ang katotohanan ng mabuting balita.” (Gal. 2:5) Dahil iniibig natin ang Diyos, sinasabi natin sa iba ang tungkol sa Mesiyanikong Kaharian ng kaniyang mahal na Anak, na sa Armagedon ay makikipaglaban “alang-alang sa katotohanan.” (Awit 45:4; Apoc. 16:14, 16) Napakasaya ngang makibahagi sa paggawa ng alagad sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao tungkol sa pag-ibig ng Diyos at sa ipinangako niyang bagong sanlibutan!
19. Bakit dapat nating pahalagahan ang kaayusan ni Jehova sa pagpapastol sa kaniyang kawan?
19 Pahalagahan ang kaayusan ng Diyos sa pagpapastol sa kaniyang kawan. (Gawa 20:28) Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa atin kaya inilaan niya ang mga elder. Sila ay “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isa. 32:1, 2) Kapag napakalakas ng hangin o bumabagyo, laking pasasalamat natin kapag nakakita tayo ng kanlungan! Kapag napakatindi naman ng sikat ng araw, natutuwa tayo kapag may lilim tayong masisilungan. Sa katulad na paraan, ang mga elder ay nagbibigay ng espirituwal na tulong at pampatibay na kailangan natin. Kapag sinusunod natin sila, ipinapakita nating pinahahalagahan natin ang ‘kaloob na mga taong ito’ at iniibig natin ang Diyos at si Kristo, ang Ulo ng kongregasyon.
PALALIMIN ANG PAG-IBIG MO SA DIYOS
20. Batay sa Santiago 1:22-25, ano ang gagawin mo kung iniibig mo ang Diyos?
20 Para tumibay ang kaugnayan mo kay Jehova, dapat kang maging ‘tagatupad ng salita at hindi tagapakinig lamang.’ (Basahin ang Santiago 1:22-25.) Ang isang “tagatupad” ay may pananampalataya na nagpapakilos sa kaniya na maging masigasig sa pangangaral at sa pakikibahagi sa mga pulong. Kung talagang iniibig mo si Jehova, susundin mo ang kaniyang “sakdal na kautusan,” o ang lahat ng hinihiling niya sa iyo.
21. Saan maihahalintulad ang iyong taimtim na mga panalangin?
21 Kung iniibig mo si Jehova, lagi kang mananalangin nang taimtim sa kaniya. Sa Israel, ang mga saserdote ay araw-araw na nagsusunog ng insenso para kay Jehova. Inihalintulad ni Haring David sa insenso ang kaniyang mga panalangin nang awitin niya: “Maihanda nawa ang aking panalangin sa harap mo [Jehova] na gaya ng insenso, ang pagtataas ng aking mga palad na gaya ng panggabing handog na mga butil.” (Awit 141:2; Ex. 30:7, 8) Ang iyong mga pagsusumamo, papuri, at pasasalamat sa Diyos ay maging gaya nawa ng mabangong insenso na sumasagisag sa katanggap-tanggap na mga panalangin.
22. Anong uri ng pag-ibig ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
22 Sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin ang Diyos at ang ating kapuwa. (Mat. 22:37-39) Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang mga simulain ay makakatulong sa atin na ibigin ang ating kapuwa at pakitunguhan nang maganda ang ibang tao.