Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alalayan ang mga Diborsiyadong Kapananampalataya—Paano?

Alalayan ang mga Diborsiyadong Kapananampalataya—Paano?

Marahil may mga kilala kang diborsiyado o hiwalay sa asawa. Karaniwan na lang kasi ngayon ang diborsiyo o paghihiwalay. Halimbawa, ayon sa isang pagsasaliksik sa Poland, ang mga may-asawang edad 30 na tatlo hanggang anim na taon nang kasal ay malamang na makipagdiborsiyo; pero hindi lang ang mga nasa ganitong edad ang nakikipagdiborsiyo.

Sa katunayan, “ipinakikita ng estadistika [sa Europe] na kalahati ng lahat ng nagpapakasal ay magdidiborsiyo,” ang ulat ng Institute for Family Policy sa Spain. Ganiyan din ang sitwasyon sa ibang mauunlad na bansa.

PAGBUGSO NG IBA’T IBANG DAMDAMIN

Ano ang pinagdaraanan ng isang diborsiyado? Sinabi ng isang makaranasang marriage counselor sa Eastern Europe: “Ginagawang opisyal ng diborsiyo ang bagay na nangyari na—ang pagkasira ng relasyon at ang paghihiwalay, at talagang napakasakit nito.” Ayon din sa kaniya, ang diborsiyado ay kadalasan nang nakadarama ng “matitinding emosyon—galit, pagsisisi, pagkabigo, kawalan ng pag-asa, at kahihiyan.” Kaya kung minsan, maaaring makapag-isip ang isa na magpakamatay. “Kapag ginawa nang pinal ng korte ang diborsiyo, magsisimula na ang susunod na yugto. Dahil sa kalungkutan at pagkadamang nag-iisa siya, baka maisip ng isang diborsiyado: ‘Paano na ‘ko ngayon? Ano na’ng gagawin ko sa buhay ko?’ ”

Naaalala pa ni Ewa ang nadama niya mga ilang taon na ang nakakalipas. Sinabi niya: “Hiyang-hiya ako, kasi nang maging pinal na ang diborsiyo, tinatawag na akong ‘diborsiyada’ ng mga kapitbahay at katrabaho ko. Galít na galít ako. Dalawang maliliit na anak ang naiwan sa akin, kaya kinailangan kong maging nanay at tatay sa kanila.” * Sinabi ni Adam, na isang elder sa loob ng 12 taon: “Halos mawalan ako ng respeto sa sarili, kaya kung minsan ay punong-puno ako ng galit, at gusto kong lumayo sa lahat.”

PAGSISIKAP NA MAKABANGON

Dahil sa sobrang pag-aalala sa magiging kinabukasan nila, nahihirapan ang ilan na makabangon—kahit ilang taon na ang lumipas pagkatapos ng diborsiyo. Maaaring isipin nilang walang nagmamalasakit sa kanila. Bukod diyan, sinabi ng isang kolumnista tungkol sa mga nagdidiborsiyo na kailangan din ng mga ito na “baguhin ang mga nakasanayan nila at matutong humarap sa mga problema nang nag-iisa.”

Sinabi ni Stanisław: “Nang magdiborsiyo kami, pinagbawalan ako ng dati kong asawa na dumalaw sa dalawa naming maliliit na anak na babae. Kaya pakiramdam ko, wala nang nagmamahal sa akin at pinabayaan na rin ako ni Jehova. Nawalan ako ng ganang mabuhay. Pero nang maglaon, nakita kong maling-mali ang iniisip ko.” Nag-alala rin si Wanda sa magiging kinabukasan niya pagkatapos ng kaniyang diborsiyo. Sinabi niya: “Pakiramdam ko noon, di-magtatagal at wala nang magmamalasakit sa akin at sa mga anak ko, kahit pa nga mga kapananampalataya ko. Pero nakita ko kung paano ako inalalayan at tinulungan ng mga kapatid habang pinalalaki ko ang aking mga anak para maging mga mananamba ni Jehova.”

Ipinapakita ng gayong mga pananalita na matapos ang diborsiyo, ang ilan ay nadadaig ng negatibong mga damdamin. Maaaring bumaba ang tingin nila sa sarili at madamang hindi sila karapat-dapat pag-ukulan ng pansin. Maaari din silang maging mapamuna. Kaya baka maisip nilang walang malasakit sa kanila ang kongregasyon. Pero gaya ng makikita sa mga karanasan nina Stanisław, Wanda, at ng iba pa, napapatunayan ng mga diborsiyado na talagang nagmamalasakit sa kanila ang mga kapatid. Sa katunayan, malaking tulong ang ibinibigay ng mga kapuwa Kristiyano, kahit hindi ito agad napapansin.

PAGKADAMA NG LUNGKOT AT PAGKASIRA NG LOOB

Tandaan na sa kabila ng mga pagsisikap natin, makadarama pa rin ng kalungkutan paminsan-minsan ang mga kapananampalataya nating diborsiyado. Ang mga sister, partikular na, ay baka makadamang iilan lang ang nagmamalasakit sa kanila. Inamin ni Alicja: “Walong taon na ang nakalilipas mula nang magdiborsiyo kami ng asawa ko. Pero kung minsan, nanliliit pa rin ako, kaya nagmumukmok na lang ako at nag-iiiyak dahil sa awa sa sarili.”

Ang mga damdaming inilarawan dito ay karaniwang nadarama ng mga diborsiyado. Pero nagpapayo ang Bibliya na huwag ibukod ng isa ang kaniyang sarili, dahil ang paggawa nito ay maaaring mauwi sa pagtanggi sa “lahat ng praktikal na karunungan.” (Kaw. 18:1) Gayunman, kung ang isa ay nalulungkot, makabubuting iwasan niya ang madalas na paglapit sa di-kasekso para humingi ng payo o may mapaghingahan ng niloloob. Sa gayon, maiiwasan ang pag-usbong ng maling romantikong damdamin.

Kapag ang ating diborsiyadong mga kapatid ay nalulungkot, nasisiraan ng loob, at nag-aalala sa magiging kinabukasan nila, dapat natin silang unawain at tulungan sa abot ng ating makakaya bilang pagtulad kay Jehova. (Awit 55:22; 1 Ped. 5:6, 7) Makakatiyak tayo na pahahalagahan nila ang anumang tulong na ibibigay natin bilang mga tunay na kaibigan.Kaw. 17:17; 18:24.

^ par. 6 Binago ang ilang pangalan.