Gamitin ang Salita ng Diyos —Ito ay Buháy!
“Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”—HEB. 4:12.
1, 2. Anong atas ang ibinigay ni Jehova kay Moises? Ano ang tiniyak ni Jehova sa kaniya?
ANO kaya ang mararamdaman mo kung haharap ka sa pinakamakapangyarihang tagapamahala sa lupa at magsasalita para sa bayan ni Jehova? Malamang na matakot ka at manliit, at baka isipin mong hindi mo kaya iyon. Paano mo ihahanda ang sasabihin mo? Ano ang magagawa mo para maging mapuwersa ang iyong sasabihin bilang kinatawan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat?
2 Iyan mismo ang naging sitwasyon ni Moises. Inutusan ni Jehova si Moises, ang “pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa,” na humarap kay Paraon para iligtas ang bayan ng Diyos mula sa paniniil at pagkaalipin sa Ehipto. (Bil. 12:3) Gaya ng makikita sa ulat, si Paraon ay arogante at walang-galang. (Ex. 5:1, 2) Pero gusto ni Jehova na sabihin ni Moises kay Paraon na payagang umalis ng bansa ang mga tatlong milyong alipin nito! Mauunawaan natin kung bakit nagtanong si Moises kay Jehova: “Sino ako upang pumaroon ako kay Paraon at upang ilabas ko mula sa Ehipto ang mga anak ni Israel?” Malamang na nadama ni Moises na hindi niya kaya ang ipinagagawa sa kaniya. Pero tiniyak ng Diyos sa kaniya na hindi siya nag-iisa. “Ako ay sasaiyo,” ang sabi ni Jehova.—Ex. 3:9-12.
3, 4. (a) Ano ang ikinababahala ni Moises? (b) Paano ka maaaring mapaharap sa hamon na gaya ng napaharap kay Moises?
3 Ano ang ikinababahala ni Moises? Lumilitaw na nag-aalala siyang hindi tatanggapin o pakikinggan ni Paraon ang isa na isinugo ng Diyos na Jehova. Nag-aalala rin siya na baka hindi maniwala ang mga kababayan niya na inatasan siya ni Jehova para ilabas sila sa Ehipto. Kaya naman nasabi ni Moises kay Jehova: “Halimbawang hindi sila maniwala sa akin at hindi sila makinig sa aking tinig, sapagkat sasabihin nila, ‘Si Jehova ay hindi nagpakita sa iyo.’”—Ex. 3:15-18; 4:1.
4 May matututuhan tayong mahalagang aral sa sagot ni Jehova kay Moises at sa sumunod na mga pangyayari. Totoo, baka hindi mo naman kailangang humarap sa isang mataas na opisyal. Pero nahihirapan ka ba kung minsan na ipakipag-usap ang tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian kahit sa ordinaryong mga tao? Kung oo, may matututuhan ka sa karanasan ni Moises.
“ANO IYANG NASA KAMAY MO?”
5. Ano ang inilagay ni Jehova sa kamay ni Moises, at paano nito napawi ang ikinababahala ni Moises? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Nang sabihin ni Moises ang ikinababahala niya, may ginawa ang Diyos para ihanda siya sa mga mangyayari. Ayon sa ulat ng Exodo: “Sinabi ni Jehova [kay Moises]: ‘Ano iyang nasa kamay mo?’ na dito ay sinabi niya: ‘Isang tungkod.’ Pagkatapos ay sinabi niya: ‘Ihagis mo iyan sa lupa.’ Kaya inihagis niya iyon sa lupa, at iyon ay naging serpiyente; at si Moises ay nagsimulang tumakas mula sa harap niyaon. Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: ‘Iunat mo ang iyong kamay at sunggaban mo iyon sa buntot.’ Kaya iniunat niya ang kaniyang kamay at sinunggaban iyon, at iyon ay naging isang tungkod sa kaniyang palad. ‘Upang sa gayon,’ ang sabi [ng Diyos], ‘sila ay maniwala na si Jehova . . . ay nagpakita sa iyo.’” (Ex. 4:2-5) Oo, inilagay ng Diyos sa kamay ni Moises ang ebidensiyang mula kay Jehova ang kaniyang mensahe. Ang isang ordinaryong tungkod ay nabuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos! Mapuwersang paraan ang gayong himala para paniwalaan ang mga salita ni Moises at mapatunayang isinugo siya ng Diyos. Kaya sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ang tungkod na ito ay tatanganan mo sa iyong kamay upang maisagawa mo ang mga tanda sa pamamagitan nito.” (Ex. 4:17) Dahil hawak niya ang ebidensiyang awtorisado siya ng Diyos, may kumpiyansa na siyang kumatawan sa Diyos sa harap ng kaniyang mga kababayan at ni Paraon.—Ex. 4:29-31; 7:8-13.
6. (a) Ano ang dapat na nasa kamay natin kapag nangangaral tayo, at bakit? (b) Ipaliwanag kung paanong “ang salita ng Diyos ay buháy” at kung paanong ito ay “may lakas.”
6 Kapag ibinabahagi natin ang mensahe ng Bibliya, maitatanong din sa atin: “Ano iyang nasa kamay mo?” Kadalasan na, nasa kamay natin ang Bibliya para gamitin sa ministeryo. Sa tingin ng iba, ang Bibliya ay isang aklat lang, pero ito ang kinasihang Salita ni Jehova na ginagamit niya para kausapin tayo. (2 Ped. 1:21) Mababasa rito ang mga pangako ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Kaya naman isinulat ni apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Basahin ang Hebreo 4:12.) Ang mga pangako ni Jehova ay buháy dahil patuloy siyang kumikilos para tuparin ang mga ito. (Isa. 46:10; 55:11) Kapag naunawaan ng isang indibiduwal ang katotohanang iyan tungkol sa Salita ni Jehova, ang nababasa niya sa Bibliya ay may kapangyarihang bumago sa kaniyang buhay.
7. Paano natin ‘magagamit nang wasto ang salita ng katotohanan’?
7 Oo, inilagay ni Jehova sa ating kamay ang kaniyang nasusulat na Salita at magagamit natin ito para patunayan na ang ating mensahe ay mapagkakatiwalaan at na iyon ay mula sa Diyos. Kaya naman hindi kataka-takang matapos sumulat sa mga Hebreo, hinimok ni Pablo si Timoteo na ‘gawin ang kaniyang buong makakaya para magamit nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Tim. 2:15) Paano natin masusunod ang payo ni Pablo? Sa pamamagitan ng pagbabasa ng angkop na mga teksto na makaaabot sa puso ng mga nakikinig. Ang mga tract na inilabas noong 2013 ay dinisenyo para tulungan tayong gawin iyan.
MAGBASA NG ANGKOP NA TEKSTO
8. Ano ang sinabi ng isang tagapangasiwa sa paglilingkod tungkol sa mga tract?
8 Iisa ang format ng mga bagong tract. Kaya kapag natutuhan nating gamitin ang isa, alam na rin nating gamitin ang iba pa. Madali bang gamitin ang mga ito? Ganito ang isinulat ng isang tagapangasiwa sa paglilingkod sa Hawaii, E.U.A.: “Hindi namin akalaing ganoon kaepektibo ang mga bagong tract na ito sa pagbabahay-bahay pati na sa pampublikong pagpapatotoo.” Napansin niya na dahil sa paraan ng pagkakasulat ng mga tract, mas madaling tumugon ang mga tao at kadalasan nang umaakay iyon sa masiglang pag-uusap. Sa tingin niya, malaking tulong dito ang tanong at mapagpipiliang mga sagot sa harap ng tract. Hindi mag-aalala ang may-bahay na baka mali ang sagot niya.
9, 10. (a) Paano tayo inaakay ng ating mga tract na gamitin ang Bibliya? (b) Alin sa mga tract ang nasubukan mo nang pinakaepektibo sa ministeryo, at bakit?
9 Inaakay tayo ng bawat tract na bumasa ng isang angkop na teksto. Halimbawa, tingnan ang tract na Matatapos Pa ba ang Pagdurusa? Ang sagot man ng may-bahay sa tanong ay “oo,” “hindi,” o “siguro,” buksan lang ang tract at sabihin, “Heto ang sabi ng Bibliya.” Pagkatapos, basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.
10 Gayundin ang gawin sa tract na Ano ang Bibliya Para sa Iyo? Alinman sa tatlong sagot ang piliin ng may-bahay, buksan lang ang tract at sabihin, “Sinasabi ng Bibliya na ‘ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.’” Saka mo idagdag, “May karugtong pa ang tekstong iyan.” Pagkatapos, buksan ang iyong Bibliya at basahin nang buo ang 2 Timoteo 3:16, 17.
11, 12. (a) Paano maaaring maging kasiya-siya ang iyong ministeryo? (b) Paano mo magagamit ang mga tract sa pagdalaw-muli?
11 Depende sa pagtugon ng may-bahay kung gaano pa ang mababasa at matatalakay mo sa tract. Sa paanuman, hindi ka lang nakapagbigay ng tract, nakapagbasa ka pa sa kaniya ng Bibliya—kahit ang nabasa mo ay isa o dalawang talata lang. Pagbalik mo, puwede ninyong ituloy ang pag-uusap.
12 Sa likod ng bawat tract, may tanong at mga teksto sa ilalim ng “Pag-isipan Ito” na puwedeng pag-usapan sa pagdalaw-muli. Sa tract na Ano Kaya ang Mangyayari sa Hinaharap? ang tanong para sa pagdalaw-muli ay “Paano mapabubuti ng Diyos ang kalagayan ng mundo?” Binanggit doon ang Mateo 6:9, 10 at Daniel 2:44. Para naman sa tract na Puwede Pa Bang Mabuhay ang mga Patay? ang tanong ay “Bakit tayo tumatanda at namamatay?” Binanggit doon ang Genesis 3:17-19 at Roma 5:12.
13. Ipaliwanag kung paano magagamit ang mga tract sa pagpapasimula ng mga Bible study.
13 Gamitin ang mga tract para makapagpasimula ng mga Bible study. Kapag ini-scan ng may-bahay ang QR Code * sa likod ng tract, dadalhin siya nito sa isang materyal sa ating Web site na puwedeng magpakilos sa kaniya na makipag-aral ng Bibliya. Itinatampok din ng mga tract ang isang espesipikong aralin sa brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! Halimbawa, ang tract na Sino Talaga ang Kumokontrol sa Mundo? ay umaakay sa aralin 5 ng brosyur. Ang tract na Ano ang Sekreto sa Maligayang Pamilya? ay umaakay naman sa aralin 9. Kung gagamitin mo ang mga tract ayon sa mga paraang nabanggit, masasanay kang gumamit ng Bibliya sa pagbabahay-bahay at sa pagdalaw-muli. Bilang resulta, maaaring makapagpasimula ka ng mas maraming pag-aaral sa Bibliya. Ano pa ang magagawa mo para magamit nang epektibo ang Salita ng Diyos sa ministeryo?
TALAKAYIN ANG PAKSA NA MADALAS PAG-ISIPAN NG MGA TAO
14, 15. Paano mo matutularan ang saloobin ni Pablo sa ministeryo?
14 Sa ministeryo, handang makibagay si Pablo sa mas maraming tao hangga’t posible. (Basahin ang 1 Corinto 9:19-23.) Pansinin na nais ni Pablo na ‘matamo ang mga Judio, mga nasa ilalim ng kautusan, mga walang kautusan, at mahihina.’ Oo, gusto niyang abutin ang “lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas [niya] ang ilan.” (Gawa 20:21) Paano natin matutularan ang saloobin ni Pablo habang naghahanda tayo sa pangangaral ng katotohanan sa “lahat ng uri ng tao” sa ating teritoryo?—1 Tim. 2:3, 4.
15 May mga mungkahing presentasyon sa Ating Ministeryo sa Kaharian bawat buwan. Subukan ang mga ito. Pero kung may ibang paksa na madalas pag-isipan ng mga tao sa inyong teritoryo, gumawa ng mga presentasyong babagay sa paksang iyon. Pag-isipan ang kalagayan sa inyong komunidad, ang mga taong nakatira doon, at kung ano ang ikinababahala nila. Pagkatapos, mag-isip ng tekstong makakatulong sa kanila. Ganito ang sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito tungkol sa paraang ginagamit nilang mag-asawa para itampok ang Bibliya: “Karamihan sa may-bahay ay papayag na magbasa kami ng isang teksto kung sandali lang kami at deretso sa punto. Kaya pagbati namin sa kanila, bukás na ang Bibliya namin sa isang teksto, at saka namin babasahin iyon.” Pansinin ang ilang subók nang halimbawa ng mga paksa, tanong, at teksto na puwede mong gamitin sa inyong teritoryo.
16. Paano magagamit sa ministeryo ang Isaias 14:7?
16 Kung nakatira ka sa isang lugar na laging may labanan, puwede mong itanong sa may-bahay: “Ano ang masasabi mo kung ito ang headline ng balita: ‘Mapayapa na ang buong mundo, wala nang gulo at labanan. Masasaya ang mga tao’? Iyan ang mensahe ng Bibliya sa Isaias 14:7. At marami pang pangako ang Diyos tungkol sa mapayapang kinabukasan na mababasa sa Bibliya.” Saka basahin sa Bibliya ang isa sa mga pangakong iyon.
17. Paano mo magagamit ang Mateo 5:3 sa pakikipag-usap?
17 Hiráp bang kumita ng pera ang mga tao sa inyong lugar? Kung oo, puwede mong simulan ang pag-uusap sa tanong na: “Gaano kalaki kaya ang kailangang kitain ng isang ama para maging masaya ang pamilya niya?” Pagkatapos niyang sumagot, sabihin: “Mas malaki pa riyan ang kinikita ng ilan pero parang may kulang pa rin sa kanilang pamilya. Ano kaya talaga ang kailangan?” Saka basahin ang Mateo 5:3 at mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya.
18. Paano mo magagamit sa ministeryo ang Jeremias 29:11?
18 Naapektuhan ba ng isang katatapos na trahedya ang mga tao sa inyong lugar? Puwede mong simulan ang iyong presentasyon sa pagsasabi: “Nakakalungkot ang nangyari, pero alam mo may magandang mensahe ang Bibliya. (Basahin ang Jeremias 29:11.) Napansin mo ba ang tatlong bagay na gusto ng Diyos para sa atin? ‘Kapayapaan,’ ‘kinabukasan,’ at ‘pag-asa.’ Hindi ba nakakatuwang malaman na gusto niyang magkaroon tayo ng magandang buhay? Pero paano kaya mangyayari iyon?” Pagkatapos, itampok ang isang angkop na aralin sa brosyur na Magandang Balita.
19. Ipaliwanag kung paano magagamit ang Apocalipsis 14:6, 7 sa pakikipag-usap sa mga taong relihiyoso.
19 Relihiyoso ba ang mga tao sa inyong lugar? Kung oo, puwede mong simulan ang pakikipag-usap sa pagtatanong: “Kung makikipag-usap sa iyo ang isang anghel, makikinig ka ba sa kaniya? (Basahin ang Apocalipsis 14:6, 7.) Sinabi ng anghel na ‘matakot sa Diyos.’ Kaya hindi ba mahalagang malaman kung sinong Diyos ang tinutukoy niya? Ayon sa anghel, iyon ‘ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa.’ Sino kaya iyon?” Saka basahin ang Awit 124:8, na nagsasabi: “Ang tulong sa atin ay nasa pangalan ni Jehova, ang Maylikha ng langit at lupa.” Pagkatapos, sabihing gusto mong ipaliwanag nang higit pa ang tungkol sa Diyos na Jehova.
20. (a) Paano magagamit ang Kawikaan 30:4 para ituro sa iba ang pangalan ng Diyos? (b) Anong teksto ang nasubukan mo nang epektibo sa ministeryo?
20 Puwede mong simulan ang pakikipag-usap sa isang kabataan sa pagsasabi: “Gusto kong basahin sa iyo ang isang teksto sa Bibliya na may napakahalagang tanong. (Basahin ang Kawikaan 30:4.) Wala namang tao na makakagawa nito, kaya siguradong ang inilalarawan dito ay ang ating Maylalang. * Pero ano kaya ang pangalan niya? Gusto kong basahin iyon sa iyo sa Bibliya.”
MAGING EPEKTIBO SA MINISTERYO GAMIT ANG SALITA NG DIYOS
21, 22. (a) Paano maaaring baguhin ng isang angkop na teksto ang buhay ng isa? (b) Ano ang determinado mong gawin habang ginagampanan mo ang iyong ministeryo?
21 Hindi natin alam kung gaano kalaki ang magiging epekto ng isang angkop na teksto sa isang tao. Halimbawa, isang babae ang nakausap ng dalawang Saksi sa Australia sa bahay-bahay. Tinanong siya ng isa sa kanila, “Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?” at saka nagbasa ng isang teksto—Awit 83:18. “Nabigla ako!” ang sabi ng babae. “Pagkaalis nila, nagpunta ako sa isang bookstore na 56 na kilometro ang layo para tingnan ang ibang mga salin ng Bibliya. Hinanap ko rin ang pangalang iyon sa isang diksyunaryo. Nakumbinsi ako na Jehova nga ang pangalan ng Diyos. Naisip ko kung ano pa ang hindi ko alam.” Di-nagtagal, siya at ang lalaking pinakasalan niya nang maglaon ay nag-aral ng Bibliya at nabautismuhan.
22 Binabago ng Salita ng Diyos ang buhay ng mga nagbabasa nito at nananampalataya sa mga pangako ni Jehova. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:13.) Mas mapuwersa ang mensahe ng Bibliya kaysa anumang masasabi natin para abutin ang puso ng mga tao. Kaya sa bawat pagkakataong posible, gamitin natin ang Salita ng Diyos. Ito ay buháy!