Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Lumalapit sa Atin si Jehova

Kung Paano Lumalapit sa Atin si Jehova

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—SANT. 4:8.

1. Ano ang kailangan ng mga tao? Kanino natin gustong mapalapít?

KAILANGAN ng mga tao ang malapít na kaugnayan sa iba. Masasabing “malapít sa isa’t isa ang dalawang tao kapag gustong-gusto nila at kilalang-kilala ang isa’t isa.” Nagiging maligaya tayo kapag kapiling natin ang ating pamilya at mga kaibigan na nagmamahal, nagpapahalaga, at nakakaunawa sa atin. Pero ang Isa na dapat maging pinakamalapít sa atin ay ang ating Maylalang, si Jehova.—Ecles. 12:1.

2. Ano ang pangako sa atin ni Jehova? Bakit marami ang hindi naniniwala sa pangakong iyan?

2 Hinihimok tayo ni Jehova sa kaniyang Salita na “lumapit” sa kaniya, at nangangako siya na kung gagawin natin iyon, “lalapit siya” sa atin. (Sant. 4:8) Hindi ba’t nakakatuwang malaman iyan? Pero marami ang hindi naniniwalang gusto ng Diyos na maging malapít siya sa kanila; iniisip nila na hindi sila karapat-dapat lumapit sa kaniya o na napakalayo niya para malapitan. Posible ba talaga na maging malapít kay Jehova?

3. Anong katotohanan tungkol kay Jehova ang dapat nating paniwalaan?

3 Ang totoo, si Jehova ay “hindi . . . malayo sa bawat isa” na humahanap sa kaniya; posibleng makilala siya. (Basahin ang Gawa 17:26, 27; Awit 145:18.) Gusto ng ating Diyos na maging malapít sa kaniya kahit ang di-sakdal na mga tao, at handa siyang tanggapin  sila bilang matatalik na kaibigan. (Isa. 41:8; 55:6) Batay sa kaniyang personal na karanasan, sumulat ang salmista tungkol kay Jehova: “O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman. Maligaya siya na iyong pinipili at pinalalapit.” (Awit 65:2, 4) Tingnan natin sa ulat ng Bibliya kung paano lumapit sa Diyos si Haring Asa ng Juda at kung paano rin lumapit si Jehova sa kaniya. *

MATUTO SA ISANG SINAUNANG HALIMBAWA

4. Anong halimbawa ang ipinakita ni Haring Asa sa bayan ng Juda?

4 Kahanga-hanga ang sigasig ni Haring Asa para sa dalisay na pagsamba. Inalis niya ang mga patutot sa templo at ang idolatriya na naging laganap sa lupain. (1 Hari 15:9-13) Hinimok niya ang bayan ng Juda na “hanapin si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno at isagawa ang kautusan at ang utos.” Ang unang 10 taon ng pamamahala ni Asa ay pinagpala ni Jehova ng ganap na kapayapaan. Ano ang sinabi ni Asa na dahilan ng gayong magandang kalagayan? Sinabi niya sa bayan: “Ang lupain ay nakalaan pa para sa atin, sapagkat hinanap natin si Jehova na ating Diyos. Naghanap tayo, at binibigyan niya tayo ng kapahingahan sa buong palibot.” (2 Cro. 14:1-7) Ano ang sumunod na nangyari?

5. Anong sitwasyon ang sumubok sa pagtitiwala ni Asa sa Diyos? Ano ang resulta?

5 Isiping ikaw ang nasa sitwasyon ni Asa. Dumating si Zera na Etiope kasama ang 1,000,000 kawal at 300 karo laban sa Juda. (2 Cro. 14:8-10) Nakita mong lulusubin ng gayon kalaking hukbo ang iyong kaharian, at 580,000 lang ang mga kawal mo! Ano ang magiging reaksiyon mo? Itatanong mo ba kung bakit kaya hinahayaan ng Diyos na masalakay kayo? Kikilos ka ba ayon sa sarili mong karunungan, o magtitiwala ka sa proteksiyon ni Jehova? Ipinakita ni Asa na malapít siya kay Jehova at na nagtitiwala siya sa Kaniya. Taimtim siyang nanalangin: “Tulungan mo kami, O Jehova na aming Diyos, sapagkat sa iyo kami sumasandig, at sa iyong pangalan kami pumarito laban sa pulutong na ito. O Jehova, ikaw ang aming Diyos. Huwag mong pagtaglayin ng lakas ang taong mortal laban sa iyo.” Paano sinagot ng Diyos ang pakiusap ni Asa? “Tinalo ni Jehova ang mga Etiope.” Walang isa mang kaaway ang nakaligtas sa labanan!—2 Cro. 14:11-13.

6. Ano ang dapat nating tularan kay Asa?

6 Ano ang nakatulong kay Asa para lubos na magtiwala sa patnubay at proteksiyon ng Diyos? Sinasabi ng Bibliya na “si Asa ay gumawa ng tama sa paningin ni Jehova” at na “ang puso ni Asa ay naging sakdal kay Jehova.” (1 Hari 15:11, 14) Dapat din nating paglingkuran ang Diyos nang may sakdal na puso para maging malapít tayo sa kaniya ngayon at sa hinaharap. Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil siya ang unang gumawa ng hakbang para magkaroon tayo ng matalik na kaugnayan sa kaniya at mapanatili iyon. Tingnan natin ang dalawang paraang ginawa ng Diyos.

INILALAPIT TAYO NI JEHOVA SA KANIYA SA PAMAMAGITAN NG PANTUBOS

7. (a) Ano ang ginagawa ni Jehova para mapalapít tayo sa kaniya? (b) Ano ang pinakamahalagang ginawa ng Diyos para mapalapít tayo sa kaniya?

7 Ipinakita ni Jehova ang pag-ibig niya sa mga tao nang lalangin niya ang lupa para maging tahanan natin. Patuloy siyang nagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng paglalaan ng lahat ng kailangan natin para mabuhay. (Gawa 17:28; Apoc. 4:11) Higit sa lahat, inilalaan ni Jehova ang ating espirituwal na pangangailangan. (Luc. 12:42) Tinitiyak din niya sa atin na siya mismo ang nakikinig sa ating mga panalangin. (1 Juan 5:14) Pero ang pinakamahalagang ginawa ng Diyos para mapalapít tayo sa kaniya at maipakita ang kaniyang pag-ibig ay ang paglalaan ng pantubos.  (Basahin ang 1 Juan 4:9, 10, 19.) Isinugo ni Jehova ang kaniyang “bugtong na Anak” para iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan.—Juan 3:16.

8, 9. Anong papel ang ginagampanan ni Jesus sa layunin ni Jehova?

8 Nilayon ni Jehova na makinabang sa pantubos kahit ang mga taong nabuhay bago ang panahon ni Kristo. Nang sandaling ihula ni Jehova na magkakaroon ng Tagapagligtas ang sangkatauhan, ang pantubos ay para na ring bayád na sa paningin niya, dahil alam niyang hindi mabibigo ang kaniyang layunin. (Gen. 3:15) Pagkaraan ng maraming siglo, pinasalamatan ni apostol Pablo ang Diyos sa “pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.” Sinabi pa ni Pablo: “Pinatatawad [ng Diyos] ang mga kasalanan na naganap noong nakaraan habang ang Diyos ay nagtitimpi.” (Roma 3:21-26) Napakahalaga nga ng naging papel ni Jesus para maging malapít tayo sa Diyos!

9 Tanging sa pamamagitan ni Jesus magiging posible na makilala ng mapagpakumbabang mga tao si Jehova at magkaroon ng matalik na kaugnayan sa Kaniya. Paano idiniriin ng Bibliya ang katotohanang iyan? Sumulat si Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:6-8) Inilaan ang haing pantubos, hindi dahil karapat-dapat tayo rito, kundi dahil gayon na lang ang pag-ibig sa atin ni Jehova at ni Jesus. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Minsan naman, sinabi niya: “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 6:44; 14:6) Sa tulong ng banal na espiritu, inilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga indibiduwal sa pamamagitan ni Jesus at tinutulungan silang manatili sa Kaniyang pag-ibig para magtamo sila ng buhay na walang hanggan. (Basahin ang Judas 20, 21.) Tingnan natin ang isa pang paraan na ginawa ng Diyos para mailapit niya tayo sa kaniya.

INILALAPIT TAYO NI JEHOVA SA KANIYA SA PAMAMAGITAN NG BIBLIYA

10. Paano tayo tinutulungan ng Bibliya na mas mapalapít sa Diyos?

10 Sa mga natalakay na natin, gumamit tayo ng mga teksto mula sa 14 na aklat ng Bibliya. Kung wala ang Bibliya, paano natin malalaman na puwede tayong maging malapít sa ating Maylalang? Paano rin natin malalaman na may pantubos at na inilalapit tayo ni Jehova sa kaniya sa pamamagitan ni Jesus? Ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para gabayan ang pagsulat ng Bibliya, na nagsisiwalat ng kaniyang magagandang katangian at layunin. Halimbawa, sa Exodo 34:6, 7, inilarawan ni Jehova ang kaniyang sarili kay Moises bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” Sino ba naman ang hindi mapapalapít sa isang tulad niya? Alam ni Jehova na habang nakikilala natin siya sa tulong ng Bibliya, mas magiging totoo siya sa atin at mas mapapalapít tayo sa kaniya.

11. Bakit dapat nating sikaping matuto tungkol sa Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

11 Sa paunang salita ng aklat na Maging Malapít kay Jehova, ipinaliwanag kung paano tayo magkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos: “Sa alinmang pakikipagkaibigan na pinagsisikapan nating linangin, ang buklod ay nakasalig sa pagkilala sa [isang indibiduwal], sa paghanga at pagpapahalaga sa kaniyang namumukod na mga katangian. Kaya ang mga katangian at pamamaraan ng Diyos, gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, ay isang napakahalagang paksa na dapat pag-aralan.” Laking pasasalamat natin na ipinasulat ni Jehova ang kaniyang Salita sa paraang madaling maintindihan ng mga tao!

12. Bakit mga tao ang ginamit ni Jehova para isulat ang Bibliya?

 12 Puwede sanang sa mga anghel ipinasulat ni Jehova ang Bibliya. Tutal, talagang interesado sila sa atin at sa mga ginagawa natin. (1 Ped. 1:12) Tiyak na kayang isulat ng mga anghel ang mensahe ng Diyos sa mga tao. Pero makikita kaya nila ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng tao? Maiintindihan kaya nila ang ating mga pangangailangan, kahinaan, at mga mithiin? Hindi. Alam ni Jehova na may limitasyon ang mga anghel pagdating sa gayong mga bagay. Dahil mga tao ang ginamit ni Jehova para isulat ang Bibliya, naging mas personal ito. Naiintindihan natin ang iniisip at nadarama ng mga manunulat ng Bibliya at ng iba pa na binanggit dito. Nauunawaan natin ang kanilang mga kabiguan, alinlangan, takot, at kahinaan, pati na ang kanilang mga kagalakan at tagumpay. Tulad ni propeta Elias, lahat ng manunulat ng Bibliya ay may “damdaming tulad ng sa atin.”—Sant. 5:17.

Paano makakatulong sa iyo ang paraan ng pakikitungo ni Jehova kina Jonas at Pedro para mas mapalapít sa Kaniya? (Tingnan ang parapo 13, 15)

13. Bakit maaantig ang puso mo sa panalangin ni Jonas?

13 Halimbawa, kung isang anghel ang sumulat ng ulat tungkol kay Jonas, lubusan kaya niyang mailalarawan ang nadama ni Jonas nang takasan nito ang atas na ibinigay ng Diyos? Di-hamak na mas mabuting kay Jonas mismo ipinasulat ang karanasan niya, pati na ang marubdob niyang panalangin sa Diyos mula sa kalaliman ng dagat! Sinabi ni Jonas: “Nang ang aking kaluluwa ay manlupaypay sa loob ko, si Jehova ang Isa na naalaala ko.”—Jon. 1:3, 10; 2:1-9.

14. Bakit naiintindihan natin ang sinabi ni Isaias tungkol sa kaniyang sarili?

14 Pag-isipan din ang ipinasulat ni Jehova kay Isaias tungkol sa karanasan nito. Matapos makita sa pangitain ang kaluwalhatian ng Diyos, napakilos ang propeta na aminin ang kaniyang pagkamakasalanan at sabihin: “Sa aba ko! Sapagkat para na rin akong pinatahimik, dahil ako ay lalaking may maruruming labi, at sa gitna ng isang bayan na may  maruruming labi ay tumatahan ako; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!” (Isa. 6:5) Paano ngang madarama at masasabi iyan ng isang anghel? Pero nasabi iyan ni Isaias, at naiintindihan natin ang nadama niya.

15, 16. (a) Bakit maiintindihan natin ang nadarama ng ibang tao? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang makakatulong para mas mapalapít tayo kay Jehova?

15 Masasabi ba ng mga anghel na sila ay “di-karapat-dapat,” gaya ng nasabi ni Jacob, o na “makasalanan” sila, gaya ng nadama ni Pedro? (Gen. 32:10; Luc. 5:8) Sila ba ay ‘matatakot,’ gaya ng mga alagad ni Jesus, o kailangan ba ng matuwid na mga anghel na ‘mag-ipon ng katapangan’ sa harap ng mga sumasalansang sa mabuting balita, gaya ng kinailangang gawin ni Pablo at ng iba pa? (Juan 6:19; 1 Tes. 2:2) Hindi. Ang mga anghel ay sakdal at mas malalakas kaysa sa mga tao. Pero kapag di-sakdal na mga tao ang nagpahayag ng gayong mga damdamin, naiintindihan natin sila agad dahil mga tao rin tayo. Habang binabasa natin ang Salita ng Diyos, talagang maaari tayong “makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.”—Roma 12:15.

16 Kung bubulay-bulayin natin ang ulat ng Bibliya tungkol sa mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod noon, napakarami nating matututuhan tungkol sa ating Diyos, na may-pagtitiis at maibiging lumalapit sa di-sakdal na mga taong iyon. Makakatulong ito para higit nating makilala at mahalin si Jehova. Bilang resulta, mas mapapalapít tayo sa kaniya.—Basahin ang Awit 25:14.

PATIBAYIN NANG HUSTO ANG KAUGNAYAN MO KAY JEHOVA

17. (a) Anong matalinong payo ang ibinigay ni Azarias kay Asa? (b) Paano ipinagwalang-bahala ni Asa ang payo ni Azarias? Ano ang resulta?

17 Pagkatapos ng malaking tagumpay ni Haring Asa laban sa hukbo ng mga Etiope, ang propeta ng Diyos na si Azarias ay nagbigay ng matalinong payo sa kaniya at sa bayan. Sinabi ni Azarias: “Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay sumasakaniya; at kung hahanapin ninyo siya, hahayaan niyang siya ay masumpungan ninyo, ngunit kung iiwan ninyo siya ay iiwan niya kayo.” (2 Cro. 15:1, 2) Pero nang maglaon, ipinagwalang-bahala ni Asa ang magandang payong iyan. Nang magbanta ang karibal na hilagang kaharian ng Israel, humingi si Asa ng tulong sa mga Siryano. Sa halip na kay Jehova uli humingi ng tulong, nakipag-alyansa siya sa mga pagano. Kaya naman sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ikaw ay kumilos nang may kamangmangan may kaugnayan dito, sapagkat mula ngayon ay magkakaroon ng mga digmaan laban sa iyo.” Mula noon, niligalig ng mga digmaan ang natitirang mga taon ng pamamahala ni Asa. (2 Cro. 16:1-9) Ano ang matututuhan natin dito?

18, 19. (a) Ano ang dapat nating gawin kung medyo napapalayo na tayo kay Jehova? (b) Paano tayo magiging higit na malapít kay Jehova?

18 Huwag na huwag tayong lalayo kay Jehova. Kung medyo napapalayo na tayo kay Jehova, sundin natin ang payo ng Oseas 12:6: “Sa iyong Diyos ay dapat kang manumbalik, na nag-iingat ng maibiging-kabaitan at katarungan; at umasa nawang palagi sa iyong Diyos.” Kaya naman sikapin nating mapalapít pa nang higit kay Jehova. Magagawa natin iyan kung bubulay-bulayin natin ang kahalagahan ng pantubos at masikap na pag-aaralan ang kaniyang Salita, ang Bibliya.—Basahin ang Deuteronomio 13:4.

19 Sumulat ang salmista: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.” (Awit 73:28) Patuloy nawa tayong matuto ng bagong mga bagay tungkol kay Jehova at magpahalaga sa maraming dahilan para ibigin siya. At nawa’y maging malapít siya sa atin ngayon at magpakailanman!

^ par. 3 Tingnan ang artikulo tungkol kay Asa na pinamagatang “May Gantimpala Para sa Inyong mga Gawa,” sa Bantayan, isyu ng Agosto 15, 2012.