Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinig sa Tinig ni Jehova Nasaan Ka Man

Makinig sa Tinig ni Jehova Nasaan Ka Man

“Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan.’”—ISA. 30:21.

1, 2. Paano kinakausap ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?

SA BUONG kasaysayan ng Bibliya, ang mga lingkod ni Jehova ay ginabayan niya sa iba’t ibang paraan. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, pangitain, o panaginip para ipaalam sa kanila ang mangyayari sa hinaharap. Binigyan din sila ni Jehova ng espesipikong mga atas. (Bil. 7:89; Ezek. 1:1; Dan. 2:19) Ang iba naman ay tumanggap ng patnubay sa pamamagitan ng mga taong kinatawan ni Jehova na naglilingkod sa makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon. Sa anumang paraan tinanggap ng bayan ni Jehova ang kaniyang salita, ang mga sumunod sa kaniyang mga tagubilin ay pinagpala.

2 Sa ngayon, pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng Bibliya, ng kaniyang banal na espiritu, at ng kongregasyon. (Gawa 9:31; 15:28; 2 Tim. 3:16, 17) Napakalinaw ng patnubay niya sa atin na para bang ‘ang ating mga tainga ay nakaririnig ng salita sa likuran natin na nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”’ (Isa. 30:21) Ipinaririnig din sa atin ni Jehova ang kaniyang tinig sa pamamagitan ni Jesus, na pumapatnubay sa kongregasyon sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Dapat nating seryosohin ang patnubay ni Jehova dahil nakadepende sa ating pagsunod ang pagtatamo natin ng buhay na walang hanggan.—Heb. 5:9.

3. Ano ang maaaring makahadlang sa pagtugon natin sa patnubay ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

 3 Determinado si Satanas na Diyablo na hadlangan tayo sa pakikinig sa nagliligtas-buhay na patnubay ni Jehova. Ang ating ‘mapandayang puso’ ay maaari ding makahadlang sa pakikinig at pagsunod natin sa mga tagubilin ni Jehova. (Jer. 17:9) Kaya talakayin natin kung paano dadaigin ang mga hamon sa pakikinig sa tinig ng Diyos. Talakayin din natin kung paanong ang mabuting komunikasyon kay Jehova ay makakatulong para maingatan ang kaugnayan natin sa kaniya anuman ang sitwasyon.

DAIGIN ANG MGA PAKANA NI SATANAS

4. Paano iniimpluwensiyahan ni Satanas ang pag-iisip ng mga tao?

4 Nagkakalat si Satanas ng maling impormasyon at mapandayang propaganda para impluwensiyahan ang pag-iisip ng mga tao. (Basahin ang 1 Juan 5:19.) Napakaraming impormasyon sa mga diyaryo, magasin, radyo, TV, at Internet. Kahit may kapaki-pakinabang na impormasyon sa mga ito, kadalasan nang nagtataguyod ito ng mga gawain at pamantayang salungat sa pamantayan ni Jehova. (Jer. 2:13) Halimbawa, katanggap-tanggap sa media at sa larangan ng entertainment ang pagpapakasal ng magkasekso, at iniisip ng marami na masyadong mahigpit ang Bibliya pagdating sa homoseksuwalidad.—1 Cor. 6:9, 10.

5. Ano ang dapat nating gawin para hindi tayo matangay ng propaganda ni Satanas?

5 Ano ang dapat gawin ng mga umiibig sa katuwiran ng Diyos para hindi sila matangay ng bumabahang propaganda ni Satanas? Paano nila makikilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama? “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa . . . salita [ng Diyos].” (Awit 119:9) Ang nasusulat na Salita ng Diyos ay naglalaman ng mahalagang patnubay na makakatulong para makita natin ang kaibahan ng totoong impormasyon at ng mapandayang propaganda. (Kaw. 23:23) Sinipi ni Jesus ang Kasulatan nang sabihin niyang “ang tao ay mabubuhay . . . sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:4) Kaya dapat nating matutuhan kung paano isasabuhay ang mga simulain sa Bibliya. Halimbawa, bago pa isulat ni Moises ang batas ni Jehova tungkol sa pangangalunya, alam na ng binatang si Jose na kasalanan sa Diyos ang gayong gawain. Nang akitin siya ng asawa ni Potipar, hindi man lang pumasok sa isip niya na suwayin si Jehova. (Basahin ang Genesis 39:7-9.) Sa kabila ng paulit-ulit na pang-aakit nito, mas pinili ni Jose na makinig sa tinig ni Jehova. Oo, para makita ang pagkakaiba ng tama at mali, kailangan nating makinig sa tinig ni Jehova at takpan ang tainga natin, wika nga, sa ingay ng propaganda ni Satanas.

6, 7. Ano ang dapat nating gawin para maiwasan ang masamang payo ni Satanas?

6 Napakaraming magkakaibang relihiyosong turo at doktrina sa daigdig, kaya naman iniisip ng marami na walang patutunguhan ang paghahanap sa tunay na relihiyon. Pero si Jehova ay nagbibigay ng napakalinaw na patnubay sa mga handang makinig dito. Kailangan tayong magpasiya kung kanino tayo makikinig.  Imposibleng makinig sa dalawang magkasabay na tinig kaya kailangan nating ‘makilala ang tinig’ ni Jesus at pakinggan iyon. Siya ang inatasan ni Jehova na mangalaga sa Kaniyang mga tupa.—Basahin ang Juan 10:3-5.

7 “Magbigay-pansin kayo sa inyong pinakikinggan,” ang sabi ni Jesus. (Mar. 4:24) Ang payo ni Jehova ay malinaw at tama, pero para makapagbigay-pansin tayo at mapakinggan ito, kailangan nating ihanda ang ating puso sa pagtanggap dito. Kung hindi tayo mag-iingat, baka ang mapakinggan natin ay ang masamang payo ni Satanas imbes na ang maibiging payo ng Diyos. Huwag na huwag tayong magpaimpluwensiya sa makasanlibutang musika, mga video, palabas sa TV, aklat, kasamahan, guro, o diumano’y mga eksperto.—Col. 2:8.

8. (a) Paano tayo maaaring ipahamak ng ating puso at madaig ng mga pakana ni Satanas? (b) Ano ang posibleng mangyari kung hindi natin papansinin ang mga sintomas na may problema ang ating puso?

8 Alam ni Satanas na makasalanan tayo at may mga kahinaan. Kapag sinasamantala ni Satanas ang mga iyon, napakalaking hamon ang manatiling tapat. (Juan 8:44-47) Paano natin mapagtatagumpayan ito? Kuning halimbawa ang isang taong naengganyo ng pansamantalang kaluguran at nakagawa ng pagkakamali na hindi niya akalaing magagawa niya. (Roma 7:15) Paano ito nangyari? Malamang na unti-unting humina ang pandinig ng indibiduwal na iyon sa tinig ni Jehova. Maaaring hindi niya napansin ang mga sintomas na may problema ang kaniyang puso o sinadya niyang hindi pansinin ito. Halimbawa, baka hindi na siya nananalangin, madalang nang makibahagi sa ministeryo, o uma-absent na sa mga pulong. Nang maglaon, nagpadala siya sa kaniyang pagnanasa at nakagawa ng alam niyang mali. Maiiwasan natin ang gayong pagkakamali kung magiging alisto tayo sa mga sintomas at kikilos agad para ituwid ang mga bagay-bagay. Gayundin, kung nakikinig tayo sa tinig ni Jehova, hindi tayo magbibigay-pansin sa mga apostata.—Kaw. 11:9.

9. Bakit napakahalagang matukoy agad ang mga tendensiyang aakay sa atin sa pagkakasala?

9 Maaagapan ang sakit kung matutuklasan ito agad. Sa katulad na paraan, makakaiwas tayo sa kapahamakan kung agad nating matutukoy ang mga tendensiyang aakay sa pagkakasala. Kapag nakita natin na may gayon tayong mga tendensiya, isang katalinuhan na kumilos agad nang hindi tayo ‘mahuli ni Satanas nang buháy para gawin ang kalooban niya.’ (2 Tim. 2:26) Ano ang dapat nating gawin kung mapansin natin na unti-unti nang lumalayo sa mga kahilingan ni Jehova ang ating mga iniisip at ninanasa? Agapan ito. Mapagpakumbabang manumbalik sa Diyos, makinig sa kaniyang payo, at sundin ito nang buong puso. (Isa. 44:22) Tandaan na ang isang  maling desisyon ay puwedeng magdulot ng matinding pinsala na pagdurusahan natin hanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. Di-hamak na mas mabuting kumilos agad para maiwasang makagawa ng malubhang pagkakamali!

Paano ka mapoprotektahan ng mabuting espirituwal na rutin laban sa mga pakana ni Satanas? (Tingnan ang parapo 4-9)

DAIGIN ANG PRIDE AT KASAKIMAN

10, 11. (a) Ano ang mga palatandaan ng pride? (b) Anong aral ang itinuturo sa atin ng ginawa nina Kora, Datan, at Abiram?

10 Dapat nating tandaan na posible tayong ilayo ng ating puso mula kay Jehova. Halimbawa, baka maging ma-pride tayo o sakim. Ang mga ugaling ito ay makahahadlang sa pakikinig natin sa tinig ni Jehova at maaaring umakay sa kapahamakan. Ang taong ma-pride, o mapagmapuri, ay napakataas ng tingin sa sarili. Baka iniisip niya na karapatan niyang gawin ang anumang gusto niya at walang makapagdidikta sa kaniya ng dapat niyang gawin. Kaya baka madama niyang hindi niya kailangang sumunod sa mga tagubilin at payo ng mga kapuwa Kristiyano, mga elder, o kahit pa nga ng organisasyon ng Diyos. Napakalayo na ng gayong tao sa Diyos kaya halos hindi na niya marinig ang tinig ni Jehova.

11 Noong naglalakbay sa ilang ang bansang Israel, naghimagsik sa awtoridad nina Moises at Aaron sina Kora, Datan, at Abiram. Dahil sa pride, ang mga rebeldeng iyon ay gumawa ng sariling mga kaayusan sa pagsamba kay Jehova. Paano tumugon si Jehova? Pinuksa niya sila. (Bil. 26:8-10) Napakahalagang aral ang itinuturo nito sa atin! Ang pagrerebelde kay Jehova ay humahantong sa kapahamakan. Tandaan din na “ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak.”—Kaw. 16:18; Isa. 13:11.

12, 13. (a) Magbigay ng halimbawa kung paano maaaring humantong sa kapahamakan ang kasakiman. (b) Ipaliwanag kung paano mabilis na tumitindi ang kasakiman kapag hindi ito kinontrol.

12 Pag-usapan naman natin ang kasakiman. Ang taong sakim ay kadalasan nang nagiging pangahas at gumagawi nang di-tama. Nang mapagaling ni Eliseo ang ketonging pinuno ng hukbo ng Sirya na si Naaman, nagbigay ito ng mga regalo pero hindi iyon tinanggap ng propeta. Gayunman, pinag-interesan ng tagapaglingkod ni Eliseo na si Gehazi ang mga regalo. Inisip niya: “Buháy si Jehova, tatakbuhin ko [si Naaman] at kukuha ng anumang bagay mula sa kaniya.” Lingid sa kaalaman ni Eliseo, sinundan ni Gehazi si Naaman at tahasang nagsinungaling para makahingi ng “isang talento na pilak at dalawang pamalit na kasuutan.” Ano ang nangyari sa sakim na si Gehazi? Kumapit sa kaniya ang ketong ni Naaman!—2 Hari 5:20-27.

13 Ang kasakiman ay puwedeng magsimula sa simpleng paghahangad. Kung hindi ito kokontrolin ng isa, titindi ito at mananaig sa kaniya. Ipinakikita ng ulat ng Bibliya kung paano ito nangyari kay Acan. Pansinin kung gaano kabilis tumindi ang kasakiman ni Acan. Sinabi niya: “Nang makita ko sa samsam ang isang opisyal na kasuutan mula sa Sinar, isa nga na maganda, at ang dalawang daang siklo na pilak at isang barang ginto, na limampung siklo ang bigat, ninasa ko nga ang mga iyon, at kinuha ko.” Sa halip na alisin sa isip ang maling pagnanasa, buong-kasakimang ninakaw ni Acan ang mga bagay na iyon at itinago sa kaniyang tolda. Nang matuklasan ang ginawa ni Acan, sinabi ni Josue na magpapasapit si Jehova ng kapahamakan sa kaniya. Noon mismong araw na iyon, siya at ang pamilya niya ay pinagbabato hanggang mamatay. (Jos. 7:11, 21, 24, 25) Gaya ni Acan, puwede rin tayong madaig ng kasakiman. Kaya naman “magbantay [tayo] laban sa bawat uri ng kaimbutan,” o kasakiman. (Luc. 12:15) Ang imoralidad ay isang uri din ng kasakiman. Sakaling sumagi sa isip natin ang maruming kaisipan, napakahalagang kontrolin ito at huwag hayaang akayin tayo ng maling pagnanasa tungo sa pagkakasala.—Basahin ang Santiago 1:14, 15.

14. Ano ang dapat nating gawin kung natutukso tayong gumawa ng isang bagay udyok ng pride o kasakiman?

14 Ang pride at kasakiman ay parehong umaakay sa kapahamakan. Makakatulong  ang pagbubulay-bulay sa resulta ng maling paggawi para malabanan ang gayong mga tendensiya at hindi ito makahadlang sa pakikinig sa tinig ni Jehova. (Deut. 32:29) Sa Bibliya, sinasabi sa atin ng Diyos hindi lang kung ano ang tama kundi pati na ang mabuting idudulot sa atin ng paggawa nito at ang mga resulta ng paggawa ng mali. Kung natutukso tayong gumawa ng isang bagay udyok ng pride o kasakiman, isang katalinuhang isipin ang kahihinatnan nito—ang epekto nito sa atin, sa ating mga mahal sa buhay, at lalo na sa kaugnayan natin kay Jehova.

PANATILIHING BUKÁS ANG KOMUNIKASYON KAY JEHOVA

15. Ano ang matututuhan natin sa komunikasyon ni Jesus kay Jehova?

15 Gusto ni Jehova na maging maligaya tayo. (Awit 1:1-3) Naglalaan siya ng sapat na patnubay sa tamang panahon. (Basahin ang Hebreo 4:16.) Bagaman sakdal si Jesus, umasa siya sa regular na komunikasyon kay Jehova, at lagi siyang nananalangin. Kaya naman lubos na sinuportahan at pinatnubayan ni Jehova si Jesus. Nagpadala si Jehova ng mga anghel na maglilingkod sa kaniya at ng banal na espiritu para tulungan siya. Pinatnubayan niya si Jesus sa pagpili sa 12 apostol. Nagsalita si Jehova mula sa langit para sabihing sinusuportahan niya at sinasang-ayunan si Jesus. (Mat. 3:17; 17:5; Mar. 1:12, 13; Luc. 6:12, 13; Juan 12:28) Gaya ni Jesus, kailangan nating ibuhos ang laman ng ating puso sa Diyos. (Awit 62:7, 8; Heb. 5:7) Sa pamamagitan ng pananalangin, mapananatili nating bukás ang ating komunikasyon kay Jehova at makapamumuhay sa paraang magpaparangal sa kaniya.

16. Ano ang dapat nating gawin para marinig ang tinig ni Jehova?

16 Inilalaan ni Jehova sa lahat ang kaniyang payo, pero hindi niya pinipilit ang sinuman na sundin ito. Kailangan nating hilingin ang kaniyang banal na espiritu, at sagana niya itong ibibigay sa atin. (Basahin ang Lucas 11:10-13.) Pero mahalagang ‘bigyang-pansin natin kung paano tayo nakikinig.’ (Luc. 8:18) Halimbawa, isang pagpapaimbabaw na humingi ng tulong kay Jehova para maiwasan ang imoralidad habang patuloy namang tumitingin sa pornograpya o nanonood ng imoral na mga pelikula. Kailangang nandoon tayo mismo sa mga lugar o sitwasyon na may patnubay ng espiritu ni Jehova. Alam natin na nasa mga pulong ng kongregasyon ang kaniyang espiritu. Maraming lingkod ni Jehova ang nakaiwas sa kapahamakan dahil sa pakikinig nila kay Jehova sa mga pulong. Bilang resulta, nakikita nila ang maling mga pagnanasang tumutubo sa puso nila at naitutuwid ang kanilang sarili.—Awit 73:12-17; 143:10.

LAGING MAKINIG NA MABUTI SA TINIG NI JEHOVA

17. Bakit mapanganib na magtiwala sa sarili?

17 Pag-isipan ang nangyari kay Haring David ng sinaunang Israel. Noong kabataan pa siya, tinalo niya ang higanteng Filisteo na si Goliat. Naging sundalo si David, at nang maglaon ay naging hari. Inatasan siyang protektahan ang bansang Israel at gumawa ng mabubuting pasiya para dito. Pero nang magtiwala si David sa kaniyang sarili imbes na kay Jehova, nadaya siya ng kaniyang puso at nakagawa ng malubhang pagkakasala kasama si Bat-sheba. Gumawa pa nga siya ng paraan para mapatay ang asawa nitong si Uria. Nang sawayin siya, mapagpakumbabang inamin ni David ang kasalanan niya at nanumbalik kay Jehova.—Awit 51:4, 6, 10, 11.

18. Ano ang makakatulong para lagi tayong makinig sa tinig ni Jehova?

18 Ang 1 Corinto 10:12 ay nagpapayo sa atin na huwag labis na magtiwala sa sarili. Dahil wala tayong kakayahang ‘ituwid ang ating hakbang,’ sa kalaunan ay makikinig tayo alinman sa tinig ni Jehova o sa tinig ng kaniyang Kaaway. (Jer. 10:23) Manalangin nawa tayo sa tuwina, sumunod sa pag-akay ng banal na espiritu, at laging makinig na mabuti sa tinig ni Jehova.