Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alalahanin ang mga Naglilingkod Nang Buong Panahon

Alalahanin ang mga Naglilingkod Nang Buong Panahon

“Walang-lubay naming isinasaisip ang inyong tapat na gawa at ang inyong maibiging pagpapagal.”1 TES. 1:3.

1. Ano ang damdamin ni Pablo sa mga nagpapagal para sa mabuting balita?

LAGING nasa isip ni apostol Pablo ang mga nagpapagal para sa mabuting balita. Sumulat siya: “Walang-lubay naming isinasaisip ang inyong tapat na gawa at ang inyong maibiging pagpapagal at ang inyong pagbabata dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Kristo sa harap ng ating Diyos at Ama.” (1 Tes. 1:3) Inaalala rin at pinahahalagahan ni Jehova ang pagpapagal ng lahat ng tapat na naglilingkod sa kaniya anuman ang kaya nilang gawin.Heb. 6:10.

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Marami sa ating mga kapananampalataya—noon at ngayon—ang gumawa ng malalaking sakripisyo para makapaglingkod kay Jehova nang buong panahon. Alamin natin kung paano naglingkod ang ilan noong unang siglo. Tingnan din natin ang iba’t ibang uri ng buong-panahong paglilingkod sa ating panahon at kung paano natin masusuportahan ang mahal na mga kapatid na naglilingkod sa pantanging mga paraan.

MGA KRISTIYANO NOONG UNANG SIGLO

3, 4. (a) Paano naglingkod ang ilan noong unang siglo? (b) Paano sila sinuportahan ng mga kapatid?

3 Di-nagtagal matapos mabautismuhan si Jesus, pinasimulan niya ang isang pambuong-daigdig na gawain. (Luc. 3:21-23; 4:14,  15, 43) Pagkamatay niya, pinangunahan ng kaniyang mga apostol ang pagpapalawak sa gawaing pangangaral na iyon. (Gawa 5:42; 6:7) May ilang Kristiyano, gaya ni Felipe, na naglingkod bilang mga ebanghelisador at misyonero sa Palestina. (Gawa 8:5, 40; 21:8) Si Pablo at ang iba pa ay naglakbay sa mas malalayong lugar para mangaral. (Gawa 13:2-4; 14:26; 2 Cor. 1:19) May ilan din—gaya nina Silvano (Silas), Marcos, at Lucas—na naglingkod bilang manunulat o tagakopya. (1 Ped. 5:12) May mga Kristiyanong babae rin na naglingkod kasama ng tapat na mga lalaking ito. (Gawa 18:26; Roma 16:1, 2) Mababasa natin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kanilang kapana-panabik na mga karanasan, at ipinakikita ng mga ulat na ito na pinahahalagahan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.

4 Paano nasuportahan ang mga pangangailangan ng mga buong-panahong lingkod noon? Kung minsan, may mga nagpapatuloy sa kanila, nag-aanyayang kumain, o nagbibigay ng iba pang materyal na tulong, pero hindi nila inobliga ang mga kapatid na gawin iyon. (1 Cor. 9:11-15) Kusang-loob silang sinuportahan ng mga indibiduwal at mga kongregasyon. (Basahin ang Gawa 16:14, 15; Filipos 4:15-18.) Si Pablo at ang mga kasama niya sa paglalakbay ay nagtrabaho rin para sa kanilang mga gastusin.

MGA BUONG-PANAHONG LINGKOD SA NGAYON

5. Ano ang sinabi ng isang mag-asawa tungkol sa buhay nila bilang mga buong-panahong lingkod?

5 Marami rin sa ngayon ang nasa iba’t ibang larangan ng buong-panahong paglilingkod. (Tingnan ang kahong “ Iba’t Ibang Uri ng Buong-Panahong Paglilingkod.”) Ano ang masasabi nila sa pinili nilang karera? Maitatanong mo iyan sa kanila, at malamang na mapatibay ka ng kanilang sagot. Pansinin ang sinabi ng isang brother na nakapaglingkod bilang regular pioneer, special pioneer, misyonero, at miyembro ng pamilyang Bethel sa ibang bansa: “Ang pagpasok sa buong-panahong paglilingkod ang isa sa pinakamagandang desisyong ginawa ko. Noong 18 anyos ako, nahirapan akong pumili kung mag-aaral ako sa unibersidad, magtatrabaho nang full-time, o magpapayunir. Batay sa karanasan, nakita ko na talagang hindi nalilimutan ni Jehova ang mga sakripisyong ginagawa mo para paglingkuran siya nang buong panahon. Nagamit ko ang anumang talento o kakayahang ibinigay sa akin ni Jehova, at hindi posible iyon kung isang karera sa sanlibutan ang pinili ko.” Sinabi ng kaniyang asawa: “Bawat assignment ay nakatulong sa akin na sumulong. Damang-dama namin palagi ang proteksiyon at patnubay ni Jehova at hindi namin mararanasan iyan kung hindi kami naging handang sumubok ng iba’t ibang uri ng paglilingkod. Araw-araw akong nagpapasalamat kay Jehova sa buhay namin bilang mga buong-panahong lingkod.” Gusto mo rin ba ng ganiyang buhay?

6. Ano ang nadarama ni Jehova sa ating paglilingkod?

6 Siyempre, may mga kapatid na hindi makapaglingkod nang buong panahon sa kasalukuyan dahil sa kanilang kalagayan. Pero makakatiyak tayo na mahalaga rin kay Jehova ang kanilang buong-kaluluwang pagsisikap. Isipin ang mga kapatid na binanggit ni Pablo sa Filemon 1-3, kasama na ang lahat ng nasa kongregasyon sa Colosas. (Basahin.) Pinahalagahan sila ni Pablo, pati ni Jehova. Pinahahalagahan din ng ating Ama sa langit ang iyong paglilingkod. Pero paano mo masusuportahan ang mga naglilingkod nang buong panahon?

TULUNGAN ANG MGA PAYUNIR

7, 8. Ano ang kasama sa paglilingkod bilang payunir? Paano matutulungan ng mga kapatid sa kongregasyon ang mga payunir?

7 Gaya ng mga ebanghelisador noong unang siglo, ang masisigasig na payunir ay malaking pampatibay sa kongregasyon.  Marami ang gumugugol ng 70 oras sa ministeryo bawat buwan. Paano mo sila matutulungan?

8 Sinabi ni Shari, isang sister na payunir: “Kung titingnan mo ang mga payunir, parang ang tatag nila; nasa larangan sila araw-araw. Pero kailangan din nila ng pampatibay.” (Roma 1:11, 12) Isa pang sister na ilang taon ding nakapagpayunir ang nagkomento tungkol sa mga payunir sa kanilang kongregasyon: “Napakasipag nila at laging abala sa gawain. Kapag may nagsasakay sa kanila, nag-iimbitang kumain, nagbibigay ng kaunting panggasolina o iba pang pinansiyal na tulong, laking pasasalamat nila. Nakikita nila na talagang nagmamalasakit ka sa kanila.”

9, 10. Ano ang ginagawa ng ilan para matulungan ang mga payunir sa kanilang kongregasyon?

9 Gusto mo bang tulungan sa ministeryo ang mga payunir? Ganito ang pakiusap ng payunir na si Bobbi: “Mas kailangan namin ng suporta kapag weekdays.” Isa pang payunir na kakongregasyon niya ang nagsabi: “Ang hirap humanap ng makakasama sa hapon.” Isang sister na naglilingkod ngayon sa Bethel sa Brooklyn ang masayang nagkuwento tungkol sa suporta ng iba noong payunir pa siya: “Sabi sa ’kin ng isang sister na may kotse, ‘Kapag wala kang makapartner, tawagan mo lang ako at sasamahan kita.’ Ang laking tulong niya sa pagpapayunir ko.” Sinabi naman ng sister na si Shari: “Pagkatapos ng paglilingkod, madalas na mag-isa lang ang mga payunir na single. Puwede mo silang yayain paminsan-minsan sa inyong family worship. Makapagpapatibay rin sa kanila kung isasama n’yo sila sa iba pang gawain.”

10 Ikinuwento ng isang sister, na halos 50 taon na ngayon sa buong-panahong paglilingkod, ang karanasan niya noong nagpapayunir siya kasama ng iba pang payunir na walang asawa: “Dinadalaw kami ng mga elder kada ilang buwan. Kinukumusta nila kung okey ang aming kalusugan at trabaho, at kung may problema kami. Talagang nagmamalasakit sila. Pinapasyalan nila kami sa aming apartment para makita kung may kailangan kami.” Ipinaaalala nito sa atin ang pagpapahalaga ni Pablo sa paglilingkod sa kaniya ng isang ama ng tahanan sa Efeso.2 Tim. 1:18.

11. Ano ang kasama sa paglilingkod bilang special pioneer?

 11 Ang ilang kongregasyon ay may mga special pioneer. Marami sa mga kapatid na ito ang gumugugol ng 130 oras bawat buwan sa larangan. Dahil sa panahong ginugugol nila sa ministeryo at sa pagtulong sa iba pang paraan, kaunti lang o wala talaga silang panahon para sa sekular na trabaho. Binibigyan sila ng tanggapang pansangay ng katamtamang allowance para makapagpokus sila sa ministeryo.

12. Paano matutulungan ng mga elder at ng iba pang kapatid ang mga special pioneer?

12 Paano natin matutulungan ang mga special pioneer? Isang elder sa isang tanggapang pansangay na nag-aasikaso sa maraming special pioneer ang nagsabi: “Kailangang kumustahin sila ng mga elder, alamin ang kalagayan nila, at tingnan kung paano sila matutulungan. Iniisip ng ilang kapatid na hindi na kailangan ng mga special pioneer ang suporta dahil may allowance naman sila. Pero maraming maitutulong sa kanila ang mga kapatid.” Gaya ng mga regular pioneer, kailangan din ng mga special pioneer ang makakasama sa paglilingkod sa larangan. Masasamahan mo ba sila?

SUPORTAHAN ANG MGA NAGLALAKBAY NA TAGAPANGASIWA

13, 14. (a) Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa mga tagapangasiwa ng sirkito? (b) Ano sa palagay mo ang magagawa mo para matulungan ang mga nasa gawaing paglalakbay?

13 Ang mga tagapangasiwa ng sirkito at ang kani-kanilang maybahay ay makaranasang mga kapatid na malalakas sa espirituwal. Pero kailangan din nila ng pampatibay, ng makakasama sa ministeryo, at ng katamtamang paglilibang. Paano kung magkasakit sila at maospital, marahil ay kailangan pa ngang magpaopera o magpa-therapy? Napakalaking pampatibay sa kanila kapag tinutulungan sila at pinagmamalasakitan ng mga kapatid. Tiyak na ganiyan ang pagmamalasakit ng “minamahal na manggagamot” na si Lucas, ang manunulat ng aklat ng Mga Gawa, para kay Pablo at sa mga kasama nito sa paglalakbay.Col. 4:14; Gawa 20:5–21:18.

14 Kailangan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa ang malalapít na kaibigan. Sumulat ang isang tagapangasiwa ng sirkito: “Alam ng mga kaibigan ko kapag kailangan ko ng pampatibay. May malasakit ang pagtatanong nila kaya nasasabi ko ang mga problema ko. Malaking tulong sa akin kahit ang pakikinig lang nila.” Pinahahalagahan ng mga tagapangasiwa ng sirkito at ng kanilang maybahay ang personal na interes ng mga kapatid.

SUPORTAHAN ANG MGA MIYEMBRO NG PAMILYANG BETHEL

15, 16. Bakit mahalaga ang gawain ng mga naglilingkod sa Bethel at sa mga Assembly Hall? Paano natin sila masusuportahan?

15 Sa buong daigdig, ang mga naglilingkod sa Bethel at sa mga Assembly Hall ay sumusuporta sa gawaing pang-Kaharian sa mga lupaing pinangangasiwaan ng kanilang tanggapang pansangay. Kung may mga Bethelite sa inyong kongregasyon o sirkito, paano ninyo sila aalalahanin?

16 Kung bagong-dating sila sa Bethel, baka naho-homesick sila dahil malayo sila sa kanilang pamilya at malalapít na kaibigan. Kaya matutuwa sila kapag kinaibigan sila ng mga kapuwa Bethelite at ng mga kapatid sa kanilang bagong kongregasyon. (Mar. 10:29, 30) Pagkatapos ng kanilang regular na trabaho, nakakadalo sila sa mga pulong ng kongregasyon at nakakasama sa paglabas sa larangan bawat linggo. Pero paminsan-minsan, may mga karagdagang atas ang mga Bethelite. Kapag inuunawa ito ng mga kapatid at ipinakikitang pinahahalagahan nila ang mga Bethelite at ang gawain sa Bethel, ang lahat ay nakikinabang.Basahin ang 1 Tesalonica 2:9.

 ALALAYAN ANG MGA BUONG-PANAHONG LINGKOD MULA SA IBANG BANSA

17, 18. Ano-anong uri ng buong-panahong paglilingkod ang ginagawa ng mga naglilingkod sa ibang bansa?

17 Ang mga inatasang maglingkod sa ibang bansa ay maaaring manibago sa pagkain, wika, kaugalian, at paraan ng pamumuhay. Bakit handa silang harapin ang gayong mga hamon?

18 Ang ilan ay mga misyonero na pangunahin nang naglilingkod sa larangan at marami silang natutulungan dahil sa pantanging pagsasanay na tinanggap nila. Ang tanggapang pansangay ay naglalaan ng simpleng tuluyan at allowance para sa kanilang pangangailangan. Ang ilan naman na inatasan sa ibang bansa ay naglilingkod sa tanggapang pansangay o tumutulong sa pagtatayo ng mga pasilidad ng sangay, remote translation office, Assembly Hall, o Kingdom Hall. Pinaglalaanan sila ng pagkain, simpleng tirahan, at iba pang serbisyo. Gaya ng mga Bethelite, regular silang dumadalo sa mga pulong at lumalabas sa larangan kaya malaking pagpapala sila sa kongregasyon.

19. Paano mo matutulungan ang mga buong-panahong lingkod mula sa ibang bansa?

19 Paano mo matutulungan ang mga buong-panahong lingkod mula sa ibang bansa? Tandaan na sa simula, baka manibago sila sa pagkain. Kaya kapag inanyayahan mo silang kumain, itanong muna kung anong pagkain ang puwede nilang kainin o gustong matikman. Pagpasensiyahan sila kung hindi pa sila sanay sa inyong wika at mga kaugalian. Baka medyo matagalan bago nila maintindihan ang lahat ng sinasabi mo, pero matuturuan mo sila ng tamang pagbigkas. Gusto nilang matuto!

20. Paano natin matutulungan ang mga buong-panahong lingkod at ang kanilang mga magulang?

20 Nagkakaedad din ang mga nasa buong-panahong paglilingkod, pati na ang kanilang mga magulang. Kung mga Saksi ang mga magulang, malamang na gusto nilang manatili sa pribilehiyo ang kanilang mga anak. (3 Juan 4) Siyempre, kung kailangan ng kanilang mga magulang ang pangangalaga, gagawin ng mga buong-panahong lingkod ang makakaya nila para madalaw at maalagaan ang mga ito. Pero malaking tulong sa mga nasa buong-panahong paglilingkod kung may mga kapatid na handang umalalay sa kanilang nagkakaedad na mga magulang. Tandaan na ang mga nasa buong-panahong paglilingkod ay abala sa pinakamahalagang gawain sa ngayon. (Mat. 28:19, 20) May magagawa ka ba o ang kongregasyon sakaling mangailangan ng tulong ang mga magulang ng mga buong-panahong lingkod?

21. Ano ang nadarama ng mga naglilingkod nang buong panahon sa tulong at pampatibay na ibinibigay sa kanila?

21 Ang mga kapatid na nasa buong-panahong paglilingkod ay pumasok sa gawaing ito, hindi para magpayaman, kundi para magbigay—kay Jehova at sa iba pa. Malaking bagay sa kanila ang anumang tulong na maibibigay mo. Sinabi ng isang sister na naglilingkod nang buong panahon sa ibang lupain: “Kahit maikling sulat lang ng pasasalamat ay sapat na para ipakitang naaalala ka nila at na natutuwa sila sa ginagawa mo.”

22. Ano ang masasabi mo tungkol sa buong-panahong paglilingkod?

22 Wala nang hihigit pa sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova. Hindi ito madali pero kapaki-pakinabang ito at kasiya-siya. At inihahanda tayo nito para sa walang-hanggang paglilingkod sa ilalim ng Kaharian ng Diyos sa bagong sanlibutan. Patuloy nawa nating alalahanin ang “tapat na gawa” at “maibiging pagpapagal” ng mga naglilingkod nang buong panahon.1 Tes. 1:3.