Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikaw Ba’y ‘Umaabot ng Isang Mainam na Gawa’?

Ikaw Ba’y ‘Umaabot ng Isang Mainam na Gawa’?

KABADO si Fernando. * Gusto kasi siyang kausapin ng dalawang elder. Dati na siyang kinausap ng mga elder pagkaraan ng ilang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Sinabi nila sa kaniya ang mga kailangan niyang pasulungin para maging kuwalipikado sa karagdagang pribilehiyo sa kongregasyon. Sa paglipas ng panahon, naiisip ni Fernando kung mahihirang pa kaya siya bilang elder. Katatapos lang uli ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Ano kaya ngayon ang sasabihin ng mga elder?

Nakikinig si Fernando habang nagsasalita ang isa sa mga elder. Binanggit ng elder ang 1 Timoteo 3:1 at sinabing nakatanggap sila ng sulat na nagsasabing nahirang bilang elder si Fernando. Nagulat siya at nagtanong, “Ano’ng sabi n’yo?” Matapos ulitin ng elder ang kaniyang sinabi, napangiti si Fernando. Nang ipatalastas sa kongregasyon na elder na siya, tuwang-tuwa ang lahat.

Mali bang maghangad ng pribilehiyo sa kongregasyon? Hindi. Ayon sa 1 Timoteo 3:1, “kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa, siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa.” Maraming brother ang napasisigla ng pampatibay na iyan at nagsisikap na maging kuwalipikado sa mga pribilehiyo sa kongregasyon. Bilang resulta, pinagpala ang bayan ng Diyos ng libo-libong may-kakayahang elder at ministeryal na lingkod. Pero dahil lumalago ang mga kongregasyon, kailangan ang mas maraming brother na umaabot ng pribilehiyo. Ano ang tamang paraan ng paggawa nito? Dapat ba itong labis na ipag-alala ng mga nagsisikap maging tagapangasiwa, gaya ni Fernando?

ANO ANG IBIG SABIHIN NG ‘PAG-ABOT’?

Isinalin ang pananalitang “umaabot” mula sa pandiwang Griego na ang diwa ay marubdob na magnasa, umunat. Kung ilalarawan, kagaya iyan ng isang tao na pilit na iniuunat ang kamay para mapitas ang isang prutas sa puno. Pero hindi ito nangangahulugan ng may-kasakimang pag-abot sa pribilehiyong maging isang tagapangasiwa. Bakit hindi? Dahil ang tunguhin ng mga taimtim na nagnanais maglingkod  bilang elder ay ang pagganap ng “isang mainam na gawa” imbes na ang pagkakaroon ng posisyon.

Marami sa mga kahilingang kaugnay ng mainam na gawang iyon ang nakatala sa 1 Timoteo 3:2-7 at Tito 1:5-9. Tungkol sa matataas na pamantayang iyon, ipinaliwanag ni Raymond, isang matagal nang elder: “Para sa akin, ang pinakamahalaga ay kung ano ang ating pagkatao. Mahalaga ang kakayahang magpahayag at magturo, pero mas mahalaga pa rin ang pagiging di-mapupulaan, katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, at makatuwiran.”

‘Umabot’ sa pamamagitan ng pakikibahagi sa iba’t ibang gawain sa kongregasyon

Kung ang isang brother ay talagang umaabot ng pribilehiyo, ipakikita niyang hindi siya mapupulaan sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng uri ng pandaraya at karumihan. Siya ay katamtaman sa pag-uugali, may matinong pag-iisip, maayos, at makatuwiran; dahil dito, ang mga kapatid ay panatag sa kaniyang pangunguna at nagtitiwalang tutulungan niya sila kapag may problema. Dahil mapagpatuloy siya, napapatibay niya ang mga kabataan at mga baguhan. Tinutulungan niya at pinatitibay ang mga maysakit at may edad dahil maibigin siya sa kabutihan. Nililinang niya ang mga katangiang ito para makatulong sa iba, hindi para mahirang na tagapangasiwa. *

Ang lupon ng matatanda ay handang magpayo at magpatibay sa brother na umaabot ng pribilehiyo. Pero siya pa rin ang kikilos para maabot ang makakasulatang mga kahilingan. Sinabi ni Henry, isang makaranasang tagapangasiwa: “Kung umaabot ka ng pribilehiyo, sikapin mong patunayan na kuwalipikado ka.” Tinukoy niya ang Eclesiastes 9:10 at nagpaliwanag: “‘Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan.’ Kaya anumang atas ang ibigay sa iyo ng mga elder, pagbutihin mo. Mahalin ang lahat ng iatas sa iyo sa kongregasyon, kahit pagwawalis lang iyon ng sahig. Bandang huli, mapapansin ang pagsisikap mo.” Kung gusto mong maglingkod bilang elder balang araw, maging masipag at mapagkakatiwalaan sa lahat ng aspekto ng sagradong paglilingkod. Kapakumbabaan, hindi pagmamataas, ang dapat mangibabaw sa iyong pagkatao.Mat. 23:8-12.

 ALISIN ANG MALING KAISIPAN AT PAGGAWI

Ang ilan na gustong magkapribilehiyo sa kongregasyon ay baka matuksong magparamdam na interesado sila sa pribilehiyo o kaya’y subukang impluwensiyahan ang lupon ng matatanda. Ang iba naman ay naiinis kapag pinapayuhan sila ng mga elder. Kung ganiyan ang isa, dapat niyang itanong sa sarili, ‘Pribilehiyo lang ba ang habol ko, o gusto kong paglingkuran at pangalagaan ang mga tupa ni Jehova?’

Dapat tandaan ng mga umaabot ng pribilehiyo ang isa pang kahilingan para maging elder—ang pagiging “halimbawa sa kawan.” (1 Ped. 5:1-3) Para maging halimbawa sa kongregasyon, ang isa ay hindi dapat mag-isip o gumawi nang mapanlinlang. Sinisikap niyang maging matiisin, may pribilehiyo man siya sa kasalukuyan o wala. Pero ang pagiging elder ay hindi nangangahulugang wala na siyang kapintasan. (Bil. 12:3; Awit 106:32, 33) Isa pa, maaaring walang nakikita ang isang brother na “anumang bagay na laban sa [kaniyang] sarili,” pero baka may negatibong nakikita sa kaniya ang iba. (1 Cor. 4:4) Kaya kapag pinayuhan ka ng mga elder mula sa Bibliya, huwag mainis. Sa halip, makinig na mabuti at sundin ang kanilang payo.

PAANO KUNG MATAGAL KA NANG NAGHIHINTAY?

Sa pananaw ng ilang brother, parang napakatagal na nilang naghihintay bago sila mahirang. Kung maraming taon ka nang nagsisikap na ‘umabot sa katungkulan ng tagapangasiwa,’ naiinip ka rin ba kung minsan? Kung gayon, pansinin ang kinasihang pananalitang ito: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit ang bagay na ninanasa ay punungkahoy ng buhay kapag ito ay dumating.”Kaw. 13:12.

Maaaring masiraan ng loob ang isa kapag ang inaasam-asam niyang tunguhin ay parang hindi dumarating. Ganiyan ang nadama ni Abraham. Pinangakuan siya ni Jehova ng anak na lalaki, pero maraming taon na ang lumilipas ay hindi pa rin sila nagkakaanak ni Sara. (Gen. 12:1-3, 7) Noong tumatanda na si Abraham, dumaing siya: “Soberanong Panginoong Jehova, ano ang ibibigay mo sa akin, yamang ako ay yumayaong walang anak . . . Hindi mo ako binigyan ng binhi.” Kaya tiniyak uli ni Jehova kay Abraham na matutupad ang kaniyang pangako na bibigyan siya ng anak na lalaki. Pero lumipas pa ang di-kukulangin sa 14 na taon bago tinupad ng Diyos ang kaniyang pangako.Gen. 15:2-4; 16:16; 21:5.

Habang naghihintay si Abraham, nawala ba ang kagalakan niya sa paglilingkod kay Jehova? Hindi. Hindi siya kailanman nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Patuloy siyang umasa na matutupad iyon. Sumulat si apostol Pablo: “Pagkatapos makapagpakita ng pagtitiis si Abraham, siya ay nagtamo ng pangakong ito.” (Heb. 6:15) Nang bandang huli, pinagpala ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang tapat na lalaking iyon nang higit pa sa inaasahan nito. Ano ang matututuhan mo kay Abraham?

Kung matagal mo nang hinihintay ang pribilehiyong maglingkod bilang elder pero hindi pa iyon dumarating, patuloy na magtiwala kay Jehova. Huwag mawalan ng kagalakan sa paglilingkod. Si Warren, na nakatulong sa maraming brother na sumulong sa espirituwal, ay nagpaliwanag kung bakit: “Kailangan ng panahon para makita kung kuwalipikado ang isa. Habang tumatagal, ang kakayahan at saloobin ng  isang brother ay unti-unting nakikita sa kaniyang paggawi at pagganap ng mga atas. Inaakala ng iba na matagumpay ang isa kung may pribilehiyo siya o atas. Pero ang gayong kaisipan ay mali at puwedeng mauwi sa labis na paghahangad ng pribilehiyo. Hangga’t naglilingkod ka nang tapat kay Jehova, nasaan ka man at anuman ang ginagawa mo, matagumpay ka.”

Isang brother ang naghintay nang mahigit 10 taon bago nahirang na elder. Ganito ang sinabi niya tungkol sa aral na natutuhan niya sa isang paglalarawan sa aklat ng Ezekiel, kabanata 1: “Pinatatakbo ni Jehova ang kaniyang karo, ang kaniyang organisasyon, sa bilis na gusto niya. Ang mahalaga ay hindi ang panahong iniisip natin kundi ang panahong iniisip ni Jehova. Kung paglilingkod bilang elder ang pag-uusapan, hindi ako ang mahalaga—kung ano ang gusto ko o ang pangarap kong maabot. Baka ang gusto ko ay iba pala sa iniisip ni Jehova na kailangan ko.”

Kung gusto mong gampanan ang mainam na gawa ng isang tagapangasiwa balang araw, sikapin mong umabot sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpapasigla ng kongregasyon. Kung naiinip ka, labanan ang gayong damdamin. Si Raymond, na nabanggit na, ay nagsabi: “Hindi ka magiging kontento kung ambisyoso ka. Ang mga mainipin ay hindi magiging maligaya sa paglilingkod kay Jehova.” Higit na linangin ang bunga ng espiritu ng Diyos, lalo na ang pagtitiis. Pasulungin ang espirituwalidad mo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Dagdagan ang pakikibahagi mo sa pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo ng Bibliya sa mga interesado. Manguna sa iyong pamilya sa espirituwal na mga gawain at sa pampamilyang pagsamba. Maging malapít sa mga kapatid sa kongregasyon. Habang sinisikap mong maabot ang tunguhin mo, mag-e-enjoy ka sa iyong paglilingkod.

Ang pagkakataong umabot ng mga pribilehiyo sa kongregasyon ay isang pagpapala mula kay Jehova; ayaw niya at ng kaniyang organisasyon na ang sinumang umaabot ng pribilehiyo ay madismaya o malungkot habang naglilingkod sa kaniya. Tinutulungan at pinagpapala ng Diyos ang lahat ng naglilingkod sa kaniya nang may tamang motibo. Oo, ang lahat ng kaniyang pagpapala ay “hindi niya . . . dinaragdagan ng kirot.”Kaw. 10:22.

Kahit matagal ka nang umaabot ng pribilehiyo, may mapapasulong ka pa rin sa iyong espirituwalidad. Habang nililinang mo ang kinakailangang mga katangian at sinusuportahan ang kongregasyon nang hindi pinababayaan ang iyong pamilya, makakagawa ka ng isang di-malilimutang rekord ng paglilingkod. Lagi ka nawang maging masaya sa paglilingkod kay Jehova, anumang atas ang ibigay sa iyo.

^ par. 2 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 8 Ang mga simulaing binanggit sa artikulong ito ay kapit din sa mga nais maglingkod bilang ministeryal na lingkod. Nasa 1 Timoteo 3:8-10, 12, 13, ang mga kahilingang dapat nilang maabot.