Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kayo ay Magiging Isang Kaharian ng mga Saserdote”

“Kayo ay Magiging Isang Kaharian ng mga Saserdote”

“Kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.”EX. 19:6.

1, 2. Anong uri ng proteksiyon ang kailangan ng binhi ng babae? Bakit?

ANG unang hula na nakaulat sa Bibliya ay napakahalaga sa katuparan ng layunin ni Jehova. Nang ibigay ng Diyos ang pangako sa Eden, sinabi niya: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo [ni Satanas] at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi.” Magiging gaano katindi ang alitang iyon? “Siya [ang binhi ng babae] ang susugat sa iyo [kay Satanas] sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong,” ang sabi ni Jehova. (Gen. 3:15) Gayon na lang katindi ang alitan sa pagitan ng serpiyente at ng babae anupat gagawin ni Satanas ang lahat para lipulin ang binhi ng babae.

2 Kaya naman hindi kataka-taka na sa panalangin ng salmista tungkol sa piling bayan ng Diyos, sinabi niya: “Narito! ang iyo mismong mga kaaway ay nagkakagulo; at ang mga masidhing napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang ulo. May-katusuhan nilang isinasagawa ang kanilang lihim na usapan laban sa iyong bayan; at nagsasabuwatan sila laban sa iyong mga nakakubli. Sinabi nila: ‘Halikayo at pawiin natin sila mula sa pagiging isang bansa.’” (Awit 83:2-4) Ang angkan na pagmumulan ng binhi ng babae ay kailangang protektahan mula sa pagkalipol at pagkahawa sa huwad na pagsamba. Para magawa ito at matiyak na matutupad ang  kaniyang layunin, gumawa si Jehova ng iba pang legal na mga kaayusan.

ISANG TIPAN NA NAGSILBING PROTEKSIYON PARA SA BINHI

3, 4. (a) Kailan nagkabisa ang tipang Kautusan, at sa ano sumang-ayon ang bansang Israel? (b) Paano nagsilbing proteksiyon ang tipang Kautusan?

3 Milyon-milyon na ang mga inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob nang gawin sila ni Jehova na isang bansa—ang sinaunang bansang Israel. Sa pamamagitan ni Moises, nakipagtipan ang Diyos sa buong bansa. Ang tipang ito ay tinatawag na tipang Kautusan. Ibinigay ni Jehova sa Israel ang Kautusan, at sumang-ayon sila na sundin iyon. Iniulat ng Bibliya: “Kinuha [ni Moises] ang aklat ng tipan at binasa iyon sa pandinig ng bayan. Pagkatapos ay sinabi nila: ‘Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.’ Kaya kinuha ni Moises ang dugo [ng mga torong inihain] at iwinisik iyon sa bayan at sinabi: ‘Narito ang dugo ng tipan na ipinakipagtipan ni Jehova sa inyo may kinalaman sa lahat ng mga salitang ito.’”Ex. 24:3-8.

4 Nagkabisa ang tipang Kautusan noong 1513 B.C.E. sa Bundok Sinai. Sa pamamagitan ng tipang ito, ang sinaunang bansang Israel ay ibinukod bilang piling bayan ng Diyos. Si Jehova ang naging ‘kanilang Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari.’ (Isa. 33:22) Ipinakikita ng kasaysayan ng Israel ang resulta kapag ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos ay sinunod o kaya’y sinuway. Yamang ipinagbawal ng Kautusan ang pag-aasawa ng pagano at pakikibahagi sa huwad na pagsamba, nagsilbi itong proteksiyon para hindi marumhan ang angkan ni Abraham.Ex. 20:4-6; 34:12-16.

5. (a) Anong pagkakataon ang nabuksan sa Israel dahil sa tipang Kautusan? (b) Bakit itinakwil ng Diyos ang Israel?

5 Ang tipang Kautusan ay naglaan din ng kaayusan para sa isang pagkasaserdote, na matutupad sa mas malaking antas sa hinaharap. (Heb. 7:11; 10:1) Sa katunayan, sa pamamagitan ng tipang iyon, ang Israel ay may pantanging pagkakataon at pribilehiyong maging “isang kaharian ng mga saserdote” kung magiging masunurin sila sa mga kautusan ni Jehova. (Basahin ang Exodo 19:5, 6.) Pero hindi naabot ng Israel ang kahilingang ito. Sa halip na tanggapin ang Mesiyas, ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham, itinakwil siya ng bansa. Kaya naman itinakwil din ng Diyos ang bansang iyon.

Ang pagsuway ng Israel ay hindi nangangahulugang nabigo ang tipang Kautusan (Tingnan ang parapo 3-6)

6. Ano ang naisakatuparan ng Kautusan?

6 Dahil hindi nanatiling tapat ang bansang Israel, hindi sila naging isang kaharian ng mga saserdote. Pero hindi iyan nangangahulugan na nabigo ang Kautusan. Ang layunin ng Kautusan ay protektahan ang binhi at tulungan ang mga tao na makilala ang Mesiyas. Nang dumating si Jesus at makilala bilang Mesiyas, ang papel ng Kautusan ay nagampanan na. Sinabi ng Bibliya: “Si Kristo ang wakas ng Kautusan.” (Roma 10:4) Pero  ang tanong: Sino na ngayon ang may pagkakataong maging isang kaharian ng mga saserdote? Naglaan ang Diyos na Jehova ng isa pang legal na kasunduan para bumuo ng isang bagong bansa.

BUMUO SI JEHOVA NG ISANG BAGONG BANSA

7. Ano ang inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias may kinalaman sa isang bagong tipan?

7 Bago pa man mapawalang-bisa ang tipang Kautusan, inihula na ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Jeremias na gagawa Siya ng “isang bagong tipan” sa bansang Israel. (Basahin ang Jeremias 31:31-33.) Ang tipang ito ay naiiba sa tipang Kautusan dahil sa pamamagitan nito, magiging posible ang kapatawaran ng kasalanan kahit walang mga haing hayop. Paano?

8, 9. (a) Ano ang nagawa ng itinigis na dugo ni Jesus? (b) Anong pagkakataon ang nabuksan sa mga kabilang sa bagong tipan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

8 Pagkaraan ng ilang siglo, pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon noong Nisan 14, 33 C.E. Sinabi niya sa kaniyang 11 tapat na apostol tungkol sa kopa ng alak: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Luc. 22:20) Ayon naman sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus tungkol sa alak: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.”Mat. 26:27, 28.

9 Ang itinigis na dugo ni Jesus ang nagbigay-bisa sa bagong tipan. Sa pamamagitan din ng dugong iyan, naging posible na patawarin nang minsanan ang mga kasalanan. Hindi partido si Jesus sa bagong tipan. Yamang wala siyang kasalanan, hindi niya kailangan ng kapatawaran. Pero magagamit ni Jehova ang halaga ng dugo ni Jesus para sa mga inapo ni Adan. Maaari din niyang ampunin ang ilang tapat na tao “bilang mga anak” sa pamamagitan ng pagbubuhos sa kanila ng banal na espiritu. (Basahin ang Roma 8:14-17.) Yamang itinuturing sila ng Diyos bilang walang kasalanan, masasabing katulad sila ni Jesus, ang walang-kasalanang Anak ng Diyos. Ang mga pinahirang ito ay magiging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” at magkakaroon ng pagkakataong maging “isang kaharian ng mga saserdote.” Ito sana ang pribilehiyo ng bansang Israel sa ilalim ng Kautusan. Tungkol sa “mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” sinabi ni apostol Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Ped. 2:9) Napakahalaga nga ng bagong tipan! Sa pamamagitan nito, ang mga alagad ni Jesus ay maaaring maging pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham.

NAGKABISA ANG BAGONG TIPAN

10. Kailan nagkabisa ang bagong tipan? Bakit noon lang ito nagkabisa?

10 Kailan nagkabisa ang bagong tipan? Hindi noon mismong Hapunan ng Panginoon. Bakit? Para magkabisa iyon, kailangang ibuhos ang dugo ni Jesus at maiharap kay Jehova sa langit ang halaga nito. Bukod diyan, kailangang ibuhos ang banal na espiritu sa magiging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” Kaya nagkabisa ang bagong tipan noong Pentecostes 33 C.E. nang pahiran ng banal na espiritu ang tapat na mga alagad ni Jesus.

11. Paanong sa pamamagitan ng bagong tipan ay naging bahagi ng espirituwal na Israel kapuwa ang mga Judio at mga Gentil? Ilan ang kabilang sa bagong tipan?

11 Bagaman ang tipang Kautusan ay maituturing na “lipas na” nang sabihin ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias na gagawa Siya ng bagong tipan sa Israel, nagwakas lang ang tipang ito nang magkabisa ang bagong tipan.  (Heb. 8:13) Sa pamamagitan ng bagong tipan, kapuwa ang mga Judio at mga di-tuling mananampalatayang Gentil ay may pagkakataong maging mga tagapagmana ng Kaharian ng Diyos, dahil ang kanilang “pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa pamamagitan ng isang nakasulat na kodigo.” (Roma 2:29) Ilalagay ng Diyos ang kaniyang mga kautusan ‘sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga puso ay isusulat niya ang mga iyon.’ (Heb. 8:10) Ang mga kasama sa bagong tipan ay 144,000, na magiging isang bagong bansa—ang “Israel ng Diyos”—ang espirituwal na Israel.Gal. 6:16; Apoc. 14:1, 4.

12. Paano maihahambing ang tipang Kautusan sa bagong tipan?

12 Paano maihahambing ang tipang Kautusan sa bagong tipan? Ang tipang Kautusan ay sa pagitan ni Jehova at ng likas na Israel; ang bagong tipan naman ay sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel. Ang tagapamagitan ng naunang tipan ay si Moises; ang Tagapamagitan ng bagong tipan ay si Jesus. Ang tipang Kautusan ay nagkabisa sa pamamagitan ng dugo ng hayop; ang bagong tipan naman ay nagkabisa sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. At ang bansang Israel ay inorganisa sa pamamagitan ng tipang Kautusan sa ilalim ni Moises; ang mga nasa bagong tipan naman ay inorganisa sa ilalim ni Jesus—ang Ulo ng kongregasyon.Efe. 1:22.

13, 14. (a) Ano ang kaugnayan ng bagong tipan at ng Kaharian? (b) Ano ang kailangan para makapamahalang kasama ni Kristo sa langit ang espirituwal na Israel?

13 Ano ang kaugnayan ng bagong tipan at ng Kaharian? Ang tipang ito ay naglalaan ng isang banal na bansa na may pribilehiyong maging mga hari at saserdote sa Kaharian sa langit. Ang bansang iyon ang pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham. (Gal. 3:29) Kaya tinitiyak ng bagong tipan na matutupad ang tipang Abrahamiko.

14 Sa pamamagitan ng bagong tipan, nabuo ang espirituwal na bansang Israel, at naging legal na saligan ito para maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” ang mga kabilang sa bagong tipan. Pero para makasama sila ni Jesus sa langit sa kaniyang Kaharian bilang mga hari at saserdote, isa pang legal na kaayusan ang kailangan.

ISANG TIPAN PARA MAKAPAMAHALANG KASAMA NI KRISTO ANG IBA

15. Ano ang personal na tipan ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol?

15 Matapos pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, nakipagtipan siya sa kaniyang tapat na mga alagad; karaniwan na itong tinatawag na tipan para sa Kaharian. (Basahin ang Lucas 22:28-30.) Di-gaya ng ibang mga tipan kung saan si Jehova ang isa sa mga partido, ito ay personal na tipan sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang mga pinahirang tagasunod. Nang sabihin niyang “kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin,” lumilitaw na tinutukoy ni Jesus ang pakikipagtipan sa kaniya ni Jehova para gawin siyang “isang saserdote magpakailanman ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.”Heb. 5:5, 6.

16. Ano ang naging posible para sa mga pinahirang Kristiyano dahil sa tipan para sa Kaharian?

16 Ang 11 tapat na apostol ay ‘nanatiling kasama ni Jesus sa kaniyang mga pagsubok.’ Tiniyak ng tipan para sa Kaharian na makakasama niya sila sa langit at uupo sila sa trono para mamahala bilang mga hari at maglingkod bilang mga saserdote. Pero hindi lang ang 11 apostol ang may gayong pribilehiyo. Nang magpakita ang niluwalhating si Jesus kay apostol Juan sa pangitain, sinabi niya: “Ang isa na nananaig ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, kung paanong ako ay nanaig at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang trono.” (Apoc. 3:21) Kaya kasama sa tipan para sa Kaharian ang 144,000 pinahirang Kristiyano.  (Apoc. 5:9, 10; 7:4) Ito ang tipan na nagsilbing legal na saligan para makapamahala silang kasama ni Jesus sa langit. Maikukumpara ito sa isang babae mula sa isang maharlikang pamilya na mapapangasawa ng isang hari at makakasama nito sa pamamahala. Sa katunayan, tinutukoy ng Bibliya ang mga pinahirang Kristiyano bilang “ang kasintahang babae” ni Kristo, “isang malinis na birhen” na ipinangakong ikasal kay Kristo.Apoc. 19:7, 8; 21:9; 2 Cor. 11:2.

MAGKAROON NG DI-NATITINAG NA PANANAMPALATAYA SA KAHARIAN

17, 18. (a) Ipaliwanag sa maikli ang anim na tipan na tinalakay natin may kaugnayan sa Kaharian. (b) Bakit may dahilan tayong magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya sa Kaharian?

17 Ang lahat ng tipan na tinalakay natin sa dalawang artikulo ay nauugnay sa isa o higit pang mahalagang aspekto ng Kaharian. (Tingnan ang chart na “Kung Paano Tutuparin ng Diyos ang Kaniyang Layunin.”) Idiniriin nito na ang Kaharian ay nakatatag sa legal na mga kasunduan. Kaya naman may matibay na dahilan tayo para lubusang magtiwala na ang Mesiyanikong Kaharian ang ginagamit ng Diyos para tuparin ang kaniyang orihinal na layunin para sa lupa at sa mga tao.Apoc. 11:15.

Sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, tutuparin ni Jehova ang layunin niya para sa lupa (Tingnan ang parapo 15-18)

18 Walang alinlangan na ang Kaharian ay magdudulot ng permanenteng pagpapala para sa sangkatauhan. Kaya may-pagtitiwala nating maipangangaral na ang Kaharian ng Diyos ang tanging solusyon sa lahat ng problema ng tao. Masigasig nawa nating ibahagi sa iba ang katotohanang iyan!Mat. 24:14.