Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalin ang Pribilehiyo Mong Gumawang Kasama ni Jehova!

Mahalin ang Pribilehiyo Mong Gumawang Kasama ni Jehova!

“[Tayo] ay mga kamanggagawa ng Diyos.”1 COR. 3:9.

1. Ano ang saloobin ni Jehova sa paggawa, at ano ang ginagawa niya para maranasan din ito ng kaniyang mga nilalang?

MASAYA si Jehova sa paggawa. (Awit 135:6; Juan 5:17) Gusto niyang maranasan din ng mga anghel at mga tao ang kagalakan sa paggawa kaya binibigyan niya sila ng makabuluhan at kasiya-siyang mga atas. Halimbawa, binigyan niya ng atas ang kaniyang panganay na Anak sa Kaniyang paglalang. (Basahin ang Colosas 1:15, 16.) Sinasabi sa atin ng Bibliya na bago naging tao si Jesus, kasama siya ng Diyos sa langit “bilang isang dalubhasang manggagawa.”Kaw. 8:30.

2. Ano ang nagpapakitang ang mga espiritung nilalang ay binibigyan ng mahalaga at kasiya-kasiyang gawain?

2 Mula sa una hanggang sa huling aklat ng Bibliya, makikita ang maraming halimbawa ng pagbibigay ni Jehova ng atas sa kaniyang mga espiritung anak. Nang magkasala sina Adan at Eva at palayasin sila sa kanilang Paraisong tahanan, “inilagay [ng Diyos] sa silangan ng hardin ng Eden ang mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak na patuloy na umiikot upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.” (Gen. 3:24) Binabanggit naman sa Apocalipsis 22:6 na si Jehova ay “nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga  bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.”

MGA ATAS NA IBINIGAY SA TAO

3. Noong narito sa lupa si Jesus, paano niya tinularan ang kaniyang Ama?

3 Noong narito sa lupa si Jesus bilang isang sakdal na tao, masaya siya sa pagganap sa atas na ibinigay ni Jehova sa kaniya. Tinularan niya ang kaniyang Ama at inatasan din ng mahalagang gawain ang kaniyang mga alagad. Para panabikan nila ito, sinabi ni Jesus: “Siya na nananampalataya sa akin, ang isa ring iyon ay gagawa ng mga gawa na aking ginagawa; at siya ay gagawa ng mga gawa na mas dakila kaysa sa mga ito, sapagkat ako ay paroroon sa Ama.” (Juan 14:12) Para idiin naman ang pagkaapurahan ng gayong gawain, sinabi niya: “Dapat nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang araw pa; ang gabi ay dumarating kung kailan wala nang taong makagagawa.”Juan 9:4.

4-6. (a) Bakit tayo nagpapasalamat na ginampanan nina Noe at Moises ang atas na ibinigay ni Jehova sa kanila? (b) Ano ang resulta ng lahat ng atas na ibinibigay ng Diyos sa mga tao?

4 Bago pa man dumating si Jesus sa lupa, ang mga tao ay binibigyan na ng kasiya-siyang gawain. Di-gaya nina Adan at Eva na hindi nagampanan ang atas na ibinigay ng Diyos, may iba na naging masunurin sa iniutos sa kanila. (Gen. 1:28) Si Noe ay binigyan ng espesipikong mga tagubilin tungkol sa paggawa ng arkang gagamitin para mailigtas ang mga tao sa Delubyo. Maingat niyang sinunod ang iniutos ni Jehova. At dahil dito, buháy tayo ngayon!Gen. 6:14-16, 22; 2 Ped. 2:5.

5 Si Moises ay binigyan din ng espesipikong mga tagubilin sa pagtatayo ng tabernakulo at pag-oorganisa ng pagkasaserdote, na maingat niyang sinunod. (Ex. 39:32; 40:12-16) Nakikinabang pa rin tayo ngayon sa tapat na pagsunod niya. Paano? Sinabi ni apostol Pablo na ang tabernakulo at ang pagkasaserdote ay lumalarawan sa “mabubuting bagay na darating.”Heb. 9:1-5, 9; 10:1.

6 Iba-iba ang atas na ibinibigay ng Diyos sa kaniyang mga lingkod, depende sa kailangan para matupad ang kaniyang layunin. Pero ang lahat ng atas na iyon ay lumuluwalhati kay Jehova at para sa kapakinabangan ng mga taong nananampalataya. Ganiyan ang resulta ng pagtupad ni Jesus sa kaniyang mga atas bago siya naging tao at noong narito siya sa lupa. (Juan 4:34; 17:4) Sa ngayon, ang gawaing iniatas sa atin ay lumuluwalhati rin kay Jehova. (Mat. 5:16; basahin ang 1 Corinto 15:58.) Bakit natin nasabi iyan?

MANATILING POSITIBO SA ANUMANG ATAS

7, 8. (a) Ano ang pribilehiyo ng mga Kristiyano ngayon? (b) Paano tayo dapat tumugon sa tagubilin ni Jehova?

7 Kamangha-manghang isipin na inaanyayahan ni Jehova ang di-sakdal na tao na maging kamanggagawa niya. (1 Cor. 3:9) Ang mga tumutulong sa pagtatayo ng mga Assembly Hall, Kingdom Hall, at pasilidad ng sangay ay nakikibahagi sa literal na pagtatayo, gaya ng ginawa noon nina Noe at Moises. Naglilingkod ka man sa pagre-renovate ng isang Kingdom Hall o sa pagtatayo ng ating pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York, mahalin mo ang iyong pribilehiyo. (Tingnan sa simula ng artikulong ito ang larawang ginawa ng artist.) Sagradong paglilingkod iyan. Bagaman hindi lahat ay bahagi ng literal na pagtatayo, ang lahat ng Kristiyano ay kasama sa isang espirituwal na pagtatayo. Ito rin ay lumuluwalhati kay Jehova at para sa kapakinabangan ng masunuring mga tao. (Gawa 13:47-49) May mga tagubiling inilalaan ang organisasyon ng Diyos kung paano epektibong isasagawa ang atas na ito. Kung minsan, nangangahulugan iyon ng pagbabago ng ating atas.

 8 Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay laging handang sumunod sa tagubilin ng kaniyang organisasyon. (Basahin ang Hebreo 13:7, 17.) Sa umpisa, baka hindi natin maintindihan kung bakit tayo binibigyan ng bagong atas o kung bakit kailangang gawin ito sa isang partikular na paraan. Pero nakakatiyak tayo na maganda ang magiging resulta kung makikipagtulungan tayo kay Jehova kapag may ginagawa siyang mga pagbabago.

9. Anong halimbawa ang ipinakikita ng mga elder para sa kongregasyon?

9 Makikita sa pangunguna ng mga elder sa kongregasyon na talagang gusto nilang gawin ang kalooban ni Jehova. (2 Cor. 1:24; 1 Tes. 5:12, 13) Sinisikap nilang gampanan ang kanilang mga atas at umalinsabay sa mga pagbabago. Handa silang sumunod sa mga bagong paraan ng pangangaral tungkol sa itinatag na Kaharian ng Diyos. Kahit sa umpisa ay atubili ang ilan na magsaayos ng pagpapatotoo sa telepono, pagpapatotoo sa piyer, o ng pampublikong pagpapatotoo, di-nagtatagal ay nakikita nila ang mabubuting resulta. Halimbawa, nagsaayos ang isang lupon ng matatanda sa Germany ng pangangaral sa isang lugar ng negosyo na matagal nang hindi nagagawa. Apat na payunir ang nakibahagi rito. Sinabi ni Michael: “Ilang taon na kaming hindi nakakabahagi sa ganitong uri ng pagpapatotoo, kaya kabadong-kabado kami. Siguradong alam iyon ni Jehova, kaya pinagpala niya kami at naging mabunga ang paglilingkod namin nang umagang iyon. Buti na lang at sinunod namin ang tagubilin sa Ating Ministeryo sa Kaharian at umasa sa tulong ni Jehova!” Handa ka bang sumubok ng mga bagong paraan ng pagpapatotoo sa inyong teritoryo?

10. Anong pagbabago sa kaayusan ng organisasyon ang ginawa nitong nakalipas na mga taon?

10 Kung minsan, may mga pagbabagong ginagawa sa kaayusan ng organisasyon. Nitong nakalipas na mga taon, pinag-isa ang ilang tanggapang pansangay. Kailangang mag-adjust ang mga kapatid na naglilingkod sa mga sangay na iyon. Pero di-nagtagal, nakita nila ang magagandang resulta ng gayong pagbabago. (Ecles. 7:8) Tuwang-tuwa ang mga manggagawang ito na nagkaroon sila ng bahagi sa makabagong-panahong kasaysayan ng bayan ni Jehova!

11-13. Anong mga hamon ang napaharap sa ilan dahil sa pagbabago sa mga kaayusan ng organisasyon?

11 May matututuhan tayo sa mga kapatid na naapektuhan ng pagsasanib ng ilang sangay. Ang iba ay maraming dekada nang naglilingkod sa mga tahanang Bethel na ito. Isang mag-asawa na miyembro ng isang maliit na pamilyang Bethel sa Sentral Amerika ang inanyayahang lumipat sa Bethel sa Mexico, na di-hamak na mas malaki! “Napakahirap iwan ang pamilya at mga kaibigan,” ang sabi ni Rogelio. Si Juan, isa pang brother na inanyayahang lumipat sa Mexico, ay talagang nanibago. Sinabi niya: “Kailangan mong mag-adjust sa mga bagong kaugalian at kultura.”

12 Ang gayon ding mga hamon ay naranasan ng mga Bethelite mula sa ibang bansa sa Europa na inanyayahang lumipat sa tanggapang pansangay sa Germany. Para sa mga mahilig sa bulubunduking tanawin, mahirap iwan ang Switzerland na may magagandang kabundukan. Nami-miss naman ng mga taga-Austria ang mas relaks na buhay sa pinanggalingan nila.

13 Ang mga kapatid na lumilipat sa ibang bansa ay kailangang mag-adjust sa bagong tirahan, bagong mga brother at sister na kasama sa trabaho, o baka pati sa bagong atas. Kailangan din nilang mag-adjust sa bagong kongregasyon at bagong teritoryo, at baka kailangan pa nga nilang mag-aral ng ibang wika. Hindi madali ang gayong mga pagbabago. Pero tinanggap ng maraming Bethelite ang hamon. Bakit?

14, 15. (a) Paano ipinakikita ng marami na mahal nila ang pribilehiyong gumawang kasama ni Jehova sa anumang atas? (b) Anong mabuting halimbawa ang ipinakikita nila?

 14 Sinabi ni Grethel: “Tinanggap ko ang paanyaya dahil pagkakataon ko ‘yon para ipakitang mahal ko si Jehova at hindi mahalaga kung nasaang bansa ako o gusali, o kung anong pribilehiyo ang ibigay sa akin.” Sinabi naman ni Dayska: “Nang maalala ko na kay Jehova galing ang paanyaya, malugod kong tinanggap iyon.” Ganoon din ang nadama nina André at Gabriela, na nagsabi: “Nakita namin na higit kaming makapaglilingkod kay Jehova kung isasaisantabi namin ang aming personal na kagustuhan.” Naniniwala ang mag-asawang ito na kapag may mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova, mas mabuting tanggapin ang mga iyon nang maluwag sa kalooban.

Ang ating pinakadakilang pribilehiyo—maging kamanggagawa ni Jehova!

15 Dahil sa pagsasanib ng ilang sangay, may mga Bethelite na naatasang magpayunir. Iyan ang nangyari sa ilang Bethelite nang ang mga sangay ng Denmark, Norway, at Sweden ay pag-isahin at gawing tanggapang pansangay ng Scandinavia. Kabilang sa mga ito sina Florian at Anja, na nagsabi: “Itinuring naming isang exciting na hamon ang bago naming atas. Para sa amin, napakagandang magamit ni Jehova saanman kami naglilingkod. Talagang masasabi namin na pinagpala kami nang sagana!” Karamihan sa atin ay hindi naman kailangang gumawa ng gayon kalaking pagbabago, pero matutularan ba natin ang mga kapatid na ito at maging handang unahin ang Kaharian? (Isa. 6:8) Laging pinagpapala ni Jehova ang mga nagpapahalaga sa pribilehiyong gumawang kasama niya, saanman iyon.

LAGING MAGING MASAYA SA PAGGAWANG KASAMA NI JEHOVA

16. (a) Ano ang ipinapayo sa atin ng Galacia 6:4? (b) Ano ang pinakadakilang pribilehiyo na bukás sa lahat?

16 May tendensiya ang di-sakdal na mga tao na ikumpara ang kanilang sarili sa iba, pero pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na magpokus sa kung ano ang kaya nating gawin. (Basahin ang Galacia 6:4.) Hindi lahat ay maaaring maging elder, payunir, misyonero, o Bethelite. Totoo, magagandang pribilehiyo  ang mga ito. Pero huwag nating kalimutan na ang pinakadakilang pribilehiyo ay bukás sa ating lahat—ang maging kamanggagawa ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita. Isa itong pribilehiyo na dapat mahalin!

17. Ano ang isang realidad sa sanlibutang ito ni Satanas? Bakit hindi ito dapat makasira ng ating loob?

17 Sa sanlibutan ni Satanas, maaaring limitado ang magagawa natin sa paglilingkod kay Jehova. May mga bagay na hindi natin kontrolado, gaya ng pananagutan sa pamilya o problema sa kalusugan. Pero hindi tayo dapat masiraan ng loob. Huwag bale-walain ang iyong kakayahan na gumawang kasama ng Diyos sa pagpapatotoo tungkol sa kaniyang pangalan at Kaharian sa bawat pagkakataon. Ang pinakamahalaga ay ginagawa mo ang iyong buong makakaya at ipinapanalangin mo kay Jehova na tulungan ang mga kapatid na nasa kalagayang gumawa nang higit. Tandaan, mahalaga kay Jehova ang bawat isa na pumupuri sa kaniyang pangalan!

18. Ano ang dapat na handa nating isaisantabi, at bakit?

18 Sa kabila ng ating mga kahinaan at di-kasakdalan, gusto ni Jehova na gamitin tayo bilang kaniyang mga kamanggagawa. Napakalaking pribilehiyo ang gumawang kasama ng Diyos sa mga huling araw na ito! Kaya dapat na handa tayong isaisantabi ang ating personal na mga kagustuhan, dahil alam natin na sa bagong sanlibutan ni Jehova, masisiyahan tayo sa “tunay na buhay”—buhay na payapa, maligaya, at walang hanggan.1 Tim. 6:18, 19.

Mahal mo ba ang pribilehiyo mong maglingkod? (Tingnan ang parapo 16-18)

19. Ano ang ipinangako sa atin ni Jehova?

19 Napakalapit na ng bagong sanlibutan! Alalahanin ang sinabi ni Moises sa mga Israelita bago sila pumasok sa Lupang Pangako: “Pangyayarihin nga ni Jehova na iyong Diyos na magkaroon ka ng labis-labis sa bawat gawa ng iyong kamay.” (Deut. 30:9) Pagkatapos ng Armagedon, ang lupa ay mamanahin ng mga naging abala sa gawain ng Diyos, gaya ng ipinangako niya. Sa panahong iyon, magkakaroon tayo ng bagong atas—gawing isang napakagandang paraiso ang lupa!