Sama-samang Harapin ang Wakas ng Sanlibutang Ito
“Tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.”—EFE. 4:25.
1, 2. Ano ang gusto ng Diyos para sa mga mananamba niya, bata man o matanda?
ISA ka bang kabataan? Kung oo, makatitiyak ka na bilang bahagi ng pambuong-daigdig na kongregasyon ni Jehova, ikaw ay talagang pinahahalagahan. Sa maraming bansa, karamihan sa mga nababautismuhan ay kabataan. Nakapagpapatibay ngang makita na napakaraming kabataan ang nagpapasiya ring maglingkod kay Jehova!
2 Bilang kabataan, nag-e-enjoy ka bang makasama ang ibang mga kabataan? Malamang na oo ang sagot mo. Masaya talaga kapag ang kasama natin ay mga kaedad natin. Pero bata man tayo o matanda at anuman ang ating pinagmulan, gusto ng Diyos na sama-sama natin siyang sambahin. Isinulat ni apostol Pablo na kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Sa Apocalipsis 7:9, ang mga mananamba ng Diyos ay inilalarawang nagmula sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.”
3, 4. (a) Anong espiritu ang makikita sa maraming kabataan ngayon? (b) Anong saloobin ang kaayon ng Efeso 4:25?
3 Napakalaki ng pagkakaiba ng mga kabataang naglilingkod
kay Jehova at ng mga kabataan sa sanlibutang ito. Marami sa mga hindi naglilingkod kay Jehova ang makasarili at nakapokus lang sa mga bagay na gusto nila. Tinatawag sila ng ilang mananaliksik na “Generation Me.” Makikita sa paraan ng kanilang pagsasalita at pananamit ang kawalan ng respeto sa nakatatandang henerasyon, na sa tingin nila ay makaluma.4 Kitang-kita kahit saan ang espiritung iyan. Kaya nauunawaan ng mga kabataang lingkod ni Jehova na kailangan ang puspusang pagsisikap para maiwasan ang gayong espiritu at matularan ang pangmalas ng Diyos. Kahit noong unang siglo, binabalaan ni Pablo ang mga kapananampalataya niya na iwasan “ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway,” na “nilakaran [nila] noong una.” (Basahin ang Efeso 2:1-3.) Ang mga kabataan na umiiwas sa espiritung ito at gumagawang kaisa ng kanilang mga kapatid ay karapat-dapat komendahan. Ang gayong saloobin ay kaayon ng sinabi ni Pablo na “tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.” (Efe. 4:25) Habang papalapit ang wakas ng sanlibutang ito, lalong nagiging mahalaga na gumawa tayong magkakasama at may pagkakaisa. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa sa Bibliya na tutulong para makita natin kung bakit mahalaga na manatili tayong magkakasama at nagkakaisa.
NANATILI SILANG MAGKAKASAMA
5, 6. Ano ang matututuhan natin kay Lot at sa mga anak niya?
5 Noon, kapag nagkakaisa at nagtutulungan ang bayan ni Jehova para maharap ang mapanganib na mga sitwasyon, pinoprotektahan niya sila. May matututuhan ang mga lingkod ng Diyos ngayon, bata man o matanda, mula sa mga halimbawa sa Bibliya. Tingnan natin ang nangyari kay Lot.
6 Nanganganib noon si Lot at ang pamilya niya dahil malapit nang wasakin ang lunsod ng Sodoma kung saan sila nakatira. Kaya sinabihan ng mga anghel ng Diyos si Lot na tumakas papunta sa bulubunduking rehiyon: “Itakas mo ang iyong kaluluwa!” (Gen. 19:12-22) Sumunod si Lot at ang dalawa niyang anak na babae. Nakalulungkot, ang ibang malapít sa kanila ay hindi sumunod. Para sa mga mamanugangin ni Lot, siya ay ‘parang nagbibiro’ lang. Buhay nila ang naging kapalit. (Gen. 19:14) Si Lot lang at ang dalawa niyang anak, na nanatiling kasama niya, ang nakaligtas.
7. Paano tinulungan ni Jehova ang nagkakaisang grupo ng mga tao na umalis sa Ehipto?
7 Tingnan ang isa pang halimbawa. Nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto, hindi sila nagkaniya-kaniya. Noong ‘iunat ni Moises ang kamay niya sa dagat’ at hatiin iyon ni Jehova, hindi lang si Moises o iilang Israelita ang tumawid. Sa halip, ang buong bansa ay sama-samang tumawid at pinrotektahan ni Jehova. (Ex. 14:21, 22, 29, 30) Kitang-kita ang pagkakaisa nila, at kasama rin nila ang “isang malaking haluang pangkat,” mga di-Israelitang kumampi sa kanila. (Ex. 12:38) Isa ngang kamangmangan kung may mga indibiduwal, marahil ay grupo ng mga kabataan, na nagsarili at dumaan kung saan nila gusto! Tiyak na hindi sila nagtamo ng proteksiyon ni Jehova.—1 Cor. 10:1.
8. Noong panahon ni Jehosapat, paano nagpakita ng pagkakaisa ang bayan ng Diyos?
8 Noong panahon ni Haring Jehosapat, isang malaki at malakas na hukbo ang nagtangkang sumalakay sa bayan ng Diyos. (2 Cro. 20:1, 2) Kapuri-puri ang ginawa ng mga Israelita dahil hindi sila umasa sa sarili nilang lakas para matalo ang kaaway. Sa halip, umasa sila kay Jehova. (Basahin ang 2 Cronica 20:3, 4.) Hindi rin sila nagkaniya-kaniya at ginawa ang inaakala nilang tama. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat niyaong sa Juda ay nakatayo sa harap ni Jehova, maging ang kanilang maliliit na bata, ang kanilang mga asawa at ang kanilang mga anak.” (2 Cro. 20:13) Bata man o matanda, sama-sama silang sumunod sa tagubilin ni Jehova taglay ang pananampalataya, at pinrotektahan sila ni Jehova laban sa kanilang kaaway. (2 Cro. 20:20-27) Isang magandang halimbawa ito ng pagharap sa mga pagsubok bilang bayan ng Diyos.
9. Ano ang matututuhan natin sa mga Kristiyano noong unang siglo?
9 Kitang-kita rin sa unang mga Kristiyano ang pagkakaisa at paggawang magkakasama. Halimbawa, nang maging Kristiyano ang maraming Judio at proselita, iniukol nila ang kanilang sarili “sa turo ng mga apostol at sa pagbabahagi sa isa’t isa, sa mga pagkain at sa mga pananalangin.” (Gawa 2:42) Lalo nang nakita ang pagkakaisang ito noong panahon ng pag-uusig, kung kailan talagang kinailangan nila ang isa’t isa. (Gawa 4:23, 24) Hindi ba’t napakahalaga na gumawa tayong magkakasama sa mahihirap na panahon?
MAGKAISA HABANG PAPALAPIT ANG ARAW NI JEHOVA
10. Kailan natin higit na kakailanganing magkaisa?
10 Di-magtatagal, mararanasan natin ang isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng tao. Inilarawan ito ni propeta Joel bilang “araw ng kadiliman at karimlan.” (Joel 2:1, 2; Zef. 1:14) Sa panahong iyon higit kailanman, kailangang magkaisa ang bayan ng Diyos. Alalahanin ang sinabi ni Jesus: “Bawat kaharian na nababahagi laban sa kaniyang sarili ay sumasapit sa pagkatiwangwang.”—Mat. 12:25.
11. Ano ang matututuhan ng bayan ng Diyos ngayon tungkol sa pagkakaisa mula sa Awit 122:3, 4? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
11 Sa paparating na wakas ng sistemang ito, talagang kakailanganin nating magkaisa. Ang espirituwal na pagkakaisang kakailanganin natin ay maihahalintulad sa mga bahay sa sinaunang Jerusalem na halos dikit-dikit. Inilarawan ng salmista ang Jerusalem bilang “isang lunsod na pinagsama-sama sa pagkakaisa.” Kaya naman madaling natutulungan at napoprotektahan ng mga taga-Jerusalem ang isa’t isa. Dahil din dito, naaalala ng salmista ang espirituwal na pagkakaisa ng buong bansa kapag nagsasama-sama ang lahat ng “mga tribo ni Jah” para sumamba. (Basahin ang Awit 122:3, 4.) Ngayon at sa darating na mahihirap na panahon, kakailanganin din nating ‘magsama-sama sa pagkakaisa.’
12. Ano ang tutulong sa atin na makaligtas kapag sinalakay ang bayan ng Diyos?
12 Bakit napakahalagang ‘magsama-sama tayo sa pagkakaisa’ sa panahong iyon? Inihula sa Ezekiel kabanata 38 na sasalakayin ni “Gog ng lupain ng Magog” ang bayan ng Diyos. Sa panahong iyon, hindi natin dapat hayaang magkawatak-watak tayo dahil sa anumang bagay. Malaking pagkakamali rin na umasa sa proteksiyon ng sanlibutan ni Satanas. Sa halip, kailangan nating manatiling malapít sa ating mga kapatid. Siyempre pa, hindi komo’t miyembro tayo ng isang grupo ay maliligtas na tayo. Ang mga tumatawag sa pangalan ni Jehova ang ililigtas niya at ng kaniyang Anak sa kapaha-pahamak na panahong iyon. (Joel 2:32; Mat. 28:20) Pero makatuwiran bang isipin na ang mga hindi nanatiling kaisa ng bayan ng Diyos—ang mga kusang humiwalay—ay maliligtas?—Mik. 2:12.
13. Ano ang matututuhan ng mga kabataan mula sa tinalakay natin?
13 Kung isa kang kabataan, malinaw na ba sa iyo kung bakit isang katalinuhan na manatiling malapít sa mga kapatid? Labanan ang tendensiyang makisama sa mga kaedad mo lang o ibukod ang sarili. Hindi na magtatagal at talagang kakailanganin natin ang isa’t isa, bata’t matanda! Oo, ngayon na ang panahon para magsanay tayong gumawang magkakasama, para malinang ang pagkakaisa na magiging napakahalaga sa hinaharap.
“MGA SANGKAP NA NAUUKOL SA ISA’T ISA”
14, 15. (a) Bakit tayo sinasanay ni Jehova na magkaisa? (b) Ano ang ipinapayo sa atin ni Jehova para magkaisa tayo?
14 Tinutulungan tayo ni Jehova na “paglingkuran siya nang balikatan.” (Zef. 3:8, 9) Sinasanay niya tayo na mamuhay kaayon ng kaniyang walang-hanggang layunin. Ano ang kasama sa layuning ito? Ang “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo.” (Basahin ang Efeso 1:9, 10.) Oo, gusto niyang pagkaisahin ang lahat ng nilalang sa buong uniberso na handang magpasakop sa kaniya, at magagawa niya iyon. Bilang isang kabataan, nakikita mo ba kung bakit kailangan mong maging kaisa ng organisasyon ni Jehova?
15 Ngayon pa lang ay sinasanay na tayo ni Jehova na magkaisa para makapamuhay tayo nang may pagkakaisa magpakailanman. Paulit-ulit tayong pinapayuhan ng Kasulatan na “magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa,” “magkaroon . . . ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa,” “patuloy [na] aliwin ang isa’t isa, at “patibayin ang isa’t isa.” (1 Cor. 12:25; Roma 12:10; 1 Tes. 4:18; 5:11) Alam ni Jehova na di-sakdal ang mga Kristiyano, kung kaya hindi madali para sa atin na magkaisa. Dahil diyan, kailangan tayong magsikap na ‘lubusang magpatawaran sa isa’t isa.’—Efe. 4:32.
16, 17. (a) Ano ang isang layunin ng mga Kristiyanong pagpupulong? (b) Ano ang matututuhan ng mga kabataan sa halimbawa ni Jesus?
16 Inilalaan din ni Jehova ang mga Kristiyanong pagpupulong para matuto tayong manatiling magkakasama. Mababasa sa Hebreo 10:24, 25 na ang isang layunin ng mga pulong ay para “isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” Pansinin na ang mga pulong ay inilaan para ‘makapagpatibayang-loob tayo sa isa’t isa, lalung-lalo na samantalang nakikita natin na papalapit na ang araw.’
17 Bilang kabataan, isang mabuting halimbawa si Jesus pagdating sa pagpapahalaga sa mga pagtitipon ng bayan ni Jehova. Noong 12 anyos siya, kasama siya ng mga magulang niya sa isang malaking espirituwal na pagtitipon. Nawala siya noong pagkakataong iyon, pero hindi dahil sumama siya sa ibang mga kabataan. Nang makita siya nina Jose at Maria, nakikipag-usap siya sa mga guro sa templo tungkol sa Kasulatan.—Luc. 2:45-47.
18. Paano mapatitibay ng panalangin ang ating pagkakaisa?
18 Bukod sa paglilinang ng pag-ibig sa
isa’t isa at pagpapatibayan sa panahon ng mga Kristiyanong pagpupulong, puwede rin nating ipanalangin ang isa’t isa. Kapag espesipiko nating ipinapanalangin ang ating mga kapatid, naaalala natin na nagmamalasakit tayo sa isa’t isa. Hindi lang mga adultong Kristiyano ang makagagawa at dapat gumawa nito. Mga kabataan, sinasamantala ba ninyo ang mga nabanggit na paraan para maging malapít sa inyong espirituwal na pamilya? Kung gagawin ninyo iyan, makatitiyak kayo na hindi kayo madadamay sa wakas ng sanlibutang ito.IPAKITANG ‘TAYO AY MGA SANGKAP NA NAUUKOL SA ISA’T ISA’
19-21. (a) Paano natin maipakikitang ‘tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa’? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang matututuhan natin sa pagtugon ng ilang kapatid sa panahon ng sakuna?
19 Ang bayan ni Jehova ay namumuhay na ayon sa simulaing binabanggit sa Roma 12:5: “Tayo [ay] mga sangkap na . . . nauukol sa isa’t isa.” Makikita natin ito kapag may mga sakuna. Noong Disyembre 2011, isang malakas na bagyo ang nagdulot ng matinding pagbaha sa Mindanao, sa Pilipinas. Sa loob lang ng magdamag, mahigit 40,000 bahay ang nalubog sa baha, kasama na rito ang tahanan ng maraming kapatid. Pero iniulat ng tanggapang pansangay na “bago pa man nagsimulang tumulong ang mga relief committee, nagpapadala na ng tulong ang mga kapatid na Kristiyano mula sa iba’t ibang lugar.”
20 Nang salantain ng malakas na lindol at tsunami ang silangang bahagi ng Japan, marami ring kapatid ang naapektuhan. Halos walang natira sa mga ari-arian ng ilan sa kanila. Si Yoshiko, isang sister na nawalan ng tahanan, ay nakatira mga 40 kilometro mula sa Kingdom Hall. Sinabi niya: “Nagulat kami nang malaman namin na kinabukasan pagkatapos ng lindol, hinanap pala kami ng circuit overseer at ng isa pang brother.” Nakangiti niyang idinagdag: “Nagpapasalamat talaga kami dahil saganang inilaan ang espirituwal na mga pangangailangan namin sa pamamagitan ng kongregasyon. Binigyan din kami ng mga coat, bag, at pajama.” Isang miyembro ng relief committee ang nagsabi: “Ang mga kapatid sa buong Japan ay nagkaisa at nagtulungan. Meron pa ngang mga taga-United States na dumating para tumulong. Nang tanungin kung bakit nila ginawa iyon, sinabi nila, ‘Kaisa namin ang aming mga kapatid sa Japan, at kailangan nila ng tulong.’” Ipinagmamalaki mo bang bahagi ka ng isang organisasyon na talagang nagmamalasakit sa mga miyembro nito? Makatitiyak ka na tuwang-tuwa si Jehova na makita ang gayong espiritu ng pagkakaisa.
21 Kung may ganiyan tayong espiritu ngayon, may pagkakaisa nating mahaharap ang mahihirap na kalagayan kahit pa nga mawalan tayo ng komunikasyon sa ating mga kapatid sa ibang bahagi ng mundo. Sa katunayan, sinasanay tayo nito para sa mga problema na malamang na bumangon habang papalapit ang pagbagsak ng sistemang ito. Sinabi ni Fumiko, na naging biktima ng bagyo sa Japan: “Napakalapit na ng wakas. Kailangan nating patuloy na tulungan ang ating mga kapananampalataya habang hinihintay natin ang panahon kung kailan wala nang mga sakuna.”
22. Paano makatutulong sa atin sa hinaharap ang pagkakaisa?
22 Kapag sinisikap ng bawat isa sa atin, bata man o matanda, na maging kaisa ng ating mga kapatid, inihahanda na natin ang ating sarili para maligtas sa wakas ng napakasama at watak-watak na sanlibutang ito. Gaya noon, ililigtas ng Diyos ang kaniyang bayan. (Isa. 52:9, 10) Laging tandaan na posible kang maligtas kung sisikapin mong manatiling bahagi ng nagkakaisang bayan ng Diyos. Makatutulong din sa atin ang higit na pagpapahalaga sa mga bagay na tinanggap natin. Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 25]
Lahat tayo ay puwedeng manalangin para sa ating mga kapatid (Tingnan ang parapo 18)