Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang Iyong Sigasig sa Ministeryo

Panatilihin ang Iyong Sigasig sa Ministeryo

ANG pangangaral ng mabuting balita ang pinakamahalagang gawain sa ngayon. Bilang lingkod ni Jehova, tiyak na itinuturing mong isang karangalan na makibahagi sa gawaing ito ng pagtuturo. Pero tiyak na sasang-ayon ka rin na hamon kung minsan sa mga payunir at mamamahayag na manatiling masigasig sa ministeryo.

Ano ang makatutulong sa iyo na manatiling masigasig sa ministeryo?

Ang ilang mamamahayag ay bihirang makatagpo ng makakausap sa bahay-bahay. Baka nga karamihan ng tao sa kanilang teritoryo ay wala sa bahay. Kung makausap man nila ang may-bahay, baka ayaw nitong makinig sa mensahe ng Kaharian o galít pa nga. Ang ibang mamamahayag naman ay may napakalaki at mabungang teritoryo kaya natatakot sila na baka hindi nila mapangaralan ang lahat. May mga miyembro din ng kongregasyon na maraming taon nang nangangaral pero pinanghihinaan ng loob dahil hindi pa dumarating ang wakas.

Nakapagtataka bang malaman na lahat ng lingkod ni Jehova ay napapaharap sa mga hamon na makaaapekto sa sigasig nila sa pangangaral? Hindi. Nabubuhay tayo sa isang daigdig na kontrolado ng “isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo, kaya inaasahan nating hindi magiging madali na ipangaral ang mabuting balita.—1 Juan 5:19.

Anumang hamon ang nararanasan mo sa ministeryo, makatitiyak kang tutulungan ka ni Jehova na makayanan iyon. Pero ano ang puwede mong gawin para lalo kang maging masigasig sa ministeryo? Tingnan natin ang ilang mungkahi.

TULUNGAN ANG MGA BAGUHAN

Taon-taon, libo-libo ang nababautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Kung bagong bautisado ka, tiyak na gusto mong matuto mula sa mga mamamahayag na mas maraming taon nang nangangaral kaysa sa iyo. Kung ikaw naman ay matagal nang mamamahayag ng Kaharian, puwede mo bang sanayin ang mga baguhan? Tiyak na masisiyahan ka kung gagawin mo ito.

Alam ni Jesus na kailangan ng kaniyang mga alagad ng tagubilin para maging epektibong mga ebanghelisador, at ipinakita niya sa kanila kung paano mangangaral. (Luc. 8:1) Sa ngayon, kailangan ding sanayin ang iba para maging epektibong mga ministro.

Hindi natin dapat isiping matututo namang magturo ang isang baguhan kung sasama lang siya sa ministeryo. Kailangan niya ng isang mabait at mapagmalasakit na tagapagsanay. Maaaring ipakita sa baguhan kung paano (1) maghahanda at magsasanay ng isang presentasyon, (2) makikipag-usap sa mga tao, (3) mag-aalok ng literatura, (4) dadalaw-muli sa mga interesado, at (5) magpapasimula ng Bible study. Malamang na makatutulong sa baguhan na maging epektibong ministro kung oobserbahan niya ang paraan ng pagtuturo ng makaranasang mamamahayag at tutularan ito. (Luc. 6:40) Tiyak na mas magiging kumpiyansa ang baguhan kung alam niyang may kasama siya na tutulong sa kaniya kapag kailangan. Makikinabang din ang baguhan kung makatatanggap siya ng komendasyon at mungkahi.—Ecles. 4:9, 10.

MAKIPAG-USAP SA KAPARTNER SA MINISTERYO

Kahit ginawa mo na ang lahat para may makausap sa bahay-bahay, may mga panahong kapartner mo lang talaga ang makakausap mo. Tandaan, nang utusan ni Jesus ang mga alagad niya para mangaral, isinugo niya sila nang “dala-dalawa.” (Luc. 10:1) Habang magkasama silang nangangaral, mapatitibay at mapasisigla nila ang isa’t isa. Kaya ang pagmiministeryo kasama ang isang kapananampalataya ay magandang pagkakataon para sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob.”—Roma 1:12.

Ano-ano ang puwede ninyong pag-usapan? May nakapagpapatibay na karanasan ba kamakailan ang isa sa inyo? May magandang punto ba kayong natutuhan mula sa inyong personal o pampamilyang pag-aaral? May narinig ba kayo sa pulong na talagang nakapagpatibay sa inyo? Kung minsan, baka ang makapartner mo ay isang mamamahayag na hindi mo madalas nakakasama. Alam mo ba kung paano niya nalaman ang katotohanan? Ano ang nakakumbinsi sa kaniya na ito ang organisasyon ni Jehova? Ano ang naging mga pribilehiyo niya o mga karanasan niya? Baka puwede ka ring magkuwento ng mga karanasan mo. Anuman ang pagtugon ng mga tao sa teritoryo, kapag may kasama ka sa ministeryo, magandang pagkakataon iyon para patuloy na “patibayin ang isa’t isa.”—1 Tes. 5:11.

PANATILIHIN ANG MAHUSAY NA RUTIN NG PAG-AARAL

Para patuloy na maging masigasig sa ministeryo, kailangan tayong magkaroon ng mahusay na rutin ng pag-aaral at panatilihin ito. Ang “tapat at maingat na alipin” ay naglalathala ng mga impormasyong may iba’t ibang paksa na puwede nating pag-aralan. (Mat. 24:45) Tingnan natin ang isang magandang paksa para sa personal na pag-aaral: Bakit napakahalaga ng gawaing pangangaral ng Kaharian? Makikita sa kalakip na kahon ang ilan sa mga dahilan.

Ang pagsusuri sa mga puntong nakalista sa kahon ay makatutulong sa iyo na manatiling masigasig sa pangangaral. Bakit hindi mo ito gawing proyekto sa pag-aaral at tingnan kung ilan pang dahilan ang maililista mo? Pagkatapos, bulay-bulayin ang mga ito pati na ang mga sumusuportang teksto. Tiyak na mapatitibay ka nito na maging higit na masigasig sa ministeryo.

MAGING HANDANG TUMANGGAP NG MUNGKAHI

Ang organisasyon ni Jehova ay regular na nagbibigay ng mga mungkahi para tulungan tayong mapasulong ang ating ministeryo. Halimbawa, bukod sa pagbabahay-bahay, puwede rin tayong magpatotoo sa pamamagitan ng liham o telepono, mangaral sa lansangan, sa mga lugar ng negosyo, o sa iba pang pampublikong lugar, at magpatotoo sa impormal na paraan. Puwede rin tayong gumawa ng mga plano para makapangaral sa mga teritoryong bihirang magawa.

Gusto mo bang subukan ang mga mungkahing ito? Sinubukan ito ng marami at nasiyahan sila sa mga resulta. Tingnan ang tatlong halimbawa.

Sinubukan ng sister na si April ang isang mungkahi mula sa artikulo ng Ministeryo sa Kaharian tungkol sa kung paano magpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Inalok niya ng pag-aaral ang tatlong katrabaho niya. Nagulat siya at natuwa nang pumayag silang lahat, at nagsimula na rin silang dumalo sa mga pulong.

Pinasisigla rin tayong hanapin ang mga taong malamang na magiging interesado sa espesipikong mga artikulo ng ating magasin. Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Estados Unidos ang nag-alok ng Gumising!, na may artikulo tungkol sa mga gulong, sa mga manedyer ng lahat ng tindahan ng gulong sa isang partikular na lugar. Siya at ang asawa niya ay nag-alok din ng magasin na may seryeng “Unawain ang Iyong Doktor” sa mahigit 100 opisina ng mga doktor. Sinabi niyang napakalaking tulong ng gayong mga pagdalaw para maging pamilyar ang mga tao sa ating pangangaral at mga literatura. Pagkatapos nilang makaibigan ang mga tao sa mga lugar na ito, madalas na nilang nadadalaw-muli ang mga iyon.

Sumulat ang sister na si Judy sa pandaigdig na punong-tanggapan para magpasalamat sa pagpapasigla sa ating magpatotoo sa telepono. Sinabi niyang regular itong ginagawa ng 86-anyos niyang ina na marami nang sakit. Dahil dito, na-Bible study nito ang isang 92-anyos na babae!

Talagang mabisa ang mga mungkahi sa ating mga publikasyon. Gamitin ito! Makatutulong ito para mapanatili mo ang kagalakan at sigasig sa ministeryo.

MAGTAKDA NG MAKATUWIRANG MGA TUNGUHIN

Ang tagumpay ng ating pangangaral ay hindi nasusukat sa dami ng publikasyong naipamahagi natin, Bible study, o natulungang maging lingkod ni Jehova. Kung tutuusin, ilang tao ba ang natulungan ni Noe na maging mananamba ni Jehova bukod sa pamilya niya? Pero isa siyang matagumpay na mángangarál. Ang mahalaga ay tapat tayong naglilingkod kay Jehova.—1 Cor. 4:2.

Napatunayan ng maraming mamamahayag ng Kaharian na para maging masigasig sila sa pangangaral, kailangan nilang magtakda ng makatuwirang mga tunguhin. Ano ang ilan sa mga ito? Makikita ang mga ito sa kalakip na kahon.

Sa tulong ni Jehova, maghanap ng mga paraan para maging kasiya-siya at mabunga ang iyong ministeryo. Kapag naaabot mo ang iyong mga tunguhin, nagiging masaya ka sa mga nagagawa mo at nagiging kontento dahil alam mong ginagawa mo ang lahat para ipangaral ang mabuting balita.

Totoo, hamon kung minsan ang pangangaral ng mabuting balita. Pero mayroon kang puwedeng gawin para maging masigasig na tagapaghayag ng Kaharian. Makipagpatibayan sa kapartner mo sa ministeryo, magkaroon ng mahusay na rutin ng pag-aaral at panatilihin ito, subukan ang mga mungkahi ng tapat at maingat na alipin, at magtakda ng makatuwirang mga tunguhin. Higit sa lahat, tandaan na pinagkalooban ka ng Diyos ng di-matutumbasang pribilehiyo na ipangaral ang mabuting balita bilang isa sa kaniyang mga Saksi. (Isa. 43:10) Oo, malaking kagalakan ang mararanasan mo habang patuloy mong pinananatili ang iyong sigasig sa ministeryo!