Mahalaga Ba Kung Sino ang mga Makakakita sa Ginagawa Mo?
NARANASAN na nina Bezalel at Oholiab na magtrabaho sa konstruksiyon. Malamang na ayaw na nilang alalahanin pa kung gaano karaming laryo ang ginawa nila noong alipin sila sa Ehipto. Pero nakalipas na iyon. Ngayon, sila ang magiging pinakabihasang manggagawa na inatasang manguna sa pagtatayo ng tabernakulo. (Ex. 31:1-11) Gayunman, iilan lang ang makakakita sa kamangha-manghang obra nila. Gaganahan pa ba silang magtrabaho dahil dito? Talaga bang mahalaga kung sino ang mga makakakita sa ginawa nila? Mahalaga ba kung sino ang mga nakakakita sa ginagawa mo?
MGA OBRA MAESTRA NA IILAN LANG ANG NAKAKITA
Ang ilang kasangkapan sa tabernakulo ay talagang mga obra maestra. Isa na rito ang mga ginintuang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng tipan. Inilarawan ito ni apostol Pablo bilang ‘maluwalhati.’ (Heb. 9:5) Isip-isipin kung gaano kaganda ang mga gawang ito na yari sa pinukpok na ginto!—Ex. 37:7-9.
Ang mga ginawa nina Bezalel at Oholiab ay karapat-dapat idispley ngayon sa pinakamagagandang museo, kung saan marami ang tiyak na hahanga. Pero nang matapos ang mga obrang ito noon, ilan kaya ang nakakita sa kagandahan ng mga ito? Ang mga kerubin ay nasa Kabanal-banalan kaya mataas na saserdote lang ang nakakakita sa mga ito kapag pumapasok siya roon minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Heb. 9:6, 7) Kaya iilang tao lang talaga ang nakakita sa mga ito.
KONTENTO KAHIT HINDI PAPURIHAN NG IBA
Kung ikaw si Bezalel o si Oholiab na nagpakahirap para gawin ang gayon kagandang mga obra, ano kaya ang madarama mo kapag nalaman mong iilan lang ang nakakita sa ginawa mo? Sa ngayon, saka lang nadarama ng mga tao na may nagawa silang maganda kapag pinapurihan sila at hinangaan ng iba. Iyan ang sukatan nila ng halaga ng nagagawa nila. Pero iba ang mga lingkod ni Jehova. Tulad nina Bezalel at Oholiab, kontento na tayo sa paggawa ng kalooban ni Jehova at pagtatamo ng pagsang-ayon niya.
Noong panahon ni Jesus, kapag nananalangin ang mga lider ng relihiyon, karaniwan nang gusto Mat. 6:5, 6) Maliwanag, ang opinyon ni Jehova tungkol sa panalangin natin ang importante, hindi ang iniisip ng iba. Totoo rin iyan pagdating sa anumang nagagawa natin sa ating sagradong paglilingkod. Hindi papuri ng iba ang batayan kung gaano kahalaga ang ginagawa natin kundi kung nalulugod dito si Jehova, “na tumitingin sa lihim.”
nilang pahangain ang iba. Pero ganito ang itinuro ni Jesus: Manalangin nang taimtim na hindi naghahangad na papurihan ng mga nakakakita. Sa gayon, “ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.” (Nang matapos ang tabernakulo, “pinasimulang takpan ng ulap ang tolda ng kapisanan, at pinunô ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo.” (Ex. 40:34) Malinaw na indikasyon ito ng pagsang-ayon ni Jehova! Ano sa tingin mo ang nadama nina Bezalel at Oholiab nang sandaling iyon? Hindi man nakaukit sa mga ginawa nila ang kanilang mga pangalan, tiyak na masayang-masaya sila dahil pinagpala ng Diyos ang lahat ng pagsisikap nila. (Kaw. 10:22) Nang sumunod na mga taon, siguradong nag-umapaw ang puso nila sa tuwa dahil patuloy na ginamit sa paglilingkod kay Jehova ang kanilang mga obra. Kapag binuhay-muli sina Bezalel at Oholiab sa bagong sanlibutan, tiyak na matutuwa silang malaman na ang tabernakulo ay ginamit sa tunay na pagsamba sa loob ng mga 500 taon!
Sa loob ng organisasyon ni Jehova ngayon, hindi ipinakikilala kung sino ang mga animator, artist, musician, photographer, tagapagsalin, at mga manunulat. Kaya masasabing walang “nakakakita” sa ginagawa nila. Totoo rin iyan sa karamihan ng gawain sa mahigit 110,000 kongregasyon sa buong daigdig. Sino ba ang nakakakita kapag ginagawa ng accounts servant ang kinakailangang mga ulat tuwing katapusan ng buwan? Sino ang nakakakita sa kalihim kapag inihahanda niya ang ulat ng kongregasyon sa paglilingkod sa larangan? At sino ang nakakakita sa brother o sister kapag nagkukumpuni sa Kingdom Hall?
Sina Bezalel at Oholiab ay hindi nakatanggap ng tropeo, medalya, o plake bilang parangal sa kanilang napakagagandang disenyo at de-kalidad na trabaho. Pero isang bagay na di-hamak na mas mahalaga ang natanggap nila—ang pagsang-ayon ni Jehova. Nakatitiyak tayo na nakita ni Jehova ang mga ginawa nila. Tularan nawa natin sila na handang maglingkod nang may kapakumbabaan.