MULA SA AMING ARCHIVE
‘Walang Anumang Dapat na Makapigil sa Inyo!’
TAGSIBOL noon ng 1931. Ang sikát na Pleyel concert hall sa Paris ay dinagsa ng mga delegado mula sa 23 bansa. Sakay ng malalaking taxi, bumaba sa harap ng hall ang bihis na bihis na mga pasahero, at di-nagtagal, napunô ang awditoryum. Halos 3,000 katao ang pumunta, hindi para makinig ng konsyerto, kundi para pakinggan si Joseph F. Rutherford, ang nangunguna noon sa ating gawaing pangangaral. Ang mapuwersang mga pahayag niya ay ininterpret sa French, German, at Polish. Umalingawngaw sa buong hall ang boses ni Brother Rutherford.
Mula noong kombensiyong iyon, nagkaroon ng malaking pagbabago sa gawaing pang-Kaharian sa France. Nanawagan si Brother Rutherford sa lahat ng naroon—partikular na sa mga kabataang Kristiyano—na maglingkod bilang colporteur sa France. Tandang-tanda pa rin ni John Cooke, isang tin-edyer na delegadong Ingles, ang nakapagpapakilos na mga pananalita: “Mga kabataan, walang anumang dapat na makapigil sa inyo sa pagpasok sa gawaing pagko-colporteur!” *
Bukod kay John Cooke, na naging misyonero nang maglaon, marami pang iba ang tumugon sa panawagang tumawid sa Macedonia, wika nga. (Gawa 16:9, 10) Sa katunayan, ang 27 colporteur sa France noong 1930 ay naging 104 noong 1931—isang kahanga-hangang pagsulong sa loob lang ng isang taon. Karamihan sa mga payunir na iyon ay hindi nakapagsasalita ng French. Paano nila ito napagtagumpayan, pati na ang mahirap na buhay at pagiging nakabukod?
KAHIT HINDI NILA ALAM ANG WIKA
Gumamit ang mga banyagang colporteur ng testimony card para maipangaral nila ang tungkol sa pag-asa ng Kaharian. Isang brother na nagsasalita ng German ang lakas-loob na nangaral sa Paris. Sinabi niya: “Alam naming makapangyarihan ang Diyos natin. Kung kinakabahan man kami sa ministeryo, hindi iyon dahil sa takot sa tao kundi baka kasi hindi namin maalala ang maikling pangungusap na ‘Voulez-vous lire cette carte, s’il vous plaît? [Puwede mo bang basahin ang card na ito?]’ Kumbinsido kami na talagang mahalaga ang gawain natin.”
Kapag nangangaral sa mga apartment building, ang mga colporteur ay karaniwan nang pinaaalis ng mga caretaker. Isang araw, dalawang sister na Ingles na halos hindi marunong mag-French ang kinompronta ng isang galít na caretaker at tinanong kung sino ang hinahanap nila. Habang sinisikap nila itong pakalmahin, nakita ng isang sister ang maliit na karatula sa pinto na may nakasulat: “Tournez le bouton [Pindutin ang doorbell].” Sa pag-aakalang pangalan iyon ng may-bahay, nakangiti niyang sinabi: “Dadalawin namin si Madame ‘Tournez le bouton.’” Nakatulong nang malaki sa masisigasig na colporteur na ito ang pagiging masayahin!
HINDI TUMIGIL KAHIT MAHIRAP ANG BUHAY AT NAKABUKOD
Noong dekada ’30, karamihan sa France ay kailangang magtiis sa mahirap na kalagayan ng buhay, at apektado rin ang mga banyagang colporteur. Tungkol sa naranasan niya at ng partner niya sa pagpapayunir, sinabi ng isang sister na nagsasalita ng Ingles na si Mona Brzoska: “Sinauna ang istilo ng mga tuluyan namin, at isa sa malaking problema namin ay ang pampainit kapag taglamig. Kadalasan, tinitiis namin ang napakalamig na temperatura sa kuwarto kung saan kailangan muna naming basagin sa umaga ang yelong namuo sa lalagyan ng tubig bago kami makapaghilamos.” Pinanghinaan ba ng loob ang unang mga payunir? Hindi! Sinabi ng isa sa kanila: “Wala kaming pag-aari, pero hindi kami kinulang ng anuman.”—Mat. 6:33.
Kailangan ding makayanan ng mga colporteur ang pagiging nakabukod. Noong pasimula ng dekada ’30, wala pang 700 ang mamamahayag ng Kaharian sa France, at karamihan ay nasa iba’t ibang lugar sa bansa. Ano ang nakatulong sa mga colporteur na manatiling masaya? Naging hamon ito kay Mona at sa partner niya. Ipinaliwanag niya: “Kailangan naming kayanin ang pagiging nakabukod kaya regular kaming nag-aaral ng mga publikasyon ng Samahan nang magkasama. Noon, dahil hindi kami [nagsasagawa ng mga pagdalaw-muli o nagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya], may panahon kami sa gabi na sumulat sa aming pamilya at lalo na sa iba pang payunir, para ikuwento ang mga karanasan namin at magpatibayan sa isa’t isa.”—1 Tes. 5:11.
Nanatiling positibo ang mapagsakripisyong mga colporteur sa kabila ng mga hamon. Makikita ito sa mga ipinadadala nilang sulat kung minsan sa tanggapang pansangay mga ilang dekada matapos silang magpayunir sa France. Si Annie Cregeen, isang pinahirang sister, ay nakapaglakbay sa iba’t ibang lugar sa France kasama ng kaniyang asawa noong 1931 hanggang 1935. Sa pagbabalik-tanaw sa mga taóng iyon, isinulat niya: “Napakasaya ng buhay namin at punô ng magagandang karanasan! Malapít kaming mga payunir sa isa’t isa at nagtutulungan. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ‘Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito.’ Kapana-panabik ito sa mga gaya naming nagkaroon ng pagkakataong tumulong maraming taon na ang nakalilipas.”—1 Cor. 3:6.
Talagang magandang halimbawa ng pagbabata at kasigasigan ang iniwan ng unang mga payunir para sa mga gustong magpalawak ng kanilang ministeryo. Sa ngayon, mga 14,000 na ang bilang ng regular pioneer sa France. Marami sa kanila ang nasa mga grupo o kongregasyong banyaga ang wika. * Gaya ng unang mga payunir, hindi nila hinahayaang may anumang makapigil sa kanila!—Mula sa aming archive sa France.
^ par. 4 Tungkol sa gawain sa gitna ng mga Polish na lumipat sa France, tingnan ang artikulong “Dinala Kayo ni Jehova sa France Para Malaman Ninyo ang Katotohanan,” sa Bantayan, isyu ng Agosto 15, 2015.
^ par. 13 Noong 2014, mahigit 900 kongregasyon at grupong banyaga ang wika ang nasa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa France. Tumutulong sila sa mga taimtim na naghahanap ng katotohanan sa 70 wika.