Kahilingan ng Buong Mundo
Kahilingan ng Buong Mundo
ISIP-ISIPIN ang milyun-milyong tao, o bilyun-bilyon pa nga, na humihiling ng iisang bagay. Nakikiusap sila sa pinakamataas na awtoridad sa sansinukob na ipagkaloob ang isang espesipikong kahilingan. Gayunman, iilan lamang sa kanila ang nakaaalam kung ano ang hinihiling nila. Nangyayari ba talaga ito? Ang totoo, nagaganap ito araw-araw. Ano ba ang hinihiling ng mga taong ito? Ang pagdating ng Kaharian ng Diyos!
Ayon sa isang pagtantiya, may mga 37,000 relihiyon na nag-aangking Kristiyano at nagsasabing si Jesu-Kristo ang Lider nila. Mahigit dalawang bilyon ang miyembro ng mga relihiyong iyon. Marami sa kanila ang nananalangin ng Ama Namin o Panalangin ng Panginoon. Alam mo ba ang panalanging ito? Ganito ang simula ng panalanging ito na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
Sa loob ng daan-daang taon, paulit-ulit itong idinadalangin ng mga tao kapag nagsisimba sila. Dinadasal din nila ito bilang isang pamilya o indibiduwal, sa masasaya at malulungkot na panahon. Taimtim at marubdob pa nga nila itong binibigkas. Saulado naman ito ng iba at inuusal nang hindi man lamang iniisip kung ano ang kahulugan nito. Gayunman, hindi lamang ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan ang umaasa at nananalangin sa pagdating ng Kaharian ng Diyos.
Kahilingan Hindi Lamang ng mga Kristiyano
Isang kilalang panalangin ng mga Judio ang Kaddish, ang dasal ng mga namimighati. Bagaman wala itong gaanong kinalaman sa kamatayan o pamimighati, karaniwan nang binibigkas ito sa panahon ng pangungulila. Ganito ang sinasabi sa panalanging iyon: “Itatag nawa niya [ng Diyos] ang kaniyang Kaharian habang ikaw ay nabubuhay . . . mas maaga hangga’t maaari.” * Isa pang panalangin sa sinaunang sinagoga ang bumabanggit ng pag-asa sa Kaharian ng Mesiyas na mula sa sambahayan ni David.
Kaakit-akit din naman para sa mga di-Kristiyano ang ideya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ayon sa The Times of India, isang prominenteng relihiyosong lider sa India noong ika-19 na siglo, na gustong pagkasunduin ang mga Hindu, Muslim, at Kristiyano, ang nagsabi: “Magkakatotoo lamang ang kaharian ng Diyos kung magkakaisa ang silangan at kanluran.” At ganito ang isinulat kamakailan ng prinsipal ng isang paaralang Islam sa Strathfield, Australia sa isang pahayagan: “Gaya ng lahat ng iba pang Muslim, naniniwala ako [na] babalik si Jesus at itatatag ang tunay na Kaharian ng Diyos.”
Walang alinlangan, bilyun-bilyon na ngayon ang umaasa at nananalangin para sa Kaharian ng Diyos. Ngunit pansinin ang isang punto.
Malamang na alam mong kaming mga Saksi ni Jehova, na naglalathala ng magasing ito, ay nagbabahay-bahay sa inyong komunidad upang makipag-usap sa mga tao hinggil sa Bibliya. Sa panahong isinusulat ang magasing ito, nangangaral kami sa buong mundo, sa 236 na lupain, sa mahigit na 400 wika. Ang Kaharian ng Diyos ang pangunahing tema ng aming pangangaral. Sa katunayan, pansinin na ang buong pamagat ng magasing ito ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Madalas naming tinatanong ang mga tao kung ipinapanalangin ba nila ang Kahariang ito. Marami ang nagsasabing oo. Pero kapag tinanong kung ano ang Kaharian, ipinahihiwatig ng sagot ng karamihan na hindi nila ito alam, o kaya naman ay malabo at di-tiyak ang kanilang sagot.
Bakit napakaraming humihiling ng isang bagay na hindi naman pala nila nauunawaan? Dahil ba sa komplikado at malabong konsepto ang Kaharian ng Diyos? Hindi. Ang Kaharian ay lubusan at malinaw na ipinaliliwanag sa Bibliya. Karagdagan pa, ang mensahe ng Bibliya tungkol sa Kaharian ay magbibigay sa iyo ng tunay na pag-asa sa magulong panahong ito. Sa susunod na artikulo, makikita natin kung paano ipinaliliwanag ng Bibliya ang pag-asang iyon. Pagkatapos, malalaman natin kung kailan sasagutin ang panalanging itinuro ni Jesus hinggil sa pagdating ng Kaharian.
[Talababa]
^ Gaya ng modelong panalangin na itinuro ni Jesus, binabanggit din sa Kaddish ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos. Bagaman pinagtatalunan pa kung ang Kaddish ay dinadasal na noong panahon ni Kristo o mas maaga pa rito, hindi tayo dapat magtaka kung may mga pagkakahawig ang dalawang panalanging ito. Hindi nilayon ang panalangin ni Jesus para maging isang bago at kakaibang panalangin. Bawat isa sa mga kahilingan nito ay lubusang nakasalig sa Kasulatang taglay noon ng mga Judio. Hinimok ni Jesus ang mga kapuwa niya Judio na ipanalangin ang mga bagay na dapat ay ipinananalangin na nila noon pa man.