Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailan Darating ang Kaharian ng Diyos?

Kailan Darating ang Kaharian ng Diyos?

Kailan Darating ang Kaharian ng Diyos?

“PANGINOON, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” (Gawa 1:6) Gustung-gustong malaman ng mga apostol kung kailan itatatag ni Jesus ang kaniyang Kaharian. Mga 2,000 taon na ang nakararaan, gusto pa ring malaman ngayon ng mga tao: Kailan kaya darating ang Kaharian ng Diyos?

Yamang ang Kaharian ang tema ng pangangaral ni Jesus, baka iniisip mong tinalakay niya ang sagot sa tanong na ito. At ginawa nga niya iyon! Maraming ulit niyang binanggit ang hinggil sa isang espesipikong yugto ng panahon na tinawag niyang ang kaniyang “pagkanaririto.” (Mateo 24:37) Ito ay iniuugnay sa pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian. Ano ang pagkanaririto na ito? Talakayin natin ang apat na katotohanang isinisiwalat ng Bibliya may kinalaman sa pagkanaririto ng Kristo.

1. Pagkatapos ng kamatayan ni Kristo, mahabang panahon ang lilipas bago magsimula ang kaniyang pagkanaririto. Naglahad si Jesus ng isang ilustrasyon kung saan itinulad niya ang kaniyang sarili sa isang taong “naglakbay patungo sa isang malayong lupain upang makakuha ng makaharing kapangyarihan.” (Lucas 19:12) Paano natupad ang makahulang ilustrasyong iyon? Buweno, namatay si Jesus at binuhay-muli; at saka naglakbay sa “malayong lupain,” samakatuwid, sa langit. Gaya ng inihula ni Jesus sa isang kahawig na ilustrasyon, babalik siya taglay ang makaharing kapangyarihan “pagkatapos ng mahabang panahon.”​—Mateo 25:19.

Paglipas ng ilang taon makaraang umakyat si Jesus sa langit, isinulat ni apostol Pablo: “Ang taong ito [si Jesus] ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan at umupo sa kanan ng Diyos, na mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.” (Hebreo 10:12, 13) Kaya naghintay si Jesus ng mahabang panahon nang bumalik siya sa langit. Sa wakas, natapos ang paghihintay na ito nang gawin ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak bilang Hari ng matagal nang ipinangakong Mesiyanikong Kaharian. Iyon ang pasimula ng pagkanaririto ni Kristo. Makikita ba ng mga tao sa lupa ang napakahalagang pangyayaring ito?

2. Hindi makikita ng mata ng tao ang pagkanaririto ni Jesus. Tandaan na tinalakay ni Jesus ang tanda ng kaniyang pagkanaririto. (Mateo 24:3) Kung literal itong makikita ng mga tao, kailangan pa ba ng tanda? Bilang paglalarawan: Isipin na ikaw ay naglalakbay papunta sa dagat. Habang nasa daan, maaaring makakita ka ng mga karatula, o palatandaan. Pero kapag nakarating ka na sa baybayin at kitang-kita mo na ang malawak na karagatan, aasahan mo ba na may malaking karatula roon na nakaturo sa tubig at may nakasulat na “Dagat”? Siyempre hindi! Bakit pa maglalagay ng karatula, o palatandaan kung kitang-kita mo na ang dagat?

Inilarawan ni Jesus ang tanda ng kaniyang pagkanaririto, hindi upang tukuyin kung ano ang makikita ng mga tao, kundi upang tulungan silang maunawaan kung ano ang magaganap sa langit. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may kapansin-pansing pagpapakita.” (Lucas 17:20) Kung gayon, ano ang tanda na magpapakitang nagsimula na ang pagkanaririto ni Kristo?

3. Magkakaroon ng matinding kaguluhan sa lupa sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus. Sinabi ni Jesus na magkakaroon sa lupa ng mga digmaan, taggutom, lindol, salot, at katampalasanan sa panahon ng kaniyang pagkanaririto bilang Hari sa langit. (Mateo 24:7-12; Lucas 21:10, 11) Ano ang magiging dahilan ng lahat ng kahapisang ito? Ipinaliliwanag ng Bibliya na si Satanas, ang “tagapamahala ng sanlibutang ito,” ay galít na galít dahil batid niyang napakaikli na ng kaniyang panahon ngayong nagsimula na ang pagkanaririto ni Kristo bilang Hari. (Juan 12:31; Apocalipsis 12:9, 12) Kitang-kita sa ating panahon ang katibayan ng pagngangalit ni Satanas at ang pagkanaririto ni Kristo, lalo na mula noong 1914, ang taon kung kailan ayon sa mga istoryador ay naganap ang malaking pagbabagong hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng buong daigdig.

Waring masamang balita ito, pero hindi gayon. Nangangahulugan ito na namamahala na ngayon sa langit ang Mesiyanikong Kaharian. Hindi na magtatagal, mamamahala na sa buong lupa ang Kahariang iyon. Gayunman, paano malalaman ng mga tao ang tungkol sa Kahariang iyon upang tanggapin nila ang pamamahala nito at maging mga sakop nito?

4. Sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus, ipangangaral sa buong lupa ang mabuting balita ng Kaharian. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang pagkanaririto ay magiging gaya ng “mga araw ni Noe.” * (Mateo 24:37-39) Hindi lamang tagapagtayo ng arka si Noe; siya ay isa ring “mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Binabalaan ni Noe ang mga tao na malapit nang ipatupad ng Diyos ang kaniyang hatol. Sinabi ni Jesus na gagawin din ito ng kaniyang mga tagasunod sa lupa sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Inihula niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, wawasakin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno rito sa lupa. Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral, naipaaalam sa mga tao na malapit nang kumilos ang makalangit na pamahalaang ito, anupat nabibigyan ng pagkakataon ang lahat na makaligtas sa dumarating na pagkapuksa at maging mga sakop ng Kaharian. Kung gayon, ang mahalagang tanong ay, Paano ka tutugon sa pangangaral na ito?

Magiging Mabuting Balita Kaya Para sa Iyo ang Kaharian ng Diyos?

Walang-kapantay na pag-asa ang ipinangaral ni Jesus. Pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, libu-libong taon na ang nakalilipas, nilayon ng Diyos na Jehova na magtatag ng isang pamahalaan na magtutuwid ng mga bagay-bagay, at magsasauli sa tapat na mga tao sa kalagayang nilayon ng Diyos noong pasimula​—ang mabuhay nang walang hanggan sa paraiso sa lupa. Hindi ba talagang kapana-panabik malaman na namamahala na sa langit ang matagal nang ipinangakong Kahariang ito? Hindi ito isang malabo at mahirap unawaing konsepto kundi isang pangyayaring nagaganap na!

Sa ngayon, ang hinirang na Hari ng Diyos ay namamahala na sa gitna ng kaniyang mga kaaway. (Awit 110:2) Sa tiwaling daigdig na ito na hiwalay sa Diyos, tinutupad ng Mesiyas ang kalooban ng kaniyang Ama na hanapin ang lahat ng nagnanais na makilala ang tunay na Diyos at sumamba sa kaniya sa “espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos ay para sa lahat ng tao, anuman ang kanilang lahi, edad, at pinagmulan. (Gawa 10:34, 35) Hinihimok ka naming samantalahin ang napakahalagang pagkakataong ito. Alamin na ngayon ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, nang sa gayo’y makapamuhay ka sa ilalim ng matuwid na pamamahala nito magpakailanman!​—1 Juan 2:17.

[Talababa]

^ Itinutuwid ng mga pananalitang ito ni Jesus ang maling ideyang ipinahihiwatig sa salin ng ilang bersiyon ng Bibliya sa salitang “pagkanaririto.” Isinalin ito ng ilang salin bilang “pagparito,” “pagdating,” o “pagbabalik,” na pawang nagpapahiwatig ng isang panandaliang pangyayari. Gayunman, pansinin na itinulad ni Jesus ang kaniyang pagkanaririto hindi sa Baha noong panahon ni Noe, na isang pangyayari lamang, kundi sa “mga araw ni Noe,” isang napakahalagang yugto ng panahon. Gaya ng yugto ng panahong iyon, ang pagkanaririto ni Kristo ay isang yugto ng panahon kung kailan magiging abalang-abala ang mga tao sa kanilang mga gawain sa araw-araw, anupat hindi nila mabibigyang-pansin ang babalang ibinigay sa kanila.

[Mga larawan sa mga pahina 8, 9]

Ang masasamang balitang naririnig natin araw-araw ay nagpapatunay na malapit nang dumating ang mabubuting bagay

[Credit Line]

Antiaircraft gun: U.S. Army photo