Maging Malapít sa Diyos
Isang Diyos na Handang Magpatawad
“IKAW, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) Sa pamamagitan ng nakaaantig-damdaming mga salitang ito, tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay saganang nagpapatawad. Malinaw na makikita sa isang pangyayari sa buhay ni apostol Pedro na si Jehova ay nagpapatawad “nang sagana.”—Isaias 55:7.
Isa si Pedro sa mga pinakamalapít na kasama ni Jesus. Gayunman, noong huling gabi ni Jesus sa lupa bilang tao, si Pedro ay nadaig ng takot sa tao at nakagawa ng isang malubhang kasalanan. Nang si Pedro ay nasa isang looban malapit sa lugar kung saan ilegal na nililitis si Jesus, hayagan niyang ikinaila si Jesus—hindi lamang minsan kundi tatlong ulit pa nga. Matapos mariing ikaila ni Pedro si Jesus sa ikatlong pagkakataon, si Jesus ay “bumaling at tumingin kay Pedro.” (Lucas 22:55-61) Malamang na hiyang-hiya si Pedro nang tingnan siya ni Jesus! Palibhasa’y batid ni Pedro na napakabigat ng nagawa niyang kasalanan, siya ay “nanlupaypay at nanangis.” (Marcos 14:72) Malamang na inisip ng nagsisising apostol na dahil tatlong ulit niyang ipinagkaila si Jesus, baka hindi na siya mapatawad ng Diyos.
Pagkatapos na buhaying muli si Jesus, nakipag-usap siya kay Pedro. Tiyak na dahil sa pag-uusap na ito, nawala ang pag-aalala ni Pedro na baka hindi siya pinatawad sa kaniyang kasalanan. Hindi nagbitiw si Jesus ng masasakit na salita ni sinumbatan man niya si Pedro. Sa halip tinanong niya si Pedro: “Iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro: “Oo, Panginoon, alam mong may pagmamahal ako sa iyo.” Tumugon si Jesus: “Pakainin mo ang aking mga kordero.” Inulit ni Jesus ang kaniyang tanong sa ikalawang pagkakataon, at gayon din ang isinagot ni Pedro at marahil sinagot niya ito nang may higit na pananalig. Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” Pagkatapos ay muling tinanong ni Jesus si Pedro ng tanong ding iyon sa ikatlong pagkakataon: “May pagmamahal ka ba sa akin?” Ngayon ay “napighati si Pedro” at sinabi: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; batid mong may pagmamahal ako sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.”—Juan 21:15-17.
Bakit tinanong ni Jesus si Pedro gayong alam naman niya ang niloloob nito? Nababasa ni Jesus ang puso ng isang tao, kaya alam niya na talagang mahal siya ni Pedro. (Marcos 2:8) Sa pamamagitan ng mga tanong na iyon, binigyan ni Jesus si Pedro ng pagkakataon na tatlong ulit na tiyakin ng apostol ang pag-ibig nito sa kaniya. Ang mga tugon ni Jesus: “Pakainin mo ang aking mga kordero. . . . Pastulan mo ang aking maliliit na tupa. . . . Pakainin mo ang aking maliliit na tupa,” ay nagbigay ng katiyakan sa nagsising apostol na siya ay pinagkakatiwalaan pa rin ni Jesus. Tutal, inuutusan ni Jesus si Pedro na tumulong sa pangangalaga ng kaniyang pinakamamahal na pag-aari—ang kaniyang mahal na mga tulad-tupang tagasunod. (Juan 10:14, 15) Tiyak na gumaan ang kalooban ni Pedro nang malaman niyang may tiwala pa rin si Jesus sa kaniya!
Maliwanag na pinatawad ni Jesus ang kaniyang nagsising apostol. Yamang ganap na ipinakita ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama, masasabi natin na pinatawad din ni Jehova si Pedro. (Juan 5:19) Si Jehova ay hindi atubili sa pagpapatawad. Siya ay isang maawaing Diyos na “handang magpatawad” sa mga nagsisisi. Hindi ba ito nakaaaliw sa atin?