Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Bakit Hindi Nakikipagdigma ang mga Saksi ni Jehova?

Bakit Hindi Nakikipagdigma ang mga Saksi ni Jehova?

Kilalá ang mga Saksi ni Jehova, saanman sila naninirahan, na hindi nakikisali sa digmaan sa pagitan ng mga bansa o sa mga labanan ng magkakontrang mga grupo sa isang bansa. “Ang mga Saksi ni Jehova ay mahigpit na nanghahawakan sa pagiging neutral sa panahon ng digmaan,” ang sabi ng Australian Encyclopædia kalahating siglo na ang nakalilipas.

Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi nakikipagdigma ang mga Saksi ay dahil labag sa kanilang budhing Kristiyano ang pakikibahagi sa gayong labanan. Ang kanilang budhi ay nahubog ayon sa mga utos at halimbawa ng Panginoong Jesu-Kristo. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang kanilang kapuwa. Iniutos din niya: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti yaong mga napopoot sa inyo.” (Lucas 6:27; Mateo 22:39) Nang tangkain ng isa sa kaniyang mga alagad na ipagtanggol siya sa pamamagitan ng isang tabak, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Kaya sa salita at sa gawa, malinaw niyang ipinakita na ang kaniyang mga tagasunod ay hindi dapat gumamit ng sandatang pandigma.

Isa pa, hindi nakikipagdigma ang mga Saksi ni Jehova dahil sila ay isang relihiyosong grupo na may mga miyembro sa buong daigdig. Sa panahon ng digmaan, nagiging magkalaban ang magkakapatid at salungat ito sa utos ni Jesus na ‘mag-ibigan sa isa’t isa.’​—Juan 13:35.

Ang nabanggit na mga simulain na umuugit sa pag-ibig ay hindi lamang teoriya para sa mga Saksi ni Jehova. Bilang halimbawa, pansinin ang paninindigan nila noong Digmaang Pandaigdig II, mula 1939 hanggang 1945. Sa Estados Unidos, mahigit 4,300 Saksi ni Jehova ang ibinilanggo sa mga piitang pederal dahil tumanggi silang maglingkod sa hukbo. Sa Britanya, mahigit 1,500, kabilang na ang mahigit 300 babae, ang ibinilanggo dahil tumanggi silang makibahagi sa mga gawaing may kaugnayan sa digmaan. Sa Alemanya sa ilalim ng Nazi, mahigit 270 Saksi ang ipinapatay sa utos ng Estado dahil ayaw nilang humawak ng sandata. Sa ilalim ng rehimeng Nazi, mahigit 10,000 Saksi ang ikinulong sa mga bilangguan o mga kampong piitan. Napakahirap din ng naranasan ng mga Saksi sa Hapón. Sinumang namatayan ng mahal sa buhay noong Digmaang Pandaigdig II​—o sa kahit anupamang kasunod na digmaan​—ay makatitiyak na wala ni isa mang Saksi ni Jehova ang may pananagutan sa mga kamatayang iyon.

Ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa digmaan ay kitang-kita sa napakagandang pananalita ng pamamaalam ni Wolfgang Kusserow. Noong 1942, ang 20 anyos na Alemang ito ay pinugutan ng ulo ng mga Nazi dahil tumanggi itong makipagdigma. (Isaias 2:4) Sinabi niya sa harap ng hukumang militar: “Pinalaki ako bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ayon sa salita ng Diyos na nasa Banal na Kasulatan. Ang pinakadakila at pinakabanal na utos na ibinigay niya sa tao ay: ‘Ibigin mo ang iyong Diyos nang higit sa lahat at ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang ibang utos ay nagsasabi: ‘Huwag kang papatay.’ Lahat bang ito ay ipinasulat ng ating Maylalang para sa mga punungkahoy?”​—Marcos 12:29-31; Exodo 20:13.

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Jehova lamang, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, ang makapagdadala ng permanenteng kapayapaan sa lupa. Umaasa sila na tutuparin niya ang kaniyang pangakong ‘patitigilin niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’​—Awit 46:9.