Biláng Na ba ang Oras ng Planetang Lupa?
Biláng Na ba ang Oras ng Planetang Lupa?
Alin sa mga pagpipilian sa ibaba ang sagot mo sa tanong na ito?
Ano ang magiging kalagayan ng lupa sa malapit na hinaharap?
(a) Bubuti
(b) Ganoon pa rin
(c) Lalalâ pa
POSITIBO pa rin ba ang pananaw mo hinggil sa hinaharap? Nagdudulot ng magagandang epekto sa isang indibiduwal ang pagiging positibo. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong optimistiko ay mas masigla at listo. Ipinakikita pa nga ng isang mahabang pag-aaral na mas malamang na makaiwas sa sakit sa puso ang mga lalaking optimistiko kaysa sa mga lalaking may negatibong pananaw sa buhay. Ang mga resulta ng pagsusuring ito ay kasuwato ng sinabi ng Bibliya maraming siglo na ang nakararaan: “Ang masayang puso ay mabuting gamot, ngunit ang lupaypay na diwa ay tumutuyo sa mga buto.”—Kawikaan 17:22, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Pero kung maririnig mo ang sinasabi ng mga siyentipiko tungkol sa kinabukasan ng planetang Lupa, sino ba naman ang matutuwa at hindi mag-iisip nang negatibo? Isaalang-alang ang ilan lamang sa malalagim na prediksiyong madalas na laman ng balita.
Nanganganib ang Planetang Lupa
Noong 2002, ang kinikilalang Stockholm Environment Institute ay nagbabala na kung patuloy na ipagwawalang-bahala ng tao ang kalikasan
para mapaunlad lamang ang ekonomiya, malamang na mauwi ito sa “mga pangyayaring magdudulot ng malaking pagbabago sa klima at mga ekosistema ng planeta.” Sinabi rin nito na ang kahirapan sa buong daigdig, ang matagal nang umiiral na di-pagkakapantay-pantay, at ang walang-patumanggang paggamit ng mga likas na yaman ay maaaring magsadlak sa lipunan sa “walang-patid na problema sa kapaligiran, seguridad, at ugnayan ng tao sa isa’t isa.”Noong 2005, naglabas ang United Nations ng Millennium Ecosystem Assessment Synthesis Report. Ulat ito may kinalaman sa resulta ng apat-na-taóng pag-aaral hinggil sa kapaligiran ng Lupa na isinagawa ng mahigit 1,360 eksperto mula sa 95 bansa. Naglalaman ang ulat ng isang tahasang babala: “Napakatindi ng pinsalang naidudulot ng tao sa likas na mga proseso ng planetang Lupa, kung kaya’t lubhang nanganganib ang kakayahan ng mga ekosistema nito na tustusan ang susunod pang mga henerasyon.” Maiiwasan lamang ito kung magkakaroon ng “malaking pagbabago sa mga patakaran, kinagawian, at pamamaraan, na hanggang sa ngayon ay hindi pa naisasakatuparan,” ang sabi ng ulat.
Ganito ang sinabi ni Anna Tibaijuka, punong direktor ng United Nations Human Settlements Programme, hinggil sa paniniwala ng maraming mananaliksik: “Kung wala tayong gagawing pagbabago, isang malagim na kinabukasan ang naghihintay sa atin.”
Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Mawalan ng Pag-asa
Ang mga Saksi ni Jehova, na naglathala ng magasing ito, ay naniniwala rin na may magaganap na mga pangyayaring makaaapekto sa lupa. Gayunman, kumbinsido sila na sa halip na mauwi sa malagim na kinabukasan ang mga pangyayaring ito, magbibigay-daan ito sa kahanga-hangang mga kalagayan sa lupa na hindi pa nararanasan ng tao. Bakit sila optimistiko hinggil sa hinaharap? Dahil naniniwala sila sa mga pangakong nakaulat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pansinin ang isa sa mga pangakong iyon: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Panaginip lamang ba ang gayong pag-asa? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, pag-isipang mabuti ang puntong ito: Libu-libong taon patiuna, tumpak na inihula ng Bibliya ang marami sa pangunahing mga problemang nagpapahirap ngayon sa lupa at sa sangkatauhan. Pakisuyong basahin ang mga teksto sa Bibliya na binabanggit sa kasunod na artikulo, at ihambing ang sinasabi nito sa kasalukuyang nangyayari sa daigdig. Makatutulong ito sa iyo na magtiwala na anumang inihula ng Bibliya ay tiyak na matutupad.