Tanong ng mga Mambabasa
Magugunaw Ba ang Mundo?
Ang ating planetang Lupa ay hindi mawawasak ng anumang kapaha-pahamak na pangyayari. Bakit tayo nakatitiyak? Dahil nangangako ang Diyos na ang lupa ay “hindi . . . makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) “Ang mga lahi ay umaalis at dumarating,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang daigdig ay mananatili magpakailanman.”—Eclesiastes 1:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ayon sa orihinal na tekstong Hebreo ng Awit 104:5, may dalawang salita na ginamit dito upang idiin na patuloy na iiral ang lupa—ʽoh·lamʹ para sa “panahong walang takda” at ʽadh para sa “magpakailanman.” Ang ʽoh·lamʹ ay maaaring isaling “maraming taon” o “walang hanggan.” Ayon sa Students’ Hebrew and Chaldee Dictionary ni Harkavy, ang ʽadh ay nangangahulugang “mahabang panahon, walang hanggan, magpakailanman.” Yamang ginamit ang dalawang salitang Hebreo na ito sa teksto, ipinapakita nito na tiyak na patuloy na iiral ang lupa. Isaalang-alang ang tatlo pang dahilan mula sa Bibliya na nagpapatunay na ang lupa ay mananatili magpakailanman.
Una, nilalang ng Diyos ang lupa upang maging tahanan ng mga tao—isang sagana, pandaigdig, at nakalulugod na paraiso, at hindi para maging tiwangwang lamang. Inilalarawan sa Isaias 45:18 si Jehova bilang ang “Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.”
Ikalawa, noon pa ma’y ipinangako na ng Diyos na ang mga taong susunod sa kaniya ay maninirahan magpakailanman sa mapayapang lupa. Nangangako ang Mikas 4:4: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.” Kaya ayon sa layunin ng Diyos, tiyak na mananatili ang lupa magpakailanman upang maging tahanan ng sangkatauhan, dahil kung hindi, mawawalan ng saysay ang kaniyang mga pangako.—Awit 119:90; Isaias 55:11; 1 Juan 2:17.
Ikatlo, iniatas ng Diyos sa tao ang pangangalaga sa lupa. “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Awit 115:16) Magagawa ba ng isang maibiging ama na magbigay ng isang napakagandang regalo sa kaniyang anak at pagkatapos ay babawiin ito at sisirain lamang? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, hindi gugunawin ni Jehova ang lupa ni lilipulin ang lahat ng naninirahan dito, sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
Tiniyak ni Jesu-Kristo na matutupad ang mga pangako ng kaniyang Ama, nang sabihin niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) At ang Diyos, na hindi makapagsisinungaling, ay nangangako: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29; Tito 1:2.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Globo: Based on NASA photo