Susi sa Maligayang Pamilya
Pakikipag-usap sa mga Tin-edyer
“Dati-rati, madali naming nakakausap ang aming anak na lalaki, pero ngayong 16 anyos na siya, palaisipan na sa aming mag-asawa kung ano ang nasa isip niya. Nagkukulong siya sa kuwarto at halos hindi kami kinakausap!”—MIRIAM, MEXICO.
“Noong bata pa ang aking mga anak, gustung-gusto nilang makinig sa lahat ng sinasabi ko. Lahat-lahat! Ngayong tin-edyer na sila, magkaiba na raw ang mundo namin.”—SCOTT, AUSTRALIA.
KUNG mayroon kang tin-edyer na anak, malamang na nararanasan mo rin ang dinaranas ng mga magulang na binanggit sa itaas. Marahil noon ay maayos kayong nakapag-uusap ng iyong anak. Pero hindi na ngayon. “Noong bata pa siya, napakarami niyang tanong sa akin,” ang sabi ng isang inang taga-Italya na si Angela. “Ngayon, ako na ang nagbubukas ng usapan. Dahil kung hindi, baka lumipas ang mga araw nang wala man lamang kaming makabuluhang pag-uusap.”
Gaya ni Angela, baka ang dati mong makuwentong anak ay isa na ngayong mailap na tin-edyer. Sa pagsisikap mong magkausap kayo, baka ang mangyari’y isang tanong isang sagot lamang. “Kumusta ang maghapon mo?” ang tanong mo sa iyong binatilyo. “OK lang po,” ang maikli niyang sagot. “Ano’ng ginawa n’yo sa iskul ngayon?” ang tanong mo sa iyong dalagita. “Wala lang po,” ang sagot niya sabay kibit ng balikat. Sa kagustuhan mong magpatuloy ang inyong pag-uusap sa pagsasabing “magkuwento ka naman,” lalo na siyang hindi umimik.
Mangyari pa, may mga tin-edyer na nakikipag-usap naman. Pero ang sinasabi nila ay yaong hindi gustong marinig ng kanilang mga magulang. “‘Ayoko nga’ ang madalas isagot ng aking dalagita kapag may ipinagagawa ako sa kaniya,” naaalaala pa ng isang inang taga-Nigeria na si Edna. Gayundin ang napansin ni Ramón, taga-Mexico, sa kaniyang 16-anyos na binatilyo. “Halos araw-araw kaming nagtatalo,” ang sabi niya. “Tuwing may ipagagawa ako sa kaniya, ang dami niyang dahilan.”
Nasusubok ang pasensiya ng magulang kapag nakikipag-usap sa isang nagbibingi-bingihang tin-edyer. Sinasabi sa Bibliya na “nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kawikaan 15:22) “Kapag hindi ko matukoy ang iniisip ng aking binatilyo, inis na inis ako at gusto kong sumigaw,” inamin ni Anna, nagsosolong magulang na taga-Russia. Bakit kaya kung kailan kailangang-kailangang mag-usap, ang mga kabataan—at ang kani-kanilang magulang—ay parang nawawalan ng kakayahang gawin ito?
Alamin ang mga Hadlang
Ang pag-uusap ay hindi basta pagsasalita lamang. Sinabi ni Jesus na “mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang . . . bibig.” (Lucas 6:45) Kaya sa tulong ng maayos na pag-uusap, natututo tayo mula sa iba at nasasabi natin ang ating niloloob. Posibleng mahirapan ang mga tin-edyer na gawin ang huling nabanggit, dahil kapag sila’y nagbibinata’t nagdadalaga na, kahit ang pinakamasayahing bata ay bigla na lamang nagiging mahiyain. Ayon sa mga eksperto, karaniwan nang pakiramdam ng mga tin-edyer ay nasa entablado sila at nakatutok sa kanila ang lahat ng mata. Sa halip na humarap sa mga tao, baka isara nila ang telon, wika nga, at gumawa ng sariling daigdig na hindi basta-basta napapasok ng mga magulang.
Ang isa pang posibleng hadlang sa pag-uusap ay ang kagustuhan ng isang tin-edyer na maging malaya. Hindi ito maiiwasan—lumalaki na ang iyong anak, at habang siya’y lumalaki, humihiwalay na siya sa pamilya. Hindi naman ibig sabihin nito na handa nang humiwalay ng tirahan ang iyong tin-edyer. Ngayon niya kayo higit na kailangan. Pero ang paghiwalay ay nagsisimula ilang taon bago pa man maging adulto. Bilang bahagi ng paglaki, mas gusto ng maraming tin-edyer na sila muna mismo ang makapag-isip-isip bago nila ito sabihin sa iba.
Karaniwan nang mas nagkukuwento ang mga tin-edyer sa kanilang mga kasamahan—iyon ang napansin ng isang inang taga-Mexico na si Jessica. “Noong bata pa ang aking anak na babae, palagi niyang sinasabi sa akin ang kaniyang mga problema,” ang sabi niya. “Ngayon, sa mga kaibigan na niya.” Kung ganito ang iyong tin-edyer na anak, huwag mong isiping “sinesante” ka na niya bilang magulang. Sa kabaligtaran, ipinakikita ng mga surbey na kahit hindi aminin ng mga tin-edyer, mas importante sa kanila ang payo ng kanilang mga magulang kaysa sa payo ng kanilang mga kaibigan. Kung gayon, paano mo matitiyak na nananatiling bukás ang pinto ng pag-uusap?
Susi sa Tagumpay—Buwagin ang mga Hadlang
Ipagpalagay nang nagmamaneho ka sa isang mahaba at dere-deretsong haywey. Sa buong kahabaang iyon, hindi mo kailangang kabigin nang kabigin ang manibela kundi nakaalalay ka lamang dito. Maya-maya, nakita mong biglang papaliko ang daan. Para manatili sa daan ang sasakyan, wala kang magagawa kundi kabigin nang husto ang iyong manibela. Ganito rin kapag naging tin-edyer na ang iyong anak. Sa loob ng ilang taon, baka kailangan lang ang paunti-unting kabig, wika nga, sa iyong pagpapalaki sa kanila. Pero ngayon, biglang papaliko ang buhay ng iyong anak, at dapat mong ‘kabigin nang husto ang manibela’ sa pamamagitan ng pagbabago sa iyong mga pamamaraan. Itanong mo sa iyong sarili ang mga sumusunod.
Sinasabi ng Bibliya: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11) Gaya ng malinaw na sinasabi sa tekstong ito, mahalaga ang tamang panahon. Bilang paglalarawan: Ang panahon ng pag-aani ay hindi puwedeng apurahin o ipagpaliban ng isang magsasaka. Wala siyang magagawa kundi samantalahin ang panahon kapag dumating ito. Baka may partikular na panahon ang iyong tin-edyer kung kailan siya handang makipag-usap. Samantalahin mo ang pagkakataong iyon. “Sa gabi, palaging pumupunta sa kuwarto ko ang aking dalagita at kung minsan ay inaabot siya nang isang oras,” ang sabi ng nagsosolong inang taga-Australia na si Frances. “Maaga akong matulog, kaya mahirap iyon sa akin, pero sa mga pagpupuyat na iyon, marami kaming napagkukuwentuhan.”
SUBUKIN ITO: Kapag parang ayaw makipag-usap ng iyong tin-edyer, magkasama ninyong gawin ang isang bagay—maglakad-lakad, mamasyal, maglaro, o gumawa ng gawaing-bahay. Madalas na nagiging madali para sa mga tin-edyer na magsalita sa ganitong mga pagkakataon.
Sinasabi sa Job 12:11: “Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?” Higit kailanman, ngayon mo kailangang ‘subukin’ kung ano ang sinasabi ng iyong anak. Kadalasan nang deretsahan kung magsalita ang mga tin-edyer. Halimbawa, baka sabihin ng anak mo, “Palagi na lang parang bata ang tingin n’yo sa akin!” o “Ni minsan, hindi n’yo ako pinakinggan!” Sa halip na pagtalunan ang mga salitang “palagi” at “ni minsan,” unawain mo na posibleng hindi naman talaga iyon ang ibig sabihin ng iyong anak. Halimbawa, maaaring ang ibig sabihin ng “Palagi na lang parang bata ang tingin n’yo sa akin” ay “Wala po kasi kayong tiwala sa akin,” at ang “Ni minsan, hindi n’yo ako pinakinggan” ay baka “Gusto ko lang po sanang masabi sa inyo ang talagang nararamdaman ko.” Sikapin mong unawain ang talagang ibig niyang sabihin.
SUBUKIN ITO: Kapag nagbitiw ng mariing pangungusap ang iyong tin-edyer, subukin mong sabihin ito: “Alam kong masama ang loob mo, at gusto ko sanang marinig ang sasabihin mo. Bakit nga ba pakiramdam mo’y parang bata ang tingin ko sa iyo?” Saka ka makinig nang hindi sumasabad.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.” (Santiago 3:18) Sa pamamagitan ng iyong salita at gawa, sikaping magkaroon ng “mapayapang mga kalagayan” para lumakas ang loob ng iyong tin-edyer na magsalita. Tandaan mong ikaw ang tagasuporta ng iyong anak. Kaya kapag nag-uusap kayo, iwasan mong magsalita na parang isang abogado sa loob ng korte. “Ang isang marunong na magulang ay hindi nagsasabi ng, ‘Kailan ka pa ba matututo?’ o, ‘Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo?’” ang sabi ng isang amang taga-Korea na si Ahn. “Kapag sinasabi ko ito, napapansin kong naiinis ang aking mga anak na lalaki hindi lamang sa paraan ng pakikipag-usap ko sa kanila kundi pati na rin sa kung ano ang sinasabi ko.”
SUBUKIN ITO: Kapag ang iyong tin-edyer ay nagbibingi-bingihan sa mga tanong mo, sumubok ng ibang paraan. Halimbawa, sa halip na tanungin ang iyong tin-edyer tungkol sa maghapon niya, sabihin mo sa kaniya ang iyong mga ginawa sa maghapon at tingnan mo kung sasagot siya. O para malaman mo ang opinyon ng iyong anak tungkol sa isang bagay, huwag ang opinyon niya ang itanong mo kundi ang sa iba. Tanungin mo siya kung ano ang palagay ng kaniyang kaibigan tungkol sa isang paksa. Saka mo itanong kung ano ang ipapayo niya sa kaniyang kaibigan.
Hindi naman imposibleng makausap ang mga tin-edyer. Ibagay mo lamang ang iyong pamamaraan ayon sa pangangailangan. Tanungin ang ibang mga magulang na naging matagumpay rito. (Kawikaan 11:14) Kapag nakikipag-usap sa iyong anak, “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Higit sa lahat, huwag na huwag kang susuko sa pagsisikap na mapalaki ang iyong mga tin-edyer “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
TANUNGIN MO ANG IYONG SARILI . . .
-
Anong mga pagbabago ang napansin ko sa aking anak mula nang maging tin-edyer siya?
-
Paano ko kaya mapasusulong ang aking kakayahan sa pakikipag-usap?