Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Natin Gagamitin ang Pangalan ng Diyos Kung Hindi Naman Tayo Tiyak sa Bigkas Nito?
Walang sinumang nakaaalam sa ngayon kung paano talaga binibigkas ang pangalan ng Diyos sa sinaunang wikang Hebreo. Pero kapansin-pansin na lumilitaw nang mga 7,000 ulit ang pangalan ng Diyos sa mga teksto ng Bibliya. Noong nasa lupa si Jesus, inihayag niya ang pangalan ng Diyos, at itinuro sa kaniyang mga alagad na ipanalangin ang pagpapabanal sa pangalang iyon. (Mateo 6:9; Juan 17:6) Kaya isang bagay ang tiyak—napakahalaga sa mga Kristiyano ang paggamit sa pangalan ng Diyos. Kung gayon, bakit walang nakatitiyak sa ngayon kung paano binibigkas ang pangalang iyon? May dalawang pangunahing dahilan.
Una, mga 2,000 taon na ang nakalilipas, nagkaroon ng pamahiin ang mga Judio na masamang bigkasin ang pangalan ng Diyos. Noon, kapag nagbabasa ang isa at nakita niya ang pangalan ng Diyos sa mga teksto ng Bibliya, papalitan niya iyon ng salitang “Panginoon.” Dahil hindi na ginamit ang pangalan ng Diyos sa nakalipas na maraming siglo, nakalimutan na kung paano ito binibigkas.
Ikalawa, ang sinaunang wikang Hebreo ay isinusulat nang walang patinig. Noon, kapag nagbabasa ang isa, dinaragdagan lamang niya ng mga patinig ang mga salita ayon sa alam niyang nakasanayang bigkas dito. Nang maglaon, isang sistema ang ginawa para hindi tuluyang makalimutan ang bigkas sa mga salitang Hebreo. Naglalagay ng mga tuldok-patinig, o pananda para sa mga patinig, sa bawat salita sa Bibliyang Hebreo. Pero sa pangalan ng Diyos, tuldok-patinig para sa salitang “Panginoon” ang inilalagay upang ipaalaala sa mga nagbabasa na iyon ang kanilang bibigkasin, o kaya nama’y wala talaga silang inilalagay na anumang pananda.
Ang makikita na lamang ngayon ay ang apat na katinig na tinatawag na Tetragrammaton. Ayon sa isang diksyunaryo, ito “ang apat na titik Hebreo na karaniwang isinusulat na YHWH o JHVH para sa pangalan ng Diyos na nasa Bibliya.” Kaya madaling mauunawaan kung bakit ang JHVH, kapag nilagyan ng patinig, ay nagiging “Jehova,” ang anyo na karaniwang ginagamit ngayon sa wikang Tagalog.
Pero inirerekomenda ng ilang iskolar ang bigkas na “Yahweh” para sa pangalan ng Diyos. Mas malapit ba iyan sa orihinal na bigkas? Walang nakatitiyak. Sa katunayan, may ibinigay na mga dahilan ang ibang mga iskolar kung bakit hindi nila ginagamit ang bigkas na iyon. Sabihin pa, malamang na ibang-iba na ang pagbigkas ngayon sa mga pangalan sa Bibliya kaysa sa pagbigkas sa mga ito noon sa orihinal na wikang Hebreo, pero halos wala namang tumututol dito. Ito ay dahil sa naging bahagi na ang mga ito ng ating wika at naging pamilyar na ang mga tao sa mga pangalang ito. Ganiyan din naman sa pangalang Jehova.
Ang unang-siglong mga Kristiyano ay tinawag na isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos. Ipinangaral nila sa iba ang pangalan ng Diyos at pinasigla ang mga ito na tumawag sa pangalang iyon. (Gawa 2:21; 15:14; Roma 10:13-15) Maliwanag, mahalaga sa Diyos na gamitin natin ang kaniyang pangalan anuman ang ating wika, maunawaan ang kahalagahan ng pangalang ito, at mamuhay ayon sa kahulugan nito.
[Blurb sa pahina 31]
Kapansin-pansin na lumilitaw nang mga 7,000 ulit ang pangalan ng Diyos sa mga teksto ng Bibliya