Pag-isipan ang “Huling Wakas”
Pag-isipan ang “Huling Wakas”
ANG buhay natin ay parang isang paglalakbay na maraming pagpipilian. Tiyak na isang katalinuhan na alamin muna kung saan patungo ang isang daan, bago natin ito tahakin. Sising-sisi ang ilang tao sa mga pagpapasiyang nagawa nila. Malamang na nasabi mo na rin, ‘Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi ko na sana iyon ginawa.’
Inaalam ng isang makaranasang manlalakbay kung saan patungo ang bawat daan. Maaari siyang tumingin sa mapa o magtanong sa mga taong nakaaalam sa lugar. Tiyak na magbibigay-pansin din siya sa nadaraanan niyang mga karatulang nagsasabi ng direksiyon. Pero paano mo malalaman kung alin ang pinakaligtas na landas na maaari mong tahakin sa iyong paglalakbay sa buhay? Sa pamamagitan ni Moises, ganito ang sinabi ng Diyos tungkol sa sinaunang mga Israelita: “O kung sana ay marunong sila! Kung gayon ay magmumuni-muni sila tungkol dito. Pag-iisipan nila ang kanilang huling wakas.”—Deuteronomio 32:29.
Ang Pinakamahusay na Payo
Hindi na natin kailangang hulaan pa ang tungkol sa “huling wakas” o patutunguhan ng mga landas sa paglalakbay sa buhay. Dahil nasa langit ang Diyos, kitang-kita niya ang iba’t ibang landas na tinatahak ng tao at ang pinatutunguhan ng kanilang paglalakbay. Kaya naman siya ang nakaaalam kung ano ang pinakaligtas na daan na dapat tahakin ng lahat ng tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ni Jehova, at dinidili-dili niya ang lahat ng kaniyang landas.”—Kawikaan 5:21.
Nagmamalasakit si Jehova sa mga umiibig sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, inilalatag niya ang pinakaligtas na landas para sa kanila. Mababasa natin: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa Awit 32:8; 143:8.
daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” Kaya bago mo ihakbang ang iyong paa sa anumang daan, makabubuting hilingin muna ang payo ni Jehova, gaya ng ginawa ni Haring David ng sinaunang Israel. Nanalangin siya: “Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran.”—Kung susundin mo ang direksiyong ibinigay ng isang mapagkakatiwalaan at makaranasang manlalakbay, magiging panatag ka sa iyong paglalakbay. Hindi ka mababahala kung saan patungo ang daan. Humiling si David ng mga tagubilin at direksiyon kay Jehova, at sinunod niya ang mga ito. Bunga nito, nagkaroon siya ng kapayapaan ng isip, gaya ng mababasa natin sa ika-23 Awit. Isinulat ni David: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman. Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinagiginhawa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan. Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama.”—Awit 23:1-4.
Ano ang Magiging Kinabukasan Nila?
Inamin ng isang salmista, marahil ay si Asap o isa sa kaniyang mga inapo, na siya ay “muntik nang mapaliko” mula sa tamang daan sa kaniyang paglalakbay sa buhay. Bakit? Nakita niya ang kasaganaan ng mararahas at di-tapat, at kinainggitan niya ang “kapayapaan ng mga taong balakyot.” Para sa kaniya, sila’y waring “panatag sa habang panahon.” Pinag-alinlanganan pa nga niya ang karunungan ng pagsunod sa landas ng katuwiran na kaniyang pinili.—Awit 73:2, 3, 6, 12, 13.
Pagkatapos, pumasok ang salmista sa santuwaryo ni Jehova. Doon, nanalangin siya at nag-isip-isip tungkol sa kahihinatnan ng mga balakyot. “Ninais kong matalos ang kanilang kinabukasan,” ang sabi niya. Binulay-bulay niya ang kahahantungan ng kaniyang mga kinaiinggitan. Ano ang magiging kinabukasan nila? Natanto niyang ang gayong mga tao ay nasa “madulas na dako” at sila’y ‘sasapit sa kanilang katapusan sa pamamagitan ng mga biglaang kakilabutan!’ Kumusta naman ang landas na tinatahak ng salmista? Sinabi niya: “Pagkatapos ay dadalhin mo [Jehova] ako sa kaluwalhatian.”—Awit 73:17-19, 24.
Nang bulay-bulayin ng salmista ang kahihinatnan ng pagkilos ng mga yumayaman sa pamamagitan ng madalian o kuwestiyunableng paraan, natiyak niyang siya ay nasa tamang landas. Ganito ang kaniyang konklusyon: “Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.” Ang pananatiling malapít sa Diyos na Jehova ay laging nagbubunga ng namamalaging kapakinabangan.—Awit 73:28.
“Alamin Kung Saan Ka Patungo”
Baka mapaharap din tayo sa mga pagpiling gaya ng kay Asap. Maaaring alukan ka ng isang magandang negosyo, promosyon sa trabaho, o baka anyayahan kang maging kasosyo sa isang proyektong malaki ang kikitain. Tiyak na may Kawikaan 4:26, Contemporary English Version.
nakaumang na panganib sa anumang bagay na papasukin mo. Kaya nga isang katalinuhan na pag-isipan ang maaaring maging “huling wakas” o kahihinatnan nito. Ano kaya ang malamang na mangyari? Hindi ka kaya mápalayô sa pamilya mo, at bunga nito ay maging maigting ang situwasyon para sa inyong mag-asawa? Hindi ka kaya mahantad sa di-mabuting mga kasama gaya ng iyong mga kasosyo sa negosyo o ng mga nakikilala mo sa mga hotel o iba pang lugar? Kung maingat mong susuriin ang daang tatahakin mo, makagagawa ka ng matalinong pasiya. Makinig sa payo ni Solomon: “Alamin kung saan ka patungo.”—Makabubuting pag-isipan nating lahat ang payong iyan, lalo na ng mga kabataan. Isang kabataang lalaki ang umarkila ng isang video na alam niyang nagtatampok ng mga eksenang nakapupukaw sa sekso. Ayon sa kaniya, matapos niyang mapanood ang video, napukaw nang husto ang kaniyang pagnanasa anupat pumunta siya sa isang bayarang babae na alam niyang nakatira lamang sa malapit. Dahil sa kaniyang ginawa, siya ay lubhang nalungkot, inusig ng budhi, at nag-alalang baka nahawahan na siya ng sakit. Ang kaniyang ginawa ay katulad ng inilalarawan sa Bibliya: “Kaagad niya itong sinundan, tulad ng toro na pumaparoon sa patayan.” Kung pinag-isipan lamang sana niya ang “huling wakas” o Kawikaan 7:22, 23.
kahihinatnan ng kaniyang ginawa!—Magtiwala sa Direksiyon ng Diyos
Sasang-ayon ang karamihan ng tao na hindi matalinong ipagwalang-bahala ang mga karatulang nagsasabi ng direksiyon. Pero nakalulungkot, ganiyan ang ginagawa ng ilang tao sa kanilang paglalakbay sa buhay kapag hindi nila nagugustuhan ang ibinigay na direksiyon. Pansinin ang nangyari sa ilang Israelita noong panahon ni Jeremias. Nang mapaharap sa pagpapasiya ang mga Israelita, pinayuhan sila ng Diyos na Jehova: “Ipagtanong ninyo ang mga landas noong sinaunang panahon, kung nasaan nga ang mabuting daan; at lakaran ninyo iyon.” Ano ang naging tugon ng mga Israelita? Nagmatigas sila at sinabi, “Hindi namin lalakaran [ang daang iyon].” (Jeremias 6:16) Ano ang naging “huling wakas” ng kanilang mapaghimagsik na landasin? Noong 607 B.C.E., lubusang winasak ng Babilonya ang lunsod ng Jerusalem at dinalang bihag ang mga naninirahan doon.
Tiyak na mapapahamak tayo kung ipagwawalang-bahala natin ang mga direksiyong ibinigay sa atin ng Diyos. Ganito ang payo ng Kasulatan: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
Ang ilan sa mga babala ng Diyos ay maihahalintulad sa mga karatulang “Do Not Enter” (“Huwag pumasok”). Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Sa landas ng mga balakyot ay huwag kang pumasok, at huwag kang lumakad patungo sa daan ng masasama.” (Kawikaan 4:14) Inilarawan sa Kawikaan 5:3, 4 ang isa sa gayong nakasasamang mga landas: “Ang mga labi ng babaing di-kilala ay tumutulo na gaya ng bahay-pukyutan, at ang kaniyang ngalangala ay mas madulas kaysa sa langis. Ngunit ang idudulot niya ay kasimpait ng ahenho; iyon ay kasintalas ng tabak na may dalawang talim.” Para sa ilan, waring kapana-panabik ang isang imoral na relasyon—ito man ay sa piling ng isang bayarang babae o ng sinumang iba pa. Pero kapag ipinagwalang-bahala ang mga karatulang “Do Not Enter” pagdating sa moral na paggawi, hahantong lamang ito sa kapahamakan.
Bago mo ihakbang ang iyong paa sa gayong landas, tanungin ang iyong sarili, ‘Saan ako aakayin nito?’ Kung pag-iisipan mo muna ang posibleng maging “huling wakas” o kahihinatnan ng iyong gagawin, maiiwasan mong tumahak sa landasing maaaring humantong sa masasaklap na resulta. Ang AIDS at iba pang sakit na nakukuha sa pagtatalik, di-inaasahang pagbubuntis, aborsiyon, nasirang relasyon, at inuusig na budhi ay ilan lamang sa napakaraming ‘lubak’ sa daan ng mga nagwawalang-bahala sa direksiyon o mga babala ng Diyos. Malinaw na binanggit ni apostol Pablo ang patutunguhan ng mga nagsasagawa ng imoralidad. Sila ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
“Ito ang Daan”
Kung minsan, mahirap makita kung saan patungo ang landas na ating tinatahak. Kaya laking pasasalamat natin dahil nagmamalasakit sa atin ang Diyos at binibigyan niya tayo ng malinaw na direksiyon! “Ito ang daan,” ang sabi ni Jehova, “lakaran ninyo ito.” (Isaias 30:21) Saan patungo ang daan na itinuturo sa atin ni Jehova? Bagaman makipot at mahirap ang daan, sinabi ni Jesus na buhay na walang hanggan ang nasa dulo nito.—Mateo 7:14.
Pag-isipan sandali ang landas na tinatahak mo. Nasa tamang landas ka ba? Saan ito patungo? Manalangin kay Jehova at hingin ang kaniyang patnubay. Kumonsulta sa ‘mapa ng daan,’ ang Bibliya. Baka kailangan mo ring humingi ng tulong sa isang makaranasang manlalakbay, isa na matagal nang tumatahak sa daan ng Diyos. At kung makita mong kailangang magbago ng landas, gawin mo ito kaagad.
Natutuwa ang isang manlalakbay kapag nakakakita siya ng karatulang tumitiyak sa kaniya na siya ay nasa tamang daan. Kung isinisiwalat ng pagsusuri sa iyong landasin sa buhay na lumalakad ka sa matuwid na landas, ituloy mo lang. Malapit na ang pinakakasiya-siyang bahagi ng iyong paglalakbay.—2 Pedro 3:13.
Bawat landas ay may patutunguhan. Saan ka kaya aakayin ng landas na pinili mo? Tandaan, laging nasa huli ang pagsisisi. Kaya bago mo tuluyang tahakin ang landas sa buhay na pinili mo, tanungin muna ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang magiging “huling wakas” nito?’
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 10]
Ano ang Magiging “Huling Wakas”?
Ang mga kabataan ay karaniwan nang nahahantad sa mga tukso at panggigipit na gawin ang mga bagay na ginagawa ng marami. Narito ang ilang posibleng situwasyon.
◼ Hinahamon ka ng mga kaklase mo na manigarilyo.
◼ Inuudyukan ka ng iyong guro na kumuha ng mataas na edukasyon sa isang unibersidad, at maganda naman ang intensiyon niya.
◼ Inaanyayahan ka sa isang parti, kung saan maraming inuming de-alkohol at marahil, droga.
◼ “Bakit hindi mo ilagay ang profile mo sa Internet?” ang mungkahi sa iyo.
◼ Niyayaya ka ng kaibigan mo na manood ng pelikulang nagtatampok ng karahasan o imoralidad.
Kung mapaharap ka sa alinman sa nabanggit na mga situwasyon, ano ang gagawin mo? Bibigay ka ba, o pag-iisipan mong mabuti ang maaaring maging “huling wakas” o kahihinatnan nito? Isang katalinuhan na tanungin ang iyong sarili: “Makapagtutumpok ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang dibdib at hindi rin masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan? O makalalakad ba ang isang tao sa ibabaw ng mga baga at hindi mapapaso ang kaniyang mga paa?”—Kawikaan 6:27, 28.