Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Bumuo Siya ng “mga Palagay sa Kaniyang Puso”
NANGANGALAY na si Maria sa kaniyang pagkakaupo dahil ilang oras na siyang nakasakay sa isang asno. Sa unahan, patuloy naman sa paglakad si Jose habang inaakay niya ang asno patungo sa Betlehem. Malayu-layo pa rin ang lalakbayin nila. Muli na namang nararamdaman ni Maria ang pagsipa ng sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Kabuwanan na ni Maria; inilarawan siya ng Bibliya noong panahong iyon na “kagampan” na. (Lucas 2:5) Habang dumaraan ang mag-asawa sa mga bukirin, malamang na ang ilan sa mga magsasakang nag-aararo o nagtatanim ay napapatingin at nagtataka kung bakit naglalakbay ang isang babaing malapit nang manganak. Bakit kinailangang maglakbay ni Maria mula sa kaniyang tahanan sa Nazaret?
Nagsimula ito nang bigyan ng natatanging atas ang dalagang Judio na ito mga ilang buwan na ang nakalilipas. Ipanganganak niya ang sanggol na sa dakong huli ay magiging Mesiyas, ang Anak ng Diyos! (Lucas 1:35) Nang malapit na siyang manganak, kinailangan niyang maglakbay. Sa paglalakbay na ito, nasubok nang ilang beses ang pananampalataya ni Maria. Tingnan natin kung paano niya napanatiling matibay ang kaniyang pananampalataya.
Paglalakbay Patungong Betlehem
Hindi lamang sina Jose at Maria ang naglalakbay. Kamakailan lang, nag-utos si Cesar Augusto na ang lahat ng kaniyang nasasakupan ay dapat umuwi sa kanilang sariling bayan upang magparehistro. Paano tumugon si Jose? Ganito ang sinasabi ng ulat: “Sabihin pa, si Jose rin ay umahon mula sa Galilea, mula sa lunsod ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Betlehem, dahil sa kaniyang pagiging miyembro ng sambahayan at pamilya ni David.”—Lucas 2:1-4.
Ang pag-uutos ni Cesar nang panahong iyon ay hindi nagkataon lamang. Mga 700 taon bago nito, inihula na ang Mesiyas ay ipanganganak sa Betlehem. Nagkataong may bayan nga na tinatawag na Betlehem, na 11 kilometro lamang mula sa Nazaret. Pero espesipikong tinukoy sa hula na sa “Betlehem Eprata” ipanganganak ang Mesiyas. (Mikas 5:2) Sa ngayon, mga 150 kilometro ng maburol na lansangan ang layo ng Nazaret sa maliit na nayong iyon sa timog. Ito ang Betlehem kung saan pinauuwi si Jose dahil ito ang tahanan ng pamilya ni Haring David—ang pamilyang pinagmulan ni Jose at ng kaniyang asawa.
Susuportahan kaya ni Maria ang pasiya ni Jose lalo na kung magiging mahirap para sa kaniya ang paglalakbay na iyon? Malamang na kasisimula pa lamang ng taglagas nang taóng iyon, kaya posibleng may manaka-nakang pag-ulan habang papatapos na ang tag-araw. Bukod diyan, angkop ang mga salitang, “umahon mula sa Galilea,” dahil mahigit 760 metro ang taas ng kinaroroonan ng Betlehem—napakataas nga at nakapapagod ang huling bahaging ito ng paglalakbay na sa kabuuan ay tumagal nang maraming araw. Dahil sa kalagayan ni Maria, malimit na kailangan nilang magpahinga, kaya malamang na mas matagal ang naging paglalakbay nila. Kapag malapit nang manganak ang isang babae, malamang na mas gusto niyang nasa bahay na lamang kapiling ang pamilya at mga kaibigan na handang tumulong sa kaniya kapag
nagsimula na ang hapdi ng panganganak. Tiyak na kailangan ni Maria ng lakas ng loob para maglakbay.Magkagayunman, isinulat ni Lucas na umalis si Jose “upang magparehistrong kasama ni Maria.” Binanggit din niya na si Maria ay “ibinigay [kay Jose] upang mapangasawa gaya ng ipinangako.” (Lucas 2:4, 5) Dahil asawa na siya ngayon ni Jose, isinasaalang-alang na ni Maria si Jose sa kaniyang mga desisyon. Para kay Maria, ang asawa niya ang kaniyang ulo pagdating sa espirituwal na mga bagay, anupat ginaganap ni Maria ang kaniyang bigay-Diyos na papel bilang kapupunan sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga desisyon ni Jose. a Dahil sa pagiging masunurin, napagtagumpayan niya ang posibleng hamong ito sa kaniyang pananampalataya.
Ano pa ang nag-udyok kay Maria na sumunod? Alam kaya niya ang hula na sa Betlehem ipanganganak ang Mesiyas? Walang sinasabi ang Bibliya. Pero posible ring alam niya ang tungkol dito dahil lumilitaw na pamilyar dito ang relihiyosong mga lider at maging ang karamihan ng tao noon. (Mateo 2:1-7; Juan 7:40-42) Kung kaalaman naman sa Kasulatan ang pag-uusapan, tiyak na may alam dito si Maria. (Lucas 1:46-55) Anuman ang dahilan kung bakit sumama si Maria sa paglalakbay—ito man ay dahil sa pagsunod sa kaniyang asawa, sa utos ng gobyerno, o sa pagtupad sa hula mismo ni Jehova—nagpakita siya ng napakahusay na halimbawa. Lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang mga taong mapagpakumbaba at masunurin. Sa panahon natin kung kailan ang pagsunod ay madalas na waring ipinagwawalang-bahala, ang halimbawa ni Maria ay nagsisilbing inspirasyon sa tapat na mga tao sa lahat ng dako.
Kapanganakan ni Kristo
Tiyak na laking ginhawa ni Maria nang matanaw na niya ang Betlehem. Habang umaakyat sa mga burol at dumaraan sa mga taniman ng olibo—ang huli sa mga inaaning pananim—maaaring naisip nina Maria at Jose ang kasaysayan ng maliit na nayong ito. Isa itong napakaliit na nayon para mapabilang sa lunsod ng Juda, gaya ng sinabi ng propetang si Mikas; pero dito ipinanganak sina Boaz, Noemi, at si David nang dakong huli, mahigit isang libong taon na ang nakararaan.
Napakarami nang tao pagdating nina Maria at Jose sa nayon. Mas maagang dumating ang iba para magparehistro, kaya wala nang matuluyan sina Jose at Maria. b Wala silang nagawa kundi ang magpalipas ng gabi sa isang kuwadra. Isip-isipin na lamang ang pagkabahala ni Jose habang nakikita ang kaniyang asawa na hirap na hirap dahil sa tumitinding kirot na noon lamang nito naranasan. Sa dinami-dami ng lugar, doon pa siya inabutan ng mga hapdi ng panganganak.
Ang kababaihan sa lahat ng dako ay makadarama ng empatiya kay Maria. Mga 4,000 taon bago nito, inihula ni Jehova na lahat ng kababaihan ay daranas ng hapdi ng panganganak dahil sa minanang kasalanan. (Genesis 3:16) Tiyak na naranasan din ito ni Maria. Hindi espesipikong inilarawan ni Lucas ang sakit na naramdaman ni Maria, sinabi lamang niya: “Isinilang niya ang kaniyang anak na lalaki, ang panganay.” (Lucas 2:7) Oo, ipinanganak ang kaniyang “panganay” —ang una sa humigit-kumulang pitong anak ni Maria. (Marcos 6:3) Subalit iba ito sa lahat. Hindi lamang siya ang panganay ni Maria kundi siya rin ang mismong “panganay sa lahat ng nilalang” ni Jehova—ang bugtong na Anak ng Diyos!—Colosas 1:15.
Sa puntong ito, idinagdag pa ng ulat ang isang pamilyar na detalye: “Binalot niya ito ng mga telang pamigkis at inihiga ito sa isang sabsaban.” (Lucas 2:7) Ang tagpong ito ay ginawang labis at di-makatotohanan ng mga belen at ng ipinintang mga larawan. Pero tingnan natin kung ano talaga ang nangyari. Sa isang sabsaban kumakain ang mga inaalagaang hayop sa bukid. Kaya ang pamilya ay nanuluyan sa isang kuwadra, na isang maruming lugar. Tiyak na walang magulang ang gustong manganak sa kuwadra maliban na lamang kung walang mapagpipilian. Nais ng lahat ng magulang na ilaan ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Lalong higit na gugustuhin nina Maria at Jose na ilaan ang pinakamabuti para sa Anak ng Diyos!
Gayunman, hindi sila naghinanakit; sa halip, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya sa gayong kalagayan. Halimbawa, pansinin na si Maria mismo ang nag-alaga sa sanggol, binalot niya ito nang maayos sa mga telang pamigkis, pagkatapos ay dahan-dahan niya itong inilagay sa sabsaban para makatulog, at tiniyak na ligtas at komportable ito. Inilaan ni Maria ang pinakamabuti at hindi niya hinayaan na magambala siya ng kabalisahan. Alam nina Maria at Jose na ang pinakamahalagang bagay na magagawa nila sa sanggol na ito ay maturuan siya hinggil kay Jehova. (Deuteronomio 6:6-8) Sa ngayon, iyan din ang tunguhin ng matatalinong magulang habang pinalalaki nila ang kanilang mga anak sa mundong ito na walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.
Isang Nakapagpapatibay na Pagdalaw
Sa katahimikan ng gabi, biglang nagdatingan ang mga pastol sa loob ng kuwadra. Gusto nilang makita ang pamilya, lalo na ang sanggol. Sabik na sabik at masayang-masaya ang mga lalaking ito. Nagmadali silang umalis sa gilid ng burol kung saan sila naninirahan kasama ng kanilang kawan. c Sinabi nila sa nagtatakang mga magulang ang tungkol sa kanilang kamangha-manghang karanasan. Nang kalagitnaan ng gabi sa gilid ng burol, isang anghel ang biglang lumitaw sa harapan nila. Suminag ang kaluwalhatian ni Jehova sa buong palibot. At sinabi ng anghel sa kanila na ang Kristo, o Mesiyas, ay ipinanganak na sa Betlehem; makikita nila ang sanggol na nakahiga sa sabsaban at nakabalot ng mga telang pamigkis. Pagkatapos, kagila-gilalas pa ang kanilang nakita—isang malakas na koro ng mga anghel ang lumitaw na umaawit sa kaluwalhatian ni Jehova!
Kaya hindi nakapagtataka na ang mapagpakumbabang mga taong ito ay nagmadaling pumunta sa Betlehem! Sabik na sabik silang makita ang bagong-silang na sanggol na nakahiga sa sabsaban gaya ng inilarawan ng anghel. Sinabi nila ang mabuting balitang ito sa iba. “Ipinaalam nila ang pananalita . . . At ang lahat ng nakarinig ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol.” (Lucas 2:17, 18) Noong panahong iyon, mababa ang tingin ng mga relihiyosong lider sa mga pastol. Gayunman, maliwanag na pinahahalagahan ni Jehova ang mapagpakumbaba at tapat na mga taong ito. Pero ano ang naging epekto kay Maria ng pagdalaw na ito?
Tiyak na hinang-hina pa si Maria dahil sa panganganak, pero nakinig pa rin siyang mabuti. At hindi lamang iyan: “Pinasimulang ingatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na bumubuo ng mga palagay sa kaniyang puso.” (Lucas 2:19) Talagang palaisip ang babaing ito. Alam niyang napakahalaga ng mensaheng ito mula sa mga anghel. Gusto ng kaniyang Diyos, si Jehova, na malaman at maunawaan ni Maria kung bakit mahalaga ang kaniyang anak at kung sino talaga ito. Kaya hindi lamang siya nakinig, isinapuso rin niya ang mga salita para mabulay-bulay niya ang mga ito nang paulit-ulit buwan o taon man ang lumipas. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit matibay ang pananampalataya ni Maria sa buong buhay niya.
2 Timoteo 3:16) Kaya tulad ni Maria, kailangan nating isapuso ang mga katotohanan tungkol sa Diyos at palalimin ang unawa natin dito. Kapag binubulay-bulay natin ang mga nababasa natin sa Bibliya, at pinag-iisipang mabuti kung paano lubusang maikakapit ang payo ni Jehova, pinalalakas natin ang ating pananampalataya.
Tutularan mo ba ang halimbawa ni Maria? Ang mga Salita ni Jehova ay punung-puno ng mahahalagang katotohanan. Gayunman, matutulungan lamang tayo ng mga katotohanang ito kung magbibigay-pansin muna tayo sa mga ito. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Bibliya—na itinuturing itong kinasihang Salita ng Diyos at hindi lamang basta produkto ng panitikan. (Iba Pang Pananalitang Iingatan ni Maria
Sa ikawalong araw ng sanggol, ipinatuli siya nina Jose at Maria gaya ng hinihiling ng Kautusang Mosaiko, at gaya ng itinagubilin, Jesus ang ipinangalan dito. (Lucas 1:31) At noong ika-40 araw, dinala nila siya mula sa Betlehem patungo sa templo sa Jerusalem, na ilang kilometro ang layo, at nagdala sila ng handog para sa pagdadalisay ayon sa ipinahihintulot ng Kautusan para sa mahihirap—dalawang batu-bato o dalawang kalapati. Kung nahihiya man sila dahil hindi sila makapaghandog ng barakong tupa at isang batu-bato gaya ng ibang mga magulang, hindi nila ito inalintana. Sa paanuman, nakatanggap sila ng higit na pampatibay-loob habang naroroon sila.—Lucas 2:21-24.
Isang matandang lalaki na nagngangalang Simeon ang lumapit sa kanila at nagbigay kay Maria ng iba pang pananalita na iingatan ni Maria sa kaniyang puso. Ipinangako kay Simeon na makikita muna niya ang Mesiyas bago siya mamatay, at ipinahiwatig sa kaniya ng banal na espiritu ni Jehova na ang batang si Jesus ang inihulang Tagapagligtas. Sinabi rin ni Simeon kay Maria na magbabata ito ng kirot balang araw na para bang isang tabak ang tatagos sa kaniyang katawan. (Lucas 2:25-35) Ang pananalitang ito ay malamang na nakatulong kay Maria na makapagbata nang dumating ang mahirap na kalagayang iyon makalipas ang mahigit tatlong dekada. Pagkatapos ni Simeon, nakita si Jesus ng isang propetisang nagngangalang Ana at sinimulan niyang sabihin sa lahat ng umaasam sa katubusan ng Jerusalem ang tungkol sa bata.—Lucas 2:36-38.
Talagang isang mahusay na pasiya ang ginawa nina Jose at Maria sa pagdadala ng kanilang sanggol sa templo ni Jehova sa Jerusalem! Ang pangyayaring ito ang pasimula ng panghabang-buhay at regular na pagpunta ng kanilang anak sa templo ni Jehova. Habang naroroon sila, ginawa nila ang kanilang buong makakaya para maglingkod sa Diyos, at tumanggap sila ng mga tagubilin at pampatibay-loob. Tiyak na napatibay ang pananampalataya ni Maria bago siya umalis sa templo nang araw na iyon. Punung-puno ang kaniyang puso ng mahahalagang katotohanan na mabubulay-bulay niya at maibabahagi sa iba.
Kay gandang makita na tinutularan ng mga magulang sa ngayon ang halimbawang ito. Sa mga Saksi ni Jehova, isinasama ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga Kristiyanong pagpupulong. Ginagawa ng gayong mga magulang ang buo nilang makakaya, anupat nagbibigay ng pampatibay-loob sa kanilang mga kapananampalataya. Kaya umuuwi sila mula sa mga Kristiyanong pagpupulong na mas napatibay, mas masaya, at nag-uumapaw sa mabubuting bagay na maibabahagi sa iba. Malugod kang inaanyayahan na makilala sila. Kung gagawin mo ito, makikita mo na lalong titibay ang iyong pananampalataya katulad ng kay Maria.
[Mga talababa]
a Pansinin ang pagkakaiba ng talatang ito at ng paglalarawan hinggil sa isang naunang paglalakbay: ‘Bumangon si Maria at pumaroon’ upang dalawin si Elisabet. (Lucas 1:39) Noong panahong iyon, maaaring hindi nagpapaalam si Maria kay Jose sa mga bagay na kaniyang gagawin dahil hindi pa naman sila kasal. Pero nang makasal na sila, si Jose na, at hindi si Maria, ang tinukoy na nagpasiya sa ginawa nilang paglalakbay.
b Kaugalian noon sa mga nayon na maglaan ng matutuluyan sa mga manlalakbay.
c Noong panahong iyon, nasa labas ang mga pastol kasama ng kanilang kawan. Pinatutunayan nito ang isinasaad ng kronolohiya ng Bibliya: Ang kapanganakan ni Kristo ay hindi pumapatak ng Disyembre kung kailan nakasilong ang mga kawan malapit sa bahay. Sa halip, pumapatak ito sa maagang bahagi ng Oktubre.
[Larawan sa pahina 25]
Pinagpala si Simeon na makita ang inihulang Tagapagligtas