Tanong ng mga Mambabasa
Kung Sakdal si Adan, Bakit Siya Nagkasala?
Naging posible para kay Adan na magkasala dahil nilalang siya ng Diyos na may kalayaang magpasiya. Ang regalong ito ay hindi naman salungat sa katotohanan na sakdal si Adan. Sa katunayan, ang Diyos lamang ang sakdal sa ganap na diwa. (Deuteronomio 32:3, 4; Awit 18:30; Marcos 10:18) Limitado ang kasakdalan ng isang tao o ng isang bagay. At nagiging sakdal lamang ang isang bagay depende sa layunin nito.
Kung gayon, sa anong layunin nilalang ng Diyos si Adan? Layunin ng Diyos na sa pamamagitan ni Adan, magkaroon ng isang lahi ng matatalinong tao na may kalayaang magpasiya. Kung nais ng mga tao na malinang ang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga daan, maipakikita nila ito sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos. Samakatuwid, ang pagiging masunurin ng isa ay hindi nakaprograma sa kaisipan ng tao kundi magmumula ito sa puso. (Deuteronomio 10:12, 13; 30:19, 20) Kaya kung walang kakayahan si Adan na sumuway, nangangahulugan itong may kulang sa kaniya—hindi siya sakdal. Paano ba ginamit ni Adan ang kaniyang kalayaang magpasiya? Ipinakikita sa ulat ng Bibliya na tinularan niya ang kaniyang asawa at sinuway ang utos ng Diyos may kinalaman sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 2:17; 3:1-6.
Kung gayon, nilalang ba ng Diyos si Adan na may kahinaan sa moral anupat wala siyang kakayahang magpasiya nang tama o labanan ang tukso? Bago pa sumuway si Adan, sinuri na ng Diyos na Jehova ang lahat ng kaniyang nilalang sa lupa, kasama na ang unang mag-asawa, at nakita niyang ito ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Kaya nang magkasala si Adan, hindi ito nangangahulugan na may depekto sa pagkakalalang sa kaniya, kundi si Adan mismo ang dapat sisihin. (Genesis 3:17-19) Si Adan ay walang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa matuwid na mga simulain kaya hindi siya naudyukan na sundin ang Diyos nang higit sa lahat.
Pansinin din noong nasa lupa si Jesus, sakdal siya gaya ni Adan. Pero di-tulad ng mga inapo ni Adan, ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu kaya may kakayahan siyang labanan ang anumang tukso. (Lucas 1:30, 31; 2:21; 3:23, 38) Si Jesus ay nagpasiyang manatiling tapat sa kaniyang Ama sa kabila ng pinakamatitinding pagsubok. Ginamit naman ni Adan ang kaniyang kalayaang magpasiya at sinuway ang utos ni Jehova, kaya siya mismo ang may pananagutan sa ginawa niyang iyon.
Pero bakit pinili ni Adan na sumuway sa Diyos? Naniniwala ba siya na mapabubuti niya sa paanuman ang kaniyang kalagayan? Hindi, dahil isinulat ni apostol Pablo na “si Adan ay hindi nalinlang.” (1 Timoteo 2:14) Gayunman, pumayag si Adan sa kagustuhan ng kaniyang asawa, na mas piniling kumain mula sa ipinagbabawal na puno. Mas gusto ni Adan na paluguran ang kaniyang asawa kaysa sumunod sa kaniyang Maylalang. Kaya nang alukin siya ng ipinagbabawal na bunga, dapat sana’y pinag-isipan muna ni Adan kung ano ang magiging epekto ng kaniyang pagsuway sa kaugnayan niya sa Diyos. Dahil wala siyang masidhi at di-nagmamaliw na pag-ibig sa Diyos, madaling nadaig si Adan ng pagsubok, pati na ng panggigipit ng kaniyang asawa.
Nagkasala si Adan bago pa siya naging ama, kaya lahat ng kaniyang inapo ay ipinanganak na di-sakdal. Pero tulad ni Adan, mayroon din tayong kalayaang magpasiya. Nawa’y bulay-bulayin natin at pahalagahan ang kabutihan ni Jehova at patibayin ang ating pag-ibig sa Diyos, na karapat-dapat nating sundin at sambahin.—Awit 63:6; Mateo 22:36, 37.