Sino ang Makaaalam ng Mangyayari sa Hinaharap?
Sino ang Makaaalam ng Mangyayari sa Hinaharap?
“Ako ang Makapangyarihan . . . , ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.”—Isaias 46:9, 10.
SA MALIGALIG na panahong ito, pinag-aaralan ng mga analista sa pulitika, pananalapi, at lipunan ang nakaraan at kasalukuyang mga kalagayan upang alamin ang mangyayari sa hinaharap. Desperado naman ang iba na malaman kung ano ang magiging kinabukasan nila kaya naghahanap sila ng sagot sa pamamagitan ng astrolohiya o espiritismo. Pero madalas lamang silang nadidismaya sa resulta. Talaga nga kayang imposibleng malaman ang mangyayari sa daigdig na ito, sa ating pamilya, at sa atin bilang mga indibiduwal? Mayroon nga kaya talagang makaaalam ng mangyayari sa hinaharap?
Sa mga salita ni Jehova kay propeta Isaias, na sinipi sa itaas, inilarawan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniya mismong kakayahan na patiunang sabihin ang mangyayari sa hinaharap. Sa pamamagitan ni Isaias, inihula ng Diyos na palalayain ang sinaunang Israel mula sa pagkabihag sa Babilonya at babalik sila sa Jerusalem upang itayong muli ang lunsod at ang templo. Gaano katumpak ang hulang ito? Mga 200 taon patiuna, wastong pinanganlan ni Isaias ang lulupig sa Babilonya, si Ciro. Bukod diyan, may kawastuang inilarawan ni Isaias ang magiging estratehiya ni Ciro—ang paglilihis sa tubig ng Ilog Eufrates, na siyang nagsasanggalang sa lunsod. Inihula pa nga niyang madaratnan ni Ciro na naiwang bukás ang napakalaking pinto na may dalawang pohas sa pader ng lunsod, kung kaya madaling makakamit ni Ciro ang tagumpay.—Isaias 44:24–45:7.
Kung ihahambing sa Diyos, walang kapangyarihan ang tao na alamin ang hinaharap. “Huwag mong ipaghambog ang susunod na araw,” ang isinulat ng matalinong haring si Solomon, “sapagkat hindi mo nalalaman kung ano ang isisilang ng isang araw.” (Kawikaan 27:1) Totoo pa rin iyan hanggang sa ngayon. Walang sinuman ang may kakayahan na patiunang alamin maging ang sarili niyang kinabukasan pero magagawa iyon ng Diyos. Bakit? Lubusan niyang nauunawaan ang lahat ng kaniyang nilalang, pati na ang mga katangian at tendensiya ng tao. Kung gugustuhin ng Diyos, kaya niyang alamin nang patiuna kung ano ang eksaktong gagawin ng mga indibiduwal at mga bansa. Karagdagan pa, kayang-kaya niyang kontrolin ang kahihinatnan ng mga pangyayari. Kapag may inihula siya sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, siya ay nagiging “ang Isa na nagpapangyaring magkatotoo ang salita ng kaniyang lingkod, at ang Isa na lubusang tumutupad sa panukala ng kaniyang mga mensahero.” (Isaias 44:26) Tanging ang Diyos na Jehova lamang ang makagagawa nito.
Nabuhay si Isaias mahigit 700 taon bago ipanganak si Jesus, ang Mesiyas. Pero inihula ni Isaias ang hinggil sa pagdating ng Mesiyas. Gayunman, lalo na mula noong ika-18 siglo patuloy, binabatikos ng mga kritiko ng Bibliya ang pagiging totoo ng aklat ng Isaias. Inaangkin nila na ang mga hula ni Isaias ay hindi talaga mga hula kundi isinulat lamang ng isang manunulat ang mga pangyayari matapos itong maganap. Totoo ba ito? Noong 1947, isang kopya ng aklat ng Isaias, kasama ng iba pang balumbon, ang natuklasan sa isang kuweba malapit sa Dagat na Patay. Ayon sa pag-aaral ng mga iskolar, ang kopyang ito ay ginawa mahigit isang daang taon bago
ipanganak ang inihulang Mesiyas, o Kristo. Oo, patiunang sinabi ng Bibliya ang mangyayari!Hindi kayang ihula ni Isaias at ng iba pang mga manunulat ng Bibliya ang mangyayari sa hinaharap kung sa sarili lamang nilang karunungan. Sa halip, sila ay “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (1 Pedro 1:21) Sa susunod na mga artikulo, pagtutuunan natin ng pansin ang ilang detalye sa buhay ni Jesus na inihula sa pamamagitan ni Isaias. Pagkatapos, tatalakayin natin ang mga pangyayaring inihula ni Jesus at ng kaniyang mga alagad na magaganap sa ating panahon at sa hinaharap.