Tanong ng mga Mambabasa
Naniniwala ba ang mga Saksi ni Jehova na Sila Lamang ang Maliligtas?
Iniisip ng mga Saksi ni Jehova na nasumpungan na nila ang tunay na relihiyon. Dahil kung hindi, babaguhin nila ang kanilang paniniwala. Gaya ng mga mananampalataya ng maraming relihiyon, umaasa ang mga Saksi ni Jehova na maliligtas sila. Pero naniniwala rin sila na hindi sila ang hahatol kung sino ang maliligtas. Ang Diyos lamang ang Hukom. Siya ang magpapasiya.—Isaias 33:22.
Ipinakikita ng Salita ng Diyos na kung nais ng isa na maligtas, kailangan niyang sumunod sa Tagapagligtas, sa halip na basta gustuhin lamang niyang maligtas. Bilang paglalarawan: Ipagpalagay na naligaw sa ilang ang isang manlalakbay. Gustung-gusto niyang makaalis sa lugar na iyon. Mamamatay kaya siya, o mabubuhay? Depende ito kung paano siya tutugon kapag tinulungan siya. Dahil sa pagmamapuri, baka tanggihan niya ang tulong ng isang tagapagligtas. Sa kabilang banda, maaari naman niyang mapagpakumbabang tanggapin ang tulong at maligtas.
Sa katulad na paraan, ang kaligtasan ay para sa mga taong sumusunod sa Tagapagligtas ng sangkatauhan, ang Diyos na Jehova. Kaloob mula sa Diyos ang kaligtasan, pero hindi lahat ng tao ay magkakamit nito. Ganito ang sinabi ni Jesus na Anak ng Diyos: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”—Mateo 7:21.
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ililigtas lamang ng Diyos ang mga nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus at maingat na sumusunod sa mga turo ni Jesus. (Gawa 4:10-12) Isaalang-alang ang tatlong mahahalagang kahilingan para sa kaligtasan na binabanggit sa Salita ng Diyos.
(1) “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga kasama. (Juan 13:35) Ang mismong halimbawa ni Jesus ng pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa iba ay nagdiriin ng kahalagahan ng pag-ibig. Ang mga umiibig sa iba ay nagpapakita ng katangiang napakahalaga sa kaligtasan.
(2) “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan,” ang panalangin ni Jesus sa kaniyang Ama. (Juan 17:26) Alam ni Jesus kung gaano kahalaga sa kaniyang Ama ang personal na pangalan ng Diyos na Jehova. Idinalangin ni Jesus na “pakabanalin” ang pangalan ng kaniyang Ama. (Mateo 6:9) Kasama sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos ang malaman ang pangalang iyon at ituring itong mahalaga at banal. Tulad ni Jesus, kailangang gamitin ng mga naghahangad na maligtas ang pangalan ng Diyos. Kailangan din nilang ituro sa iba ang pangalan at mga katangian ng Diyos. (Mateo 28:19, 20) Sa katunayan, ang mga tumatawag lamang sa pangalan ng Diyos ang siyang maliligtas.—Roma 10:13.
(3) “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi ni Jesus kay Poncio Pilato. (Juan 18:36) Sa ngayon, kakaunti lamang ang nananampalataya sa Kaharian, o pamahalaan, ng Diyos kung saan si Jesus ang Hari. Sa halip, inilalagak nila ang kanilang tiwala sa mga institusyon ng tao. Sa kabaligtaran, ang mga makaliligtas ay may-katapatang sumusuporta sa Kaharian ng Diyos at nagtuturo sa iba kung paano nito palalayain ang buong tapat na sangkatauhan.—Mateo 4:17.
Matapos matutuhan ang ilang kahilingan para sa kaligtasan, nagtanong ang mga alagad ni Jesus: “Sino nga ba ang makaliligtas?” Sumagot si Jesus: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Lucas 18:18-30) Pinagsisikapang mabuti ng mga Saksi ni Jehova na abutin ang mga kahilingang ito para sa kaligtasan. Sinisikap din nilang tulungan ang iba na maligtas.