Sinisira ba ng mga Saksi ni Jehova ang Pagsasama ng Mag-asawa?
Sinisira ba ng mga Saksi ni Jehova ang Pagsasama ng Mag-asawa?
“MASISIRA ang pag-aasawa kung magbabago ng relihiyon ang isa.” Ganiyan ang sinasabi ng marami, lalo na sa isang asawa na nagpasiyang maging Saksi ni Jehova. Totoo ba ito?
Sabihin pa, maaaring hindi matanggap ng isa kapag ang kaniyang asawa ay nagsimulang magkainteres sa relihiyon o magbago ng kaniyang kinalakhang paniniwala. Maaari siyang mabahala, madismaya, at magalit pa nga.
Kadalasan nang ang asawang babae ang nagbabago ng relihiyon. Kung nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang iyong asawang babae, paano ito makaaapekto sa inyong pagsasama? Kung isa ka namang asawang babae na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ano ang maaari mong gawin para hindi mabahala ang iyong asawa?
Pangmalas ng Asawang Lalaki
Labindalawang taon nang kasal si Mark, na taga-Australia, nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang asawa. “Masaya ang buhay naming mag-asawa at maganda ang trabaho ko,” ang sabi ni Mark. “Maligaya ang buhay namin. Pero nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang asawa ko, pakiramdam ko’y magbabago na ang buhay ko. Oo, nag-alala ako nang magkainteres sa Bibliya ang asawa ko, pero nang sabihin niya sa akin na gusto na niyang magpabautismo bilang isang Saksi ni Jehova, lalo akong nabahala.”
Iniisip ni Mark na baka masira ang pagsasama nila dahil sa bagong relihiyon ng kaniyang asawa. Naisip niyang pigilan ang kaniyang asawa sa pag-aaral ng Bibliya at pagbawalan siyang makipag-usap sa mga Saksi. Pero sa halip na maging padalus-dalos, hinayaan ni Mark na lumipas ang ilang panahon. Ano ang nangyari sa kanilang pagsasama?
“Nakatutuwa,” ang sabi ni Mark, “naging mas matibay ang aming pagsasama. Lalo pa itong tumibay mula nang mabautismuhan ang aking asawa bilang isang Saksi ni Jehova 15 taon na ang nakararaan.” Bakit naging matagumpay ang kanilang pagsasama? “Ang natatandaan ko,” ang sabi ni Mark, “pangunahin nang dahil ito sa
sinusunod ng asawa ko ang mahuhusay na payo ng Bibliya. Lagi na niya akong iginagalang.”Payo Mula sa Matagumpay na mga Asawang Babae
Kung isa kang asawang babae na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ano ang puwede mong gawin at sabihin para hindi mabahala ang iyong asawa? Pansinin ang komento ng mga asawang babae mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sakiko, Hapon: “Tatlumpu’t isang taon na akong kasal at may tatlo akong anak. Naging Saksi ni Jehova ako 22 taon na ang nakalilipas. Hindi laging madali ang buhay dahil magkaiba kami ng relihiyon ng asawa ko. Pero sinisikap kong mabuti na sundin ang payo ng Bibliya na maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Sinisikap ko ring maging mabait sa kaniya at pagbigyan ang mga kagustuhan niya kung hindi naman ito salungat sa mga simulain ng Bibliya. Nakatulong ito para maging matagumpay ang aming pag-aasawa.”
Nadezhda, Russia: “Nag-asawa ako 28 taon na ang nakararaan, at 16 na taon na akong Saksi. Bago ako mag-aral ng Bibliya, hindi ko iniisip na dapat kong sundin ang asawa ko bilang ulo ng pamilya. Madalas na nagpapasiya akong mag-isa. Pero unti-unti kong nakita na ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay nakatutulong na maging mapayapa at maligaya ang aming pamilya. (1 Corinto 11:3) Unti-unting naging madali para sa akin na maging mapagpasakop, at napansin ng asawa ko ang mga pagbabagong ito sa akin.”
Marli, Brazil: “May dalawa akong anak at 21 taon na akong kasal. Nabautismuhan ako bilang isang Saksi 16 na taon na ang nakararaan. Natutuhan kong hindi gusto ng Diyos na Jehova na maghiwalay ang mga mag-asawa. Kaya sinisikap kong maging mabuting asawa, nagsasalita at kumikilos ako sa paraang nakalulugod kay Jehova at sa aking asawa.”
Larisa, Russia: “Nang maging Saksi ni Jehova ako mga 19 na taon na ang nakalilipas, napag-isip-isip kong napakahalagang gumawa ako ng mga pagbabago sa aking buhay. Napansin ng asawa ko na naging magandang impluwensiya sa akin ang Bibliya, anupat natulungan ako nito na lalo siyang pahalagahan. Noong una, nagtatalo kami kung paano palalakihin ang aming mga anak, pero naayos din naman namin iyon. Pinayagan ako ng asawa ko na isama ang aming mga anak sa ating mga pagpupulong dahil nakita niyang kapaki-pakinabang para sa mga bata ang natututuhan nila.”
Valquíria, Brazil: “May isa akong anak at 19 na taon na akong kasal. Naging Saksi ni Jehova ako 13 taon na ang nakararaan. Noong una, ayaw ng mister ko na mangaral ako sa madla. Pero natuto akong magpaliwanag sa kaniya nang mahinahon at tulungan siyang makita na may magandang epekto ang Bibliya sa aking personalidad. Unti-unting naunawaan ng mister ko kung gaano kahalaga para sa akin ang mangaral. Ngayon, lubos na niyang sinusuportahan ang aking espirituwal na mga gawain. Kapag magtuturo ako ng Bibliya sa malalayong lugar, inihahatid niya ako at matiyaga siyang naghihintay sa labas hanggang sa matapos ako.”
Napakalaking Tulong sa Pag-aasawa
Kung nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang asawa mo, huwag kang matakot na baka masira ang inyong pagsasama. Gaya nang nakita ng maraming lalaki at babae sa buong daigdig, ang Bibliya ay isang napakalaking tulong sa pag-aasawa.
Isang asawang lalaki na hindi Saksi ni Jehova ang umamin: “Noong una, nabahala ako nang maging Saksi ni Jehova ang asawa ko. Kahit nahirapan kami noon, nakikita ko ngayong sulit naman ang lahat ng iyon.” Ganito ang sinabi ng isa pang lalaki hinggil sa kaniyang asawa: “Dahil sa katapatan at determinasyon ng asawa ko, lubha akong humanga sa mga Saksi ni Jehova. Napakalaking tulong sa aming pagsasama ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Natutuhan naming pagbigyan ang isa’t isa at inisip naming magsasama kami habambuhay.”
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Ano ang Pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa Pag-aasawa?
Para sa mga Saksi ni Jehova, kinasihang Salita ng Diyos ang Bibliya. Kaya dinidibdib nila ang sinasabi nito hinggil sa pag-aasawa. Pansinin kung ano ang sagot ng Bibliya sa sumusunod na mga tanong:
▪ Hinihimok ba ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga miyembro na makipaghiwalay sa kanilang asawang hindi Saksi? Hindi. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niya itong iwan; at ang isang babae na may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niyang iwan ang kaniyang asawang lalaki.” (1 Corinto 7:12, 13) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos na ito.
▪ Hinihimok ba ang asawang babae na isang Saksi ni Jehova na ipagwalang-bahala ang mga kagustuhan ng kaniyang asawang hindi niya kapananampalataya? Hindi. Isinulat ni apostol Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.”—1 Pedro 3:1, 2.
▪ Itinuturo ba ng mga Saksi ni Jehova na lubus-lubusan ang awtoridad ng asawang lalaki? Hindi. Sinabi ni apostol Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Iginagalang ng Kristiyanong asawang babae ang kaniyang asawa bilang ulo ng pamilya. Pero hindi lubus-lubusan ang awtoridad ng asawang lalaki. Mananagot pa rin siya sa Diyos at kay Kristo. Kaya kung ang utos ng asawang lalaki ay labag sa batas ng Diyos, ‘susundin ng Kristiyanong asawang babae ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.’—Gawa 5:29.
▪ Itinuturo ba ng mga Saksi ni Jehova na bawal ang magdiborsiyo? Hindi. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid [seksuwal na imoralidad], at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mateo 19:9) Kaya nanghahawakan ang mga Saksi ni Jehova sa pangmalas ni Jesus na ang pangangalunya ay saligan para sa diborsiyo. Pero matibay rin ang paniniwala nila na hindi dapat maghiwalay ang mag-asawa dahil lamang sa maliliit na bagay. Hinihimok nila ang kanilang mga miyembro na sundin ang mga salita ni Jesus: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman. . . . Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:5, 6.