Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Isang Hukom na Laging Ginagawa Kung Ano ang Tama

Isang Hukom na Laging Ginagawa Kung Ano ang Tama

Genesis 18:22-32

MAKATARUNGAN. Makatuwiran. Walang pagtatangi. Hindi ka ba naaakit sa gayong magagandang katangian? Tayong mga tao ay may likas na pangangailangan na pakitunguhan nang makatuwiran. Nakalulungkot, napakaraming kawalang-katarungan ang nangyayari sa daigdig sa ngayon. Gayunman, may isang Hukom na karapat-dapat sa ating pagtitiwala​—ang Diyos na Jehova. Lagi niyang ginagawa kung ano ang tama. Ang puntong ito ay nilinaw sa naging pag-uusap ni Jehova at ni Abraham na nakaulat sa Genesis 18:22-32. *

Nang sabihin ni Jehova kay Abraham ang Kaniyang pasiya na siyasatin ang kalagayan sa Sodoma at Gomorra, nabahala si Abraham sa kaligtasan ng sinumang taong matuwid doon, kasama na ang kaniyang pamangking si Lot. Namanhik si Abraham kay Jehova: “Talaga bang lilipulin mo ang matuwid na kasama ng balakyot? Ipagpalagay nang may limampung tao na matuwid sa gitna ng lunsod. Kung gayon. . . hindi [mo ba] pagpapaumanhinan ang dako alang-alang sa limampung matuwid na nasa loob niyaon?” (Talata 23, 24) Sinabi ng Diyos na hindi niya wawasakin ang mga lunsod kung may 50 taong matuwid doon. Limang beses pang nakiusap si Abraham kay Jehova. Sa bawat pakiusap, paunti nang paunti ang bilang ng mga matuwid hanggang sa maging sampu na lamang. At sa bawat pagkakataon, sinabi ng Diyos na kung may taong matuwid sa mga lunsod, hindi niya iyon wawasakin.

Nakikipagdiskusyon ba si Abraham sa Diyos? Hinding-hindi! Isa ngang kayabangan kung gagawin niya ito. Makikita sa paraan ng pagsasalita ni Abraham ang wastong pagpipitagan at kapakumbabaan. Tinukoy pa nga niya ang kaniyang sarili bilang isang hamak na “alabok at abo.” Apat na beses niyang sinabi sa magalang na paraan ang salitang “pakisuyo.” (Talata 27, 30-32) Karagdagan pa, ang mga salita ni Abraham ay nagpakita na nagtitiwala siya sa pagiging makatuwiran ni Jehova. Hindi lamang minsan kundi makalawang ulit na sinabi ni Abraham na “malayong mangyari” na lipulin ng Diyos ang mga matuwid kasama ng mga balakyot. Ibinulalas ng tapat na patriyarka ang kaniyang pananalig na “yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa.”​—Talata 25.

Tama ba ang mga sinabi ni Abraham? Oo at hindi. Nagkamali siya nang sabihin niya na may di-kukulangin sa sampung matuwid sa Sodoma at Gomorra. Pero tama siya sa pagsasabi na hindi kailanman “lilipulin [ng Diyos] ang matuwid na kasama ng balakyot.” Nang wasakin ng Diyos noong maglaon ang balakyot na mga lunsod na iyon, nakatakas ang matuwid na si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae sa tulong ng isang anghel.​—2 Pedro 2:7-9.

Ano ang itinuturo sa atin tungkol kay Jehova ng ulat na ito? Nang sabihin ni Jehova kay Abraham ang Kaniyang intensiyon na siyasatin ang mga lunsod, para na ring sinabi ni Jehova na gusto niyang marinig ang saloobin ni Abraham. Pagkatapos ay nakinig siyang mabuti habang sinasabi ng kaniyang kaibigang si Abraham kung ano ang ikinababahala nito. (Isaias 41:8) Isang napakagandang aral ang itinuturo nito sa atin: Si Jehova ay isang mapagpakumbabang Diyos na hindi humahamak kundi nagbibigay-dangal sa kaniyang mga lingkod sa lupa! Maliwanag, makatuwiran lamang na lubusan tayong magtiwala kay Jehova, ang Hukom na laging ginagawa kung ano ang tama.

[Talababa]

^ par. 1 Sa pagkakataong iyon, isang anghel ang nagsalita bilang kinatawan ni Jehova. Para sa isa pang halimbawa, tingnan ang Genesis 16:7-11, 13.

[Larawan sa pahina 24]

Namanhik si Abraham kay Jehova tungkol sa Sodoma at Gomorra