May Pangalan ba ang Diyos?
May Pangalan ba ang Diyos?
Karaniwang sagot:
▪ “Panginoon ang pangalan niya.”
▪ “Wala siyang personal na pangalan.”
Ano ang sinabi ni Jesus?
▪ “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’” (Mateo 6:9) Naniniwala si Jesus na ang Diyos ay may pangalan.
▪ “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.” (Juan 17:26) Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos.
▪ “Hindi na ninyo ako makikita sa anumang paraan hanggang sa inyong sabihin, ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova.’” (Lucas 13:35; Awit 118:26) Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos.
SINASABI mismo sa atin ng Diyos ang kaniyang pangalan. Mababasa nating sinabi niya: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” * (Isaias 42:8) Sa wikang Tagalog, ang pangalang Jehova ang pinakakilalang anyo ng pangalang Hebreo na ibinigay mismo ng Diyos sa kaniyang sarili. Baka magulat ka kapag nalaman mo na ang natatanging pangalang ito sa wikang Hebreo ay lumilitaw nang libu-libong ulit sa sinaunang mga manuskrito ng Bibliya. Sa katunayan, mas madalas itong lumitaw kaysa sa anumang pangalang binabanggit sa Bibliya.
Kapag tinanong ang ilan, “Ano ba ang pangalan ng Diyos?” baka ang isagot nila ay “Panginoon.” Ang totoo, walang ipinagkaiba iyan kung ang sagot sa tanong na “Sino ang nanalo sa eleksiyon?” ay “ang kandidato.” Parehong hindi malinaw ang sagot yamang ang “Panginoon” at “kandidato” ay hindi mga pangalan.
Bakit isiniwalat sa atin ng Diyos ang kaniyang pangalan? Ginawa niya iyon para lalo natin siyang makilala. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring tawaging Sir, Boss, Itay, o Lolo, depende sa situwasyon. May isinisiwalat ang mga titulong ito hinggil sa kaniya. Pero ang personal na pangalan niya ang nagpapaalaala sa atin ng lahat ng bagay na alam natin tungkol sa kaniya. Gayundin naman, sa pamamagitan ng mga titulong gaya ng Panginoon, Makapangyarihan-sa-lahat, Ama, at Maylalang, naiisip natin ang iba’t ibang paraan kung paano kumikilos ang Diyos. Pero tanging ang personal niyang pangalang Jehova ang nagpapaalaala sa atin ng lahat ng bagay na nalalaman natin tungkol sa kaniya. Paano mo talaga makikilala ang Diyos kung hindi mo alam ang pangalan niya?
Mahalagang alam natin ang pangalan ng Diyos, pero dapat din nating gamitin ito. Bakit? Dahil sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Roma 10:13; Joel 2:32.
[Talababa]
^ par. 9 Para sa paliwanag sa kahulugan ng pangalan ng Diyos, pati na kung bakit wala ito sa ilang bersiyon ng Bibliya, maaari mong tingnan ang pahina 195-197 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 6]
Ang isang tao ay maaaring tawaging Sir, Boss, Itay, o Lolo, depende sa situwasyon. Pero ang personal na pangalan niya ang nagpapaalaala sa atin ng lahat ng bagay na nalalaman natin tungkol sa kaniya