Turuan ang Iyong mga Anak
Pinili ni Josias na Gawin ang Tama
SA PALAGAY mo, mahirap bang gawin ang tama? *— Kung oo ang sagot mo, marami ang sasang-ayon sa iyo. Kahit ang mga adulto ay nahihirapang gawin ang nalalaman nilang tama. Tingnan natin kung bakit lalo nang mahirap para kay Josias na gumawa ng tamang mga pasiya. Kilala mo ba siya?—
Si Josias ay anak ni Amon, isang hari ng Juda, na 16 na taóng gulang lamang nang isilang si Josias. Napakasama ni Amon, gaya ng kaniyang ama, si Haring Manases. Sa katunayan, naging napakasamang tagapamahala ni Manases sa loob ng maraming taon. Pagkatapos, siya ay binihag ng mga Asiryano at ibinilanggo sa malayong Babilonya. Samantalang nasa bilangguan, nakiusap si Manases kay Jehova na patawarin siya, at pinatawad naman siya ni Jehova.
Nang mapalaya si Manases, bumalik siya sa Jerusalem at muling namahala roon bilang hari. Kaagad niyang itinuwid ang masasamang bagay na ginawa niya at tinulungan ang mga tao na maglingkod kay Jehova. Tiyak na ikinalungkot niya nang hindi sumunod sa kaniyang mabuting halimbawa ang kaniyang anak na si Amon. Nang mga panahong ito isinilang si Josias. Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano katagal nakasama ni Manases ang kaniyang apo na si Josias. Pero sa tingin mo, sinikap kaya ni Manases na tulungan siyang maglingkod kay Jehova?—
Anim na taon lamang si Josias nang mamatay si Manases, at naging hari ang ama ni Josias na si Amon. Dalawang taon pa lamang namamahala si Amon nang patayin siya ng kaniya mismong mga lingkod. Kaya si Josias ay naging hari ng Juda sa edad na walong taon. (2 Cronica, kabanata 33) Ano sa palagay mo ang nangyari noon? Alin ang tinularan ni Josias—ang masamang halimbawa ng kaniyang amang si Amon o ang mabuting halimbawa ng kaniyang nagsising lolo na si Manases?—
Kahit na bata pa si Josias, gusto niyang paglingkuran si Jehova. Kaya nakinig siya sa mga umiibig kay Jehova, sa halip na sa mga naging kaibigan ng kaniyang ama. Walong taóng gulang lamang si Josias, pero alam niyang tama na makinig 2 Cronica 34:1, 2) Gusto mo bang makilala ang mga nagpayo kay Josias at naging mabubuting halimbawa para sa kaniya?—
sa mga taong umiibig sa Diyos. (Ang isa sa mga naging mabuting halimbawa para kay Josias ay si propeta Zefanias. Kamag-anak siya ni Josias dahil malamang na isa siyang inapo ng ama ni Manases, ang mabuting hari na si Hezekias. Noong bago pa lamang naghahari si Josias, isinulat ni Zefanias ang aklat ng Bibliya na tinatawag sa kaniyang pangalan. Nagbabala si Zefanias tungkol sa masasamang bagay na mangyayari sa mga hindi gumagawa ng tama, at maliwanag na nakinig si Josias sa mga babalang iyon.
Nariyan din si Jeremias, na maaaring narinig mo na noon. Sina Jeremias at Josias ay parehong kabataan at halos magkasama silang lumaki. Kinasihan ni Jehova si Jeremias na isulat ang aklat ng Bibliya na tinatawag sa kaniyang pangalan. Nang mamatay si Josias sa digmaan, kumatha si Jeremias ng isang espesyal na awit na tinatawag na isang panaghoy upang ipahayag ang kaniyang matinding kalungkutan. (2 Cronica 35:25) Tiyak ngang napatibay nila ang isa’t isa na manatiling tapat kay Jehova!
Ano sa palagay mo ang matututuhan mo sa pag-aaral tungkol kay Josias?— Gaya niya, kung ang tatay mo ay hindi naglilingkod kay Jehova, may makatutulong ba sa iyo para matuto ka tungkol sa Diyos? Marahil siya ang iyong nanay, lolo o lola, o ibang kamag-anak. Marahil isa na naglilingkod kay Jehova, isa na papayag ang nanay mo na magturo sa iyo ng Bibliya.
Sa paanuman, kahit na bata pa si Josias, may sapat na siyang gulang upang malaman na dapat siyang makipagkaibigan lamang sa mga taong naglilingkod kay Jehova. Gayundin sana ang gawin mo at piliin mong gawin ang tama!
^ par. 3 Kung binabasa mo ito sa isang bata, ang mga gatlang ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.