Natulungan ang mga Biktima ng Bagyo sa Myanmar
Natulungan ang mga Biktima ng Bagyo sa Myanmar
NOONG Mayo 2, 2008, humampas ang mapangwasak na Bagyong Nargis sa Myanmar at agad itong napabalita sa buong daigdig. Halos 140,000 katao ang iniulat na namatay o nawawala matapos manalanta ang malakas na bagyo sa rehiyon ng Irrawaddy Delta.
Kamangha-mangha, wala isa man sa maraming Saksi ni Jehova sa lugar na iyon ang nasaktan. Nakaligtas ang karamihan sa kanila dahil nanganlong sila sa mga Kingdom Hall na matibay ang pagkakatayo. Sa isang lugar, 20 Saksi at 80 iba pang taganayon ang naupo sa bubong ng Kingdom Hall sa loob ng siyam na oras nang tumaas ang tubig-baha nang limang metro. Nakaligtas silang lahat. Nakalulungkot, 300 iba pa sa nayong iyon ang namatay. Sa maraming nayon, ang Kingdom Hall lamang ang tanging gusali na naiwang nakatayo.
Dalawang araw pagkaraan ng bagyo, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Yangon ay nagpadala ng isang grupo na tutulong sa kongregasyon sa Bothingone, na nasa bukana ng ilog. Dumaan ang grupo sa mga lugar na malubhang nasalanta kung saan nagkalat ang nabubulok na mga bangkay, iniwasan din nila ang mga magnanakaw, hanggang sa marating nila ang Bothingone na may dalang maraming suplay ng bigas, noodles, tubig, at kandila. Sila ang kauna-unahang grupo na nakarating sa lugar na iyon para tumulong sa mga nasalanta. Pagkatapos maipamahagi ang mga suplay sa mga Saksi roon, ang grupo ay nagbigay ng mga pahayag sa Bibliya upang patibayin sila at nag-iwan sa kanila ng mga Bibliya at literatura sa Bibliya, yamang tinangay ng bagyo ang lahat ng kanilang gamit.
Talagang kahanga-hanga ang saloobin ng mga Saksing nasalanta ng bagyo. Ganito ang sinabi ng isang Saksi mula sa isang kongregasyon sa rehiyon ng Irrawaddy na lubhang nasalanta: “Wala na ang lahat ng
pag-aari namin. Nasira ang lahat ng bahay at pananim namin. Walang malinis na tubig na maiinom dahil sa baha. Gayunman, ang mga kapatid ay hindi nag-aalala na gaya ng iba. Nagtitiwala sila kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Susundin namin ang anumang tagubilin sa amin kung kami ba ay mananatili sa nayon o pupunta sa ibang lugar.”Isang grupo ng 30 Saksi, na nawalan din ng lahat ng kanilang pag-aari, ang masayang nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian sa kanilang sampung-oras na paglalakbay patungo sa lugar kung saan maaari silang tumira pansamantala at naroon ang grupo na may dalang pagkain at damit. Bago makarating doon, nabalitaan nilang may idinaraos na pansirkitong asamblea ang mga Saksi ni Jehova sa kalapit na bayan. Nagpasiya silang dumalo muna sa asamblea para tumanggap ng pampatibay-loob mula sa Bibliya at makinabang sa pagsasamahang Kristiyano.
Sa lahat ng lugar na tinamaan ng bagyo, 35 bahay ng mga Saksi ang nasira, 125 bahay at 8 Kingdom Hall ang bahagyang nasira. Mabuti na lamang at hindi gaanong naapektuhan ang mga gusali ng sangay.
Noong una, walang makalabas o makapasok sa tanggapang pansangay kasi naghambalang sa kalapit na mga daan ang bumagsak na malalaking puno. Mga ilang oras lamang pagkahupa ng bagyo, mahigit 30 nagtatrabaho sa tanggapang pansangay ang tumulong upang alisin ang mga puno nang manu-mano. Habang gumagawa sila, hangang-hanga ang mga taong nagmamasid sa kanila. Hindi pa natatagalan, nagdatingan naman ang isang grupo ng kababaihang Saksi na may dalang malamig na inumin at sariwang mga prutas para sa mga manggagawa at sa mga kapitbahay na hindi makapaniwala sa kanilang nakikita. Nang makita ng isang peryodista ang nangyayari, nagtanong siya, “Sino ang mga taong ito na napakahusay magtrabaho?” Nang malaman niya kung sino ang mga ito, sinabi niya, “Sana’y mas maraming tao pa ang maging matulungin sa kapuwa na gaya ng mga Saksi ni Jehova!”
Agad na nakapagtatag ang mga Saksi ng dalawang komite sa magkahiwalay na bahagi ng bansa para pangasiwaan ang mga grupo na magdadala ng mga suplay sa lahat ng nasalanta. Ang mga grupo ay binubuo ng daan-daang boluntaryo. Sa loob lamang ng ilang araw, nakapagtayo sila ng mga bahay para sa mga Saksi na nawalan ng bahay. Nang dumating ang isa sa mga grupo upang itayo ang isang bagong bahay para sa isang Saksi, hindi makapaniwala ang kaniyang mga kapitbahay. Isa rito ang nagsabi: “Muling nagtayo ng bahay para sa babaing ito ang mga karelihiyon niyang Saksi. Wala sa mga kaibigan kong Budista ang dumating upang tumulong sa akin. Sana nag-Saksi na lang ako noong nangaral siya sa akin!”
Nang inspeksiyunin ng komite at ng mga manggagawa sa konstruksiyon ang isang bahay sa Thanlyn na halos lubusang nawasak, naantig ang damdamin nila nang sabihin sa kanila ng pamilyang Saksi: “Wala namang gaanong nangyari. Ayos pa naman ang aming bahay. Puwede pa namin itong tirhan—walang problema! Ang ilang Saksi ay wala ngang bahay. Tulungan din po ninyo sila!”
Sa isang lugar sa Yangon, sinikap ng ilang tao na manganlong sa isa sa mga simbahan doon. Pero nakakandado ang pinto at walang makapasok. Galít na galít ang mga tao at gusto nilang sirain ang pinto ng simbahan. Ibang-iba naman ang mga Saksi ni Jehova. Tinulungan nila ang maraming tao na manganlong sa mga Kingdom Hall noong bumabagyo. Halimbawa, sa Kingdom Hall sa Dala, pinatulóy ng isang mag-asawang Saksi ang 20 desperadong kapitbahay na nagpunta roon. Kinaumagahan, wala nang mga tahanang mauuwian ang mga pamilyang iyon, at nagugutom sila. Nakakita ang asawang lalaki ng isang nagtitinda ng bigas, bumili siya at pinakain ang lahat.
Mga Saksi ni Jehova ang ilang miyembro ng isang pamilya sa Yangon, ang iba naman ay may iba’t ibang relihiyon. Pagkatapos ng bagyo, ang buong pamilya ay dumalo sa pulong sa Kingdom Hall. Bakit? Ganito ang sinabi ng isang miyembro ng pamilya: “Sinabi ng mga karelihiyon namin na pupunta sila at dadalawin kami
pagkatapos ng bagyo, pero hindi sila pumunta. Mga Saksi lamang ang dumating. Binigyan ninyo kami ng bigas at tubig. Hindi kayo kagaya ng ibang relihiyon!” Naibigan ng mga miyembro ng pamilya na hindi Saksi ang narinig nila sa tinalakay na artikulo sa Bantayan na “Dinirinig ni Jehova ang Paghingi Natin ng Tulong” at nagkomento pa nga sila sa pulong.Isang babae na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ang dumalo sa pulong ng kongregasyon isang linggo pagkatapos ng bagyo. Sa panahon ng pulong, isang liham mula sa tanggapang pansangay ang binasa na nagsasabi kung anong tulong ang ginawa, pati na rin ng mga karanasan ng mga nakaligtas sa bagyo. Habang binabasa ang sulat, napaiyak ang babae. Humanga siya at tuwang-tuwa na marinig na ang lahat ng Saksi ay natulungan at nakaligtas. Pagkatapos, binigyan siya ng mga pangangailangan niya at isang tolda ang itinayo para sa kaniya sa tabi ng bahay niya. Nasabi niyang talagang inalagaan siya nang husto ng mga Saksi.
Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) At idiniin ng alagad na si Santiago na ang tunay na pananampalataya ay may kalakip na mabubuting gawa. (Santiago 2:14-17) Isinasapuso ng mga Saksi ni Jehova ang mga salitang iyon at sinisikap nilang ipakita ang gayong pag-ibig sa pamamagitan ng pagtulong at pagsuporta sa mga nangangailangan.
[Blurb sa pahina 11]
Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na pananampalataya ay may kalakip na mabubuting gawa