Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagiging Born Again—Paano Ito Nangyayari?

Pagiging Born Again—Paano Ito Nangyayari?

Pagiging Born Again​—Paano Ito Nangyayari?

SINABI ni Jesus kay Nicodemo ang kahalagahan at layunin ng pagiging born again, at kung sino ang nagpapasiya nito. At sinabi rin niya kung paano ito nangyayari: “Malibang maipanganak ang isa mula sa tubig at espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Juan 3:5) Kaya ang isang tao ay nagiging born again sa pamamagitan ng tubig at espiritu. Pero saan ba tumutukoy ang “tubig at espiritu”?

“Tubig at Espiritu”​—Ano ang mga Ito?

Si Nicodemo ay isang Judiong iskolar ng relihiyon kaya tiyak na pamilyar siya kung paano ginagamit sa Hebreong Kasulatan ang terminong “espiritu ng Diyos”​—ang aktibong puwersa ng Diyos na tumutulong sa mga tao na gumawa ng kamangha-manghang mga bagay. (Genesis 41:38; Exodo 31:3; 1 Samuel 10:6) Kaya nang banggitin ni Jesus ang salitang “espiritu,” naunawaan ni Nicodemo na ito ang banal na espiritu, ang aktibong puwersa ng Diyos.

Ano naman ang tubig na tinutukoy ni Jesus? Pansinin ang pangyayaring nakaulat bago at pagkatapos ng pag-uusap nina Jesus at Nicodemo. Ipinakikita nito na si Juan na Tagapagbautismo at ang mga alagad ni Jesus ay nagbabautismo sa tubig. (Juan 1:19, 31; 3:22; 4:1-3) Alam ng mga tao sa Jerusalem ang tungkol sa ganitong pagbabautismo. Kaya nang banggitin ni Jesus ang tubig, tiyak na naunawaan ni Nicodemo na ang tinutukoy ni Jesus ay ang bautismo sa tubig. *

Binautismuhan “sa Banal na Espiritu”

Kung ang terminong ‘maipanganak mula sa tubig’ ay tumutukoy sa bautismo sa tubig, saan naman tumutukoy ang pananalitang ‘maipanganak mula sa espiritu’? Bago ang pag-uusap nina Jesus at Nicodemo, sinabi ni Juan na Tagapagbautismo na hindi lamang sa tubig binabautismuhan ang isa kundi pati na rin sa espiritu. Sinabi niya: ‘Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo ni Jesus sa banal na espiritu.’ (Marcos 1:7, 8) Inilarawan ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos ang unang pagbabautismo sa espiritu. Isinulat niya: “At nangyari nang mga araw na iyon, si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea at binautismuhan ni Juan sa Jordan. At kaagad pagkaahon mula sa tubig ay nakita niya ang langit na nahahawi, at, tulad ng isang kalapati, ang espiritu na bumababa sa kaniya.” (Marcos 1:9, 10) Nang ilubog si Jesus sa Jordan, binautismuhan siya sa tubig. Nang matanggap naman niya ang espiritu mula sa langit, binautismuhan siya sa banal na espiritu.

Mga tatlong taon matapos bautismuhan si Jesus, tiniyak niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu hindi maraming araw pagkatapos nito.” (Gawa 1:5) Kailan nangyari iyon?

Noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 alagad ni Jesus ang nagtipon sa isang tahanan sa Jerusalem. “Bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. At nakakita sila ng mga dila na parang apoy . . . , at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 2:1-4) Nang araw ding iyon, hinimok ang ibang mga tao sa Jerusalem na magpabautismo sa tubig. Sinabi ni apostol Pedro sa mga tao: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” Ano ang kanilang reaksiyon? “Yaong mga yumakap sa kaniyang salita nang buong puso ay nabautismuhan, at nang araw na iyon ay mga tatlong libong kaluluwa ang naparagdag.”​—Gawa 2:38, 41.

Dalawang Bautismo ang Kailangan

Ano ang isinisiwalat ng dalawang bautismong ito hinggil sa pagiging born again? Ipinakikita nito na kailangan ang dalawang bautismo para maging born again ang isa. Pansinin na si Jesus ay binautismuhan muna sa tubig. Pagkatapos, tumanggap siya ng banal na espiritu. Sa katulad na paraan, ang unang mga alagad ay binautismuhan muna sa tubig (ang ilan ay binautismuhan ni Juan na Tagapagbautismo), saka sila tumanggap ng banal na espiritu. (Juan 1:26-36) Gayundin ang nangyari sa 3,000 bagong alagad.

Paano naman nagiging born again ang isa sa ngayon? Kung paanong binautismuhan sa tubig at espiritu ang mga apostol ni Jesus at ang unang mga alagad noon, gayundin naman sa ngayon. Ang isa ay kailangan munang magsisi sa kaniyang mga kasalanan, iwan ang maling mga paggawi, mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova para sambahin at paglingkuran siya, at magpabautismo sa tubig bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay. Pagkatapos, kung pipiliin siya ng Diyos para maging hari sa Kaniyang Kaharian, siya ay papahiran ng banal na espiritu. Ang bautismo sa tubig ay nasa pagpapasiya ng bawat indibiduwal; samantalang ang Diyos naman ang nagpapasiya sa bautismo sa espiritu. Kapag ang isa ay binautismuhan sa tubig at espiritu, nagiging born again siya.

Pero bakit binanggit ni Jesus kay Nicodemo ang pananalitang ‘maipanganak mula sa tubig at espiritu’? Para idiin na ang mga binautismuhan sa tubig at espiritu ay daranas ng malaking pagbabago. Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 5 Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pedro nang minsang may nagaganap na bautismo: “Maipagbabawal ba ng sinuman ang tubig?”​—Gawa 10:47.

[Larawan sa pahina 9]

Binautismuhan ni Juan sa tubig ang nagsisising mga Israelita