Ano ang Pananampalataya?
Ano ang Pananampalataya?
PARA sa iyo, ano ang pananampalataya? Para sa ilan, ito ay basta paniniwala sa lahat ng bagay na narinig o nakita nila. Ayon kay H. L. Mencken, isang kilaláng manunulat ng sanaysay at peryodistang Amerikano, ang pananampalataya ay “di-makatuwirang paniniwala sa isang bagay na mahirap paniwalaan.”
Ibang-iba naman ang sinasabi ng Bibliya. Hindi nito inilalarawan ang pananampalataya na di-makatuwiran o basta paniniwala lamang. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.”—Hebreo 11:1.
Yamang iba’t iba ang opinyon ng mga tao tungkol sa pananampalataya, alamin natin ang sagot sa sumusunod na mga tanong:
• Ano ang pagkakaiba ng sinasabi ng Bibliya sa sinasabi ng marami tungkol sa pananampalataya?
• Bakit napakahalagang magkaroon ng pananampalatayang inilalarawan sa Bibliya?
• Paano mo mapatitibay ang iyong pananampalataya?
Isang Titulo at Matibay na Ebidensiya
Nang isulat ang aklat ng Bibliya na Mga Hebreo, karaniwang ginagamit noon ang terminong Griego na isinaling “mapananaligang paghihintay.” Madalas itong makita sa mga dokumento sa negosyo at isa itong garantiya na may makukuha kang isang bagay. Kaya ayon sa isang reperensiya, maaaring isalin ang Hebreo 11:1 na: “Ang pananampalataya ay titulo ng mga bagay na inaasahan.”
Kung may binili ka sa isang kilaláng kompanya at hinihintay mong ihatid ito sa iyo, taglay mo ang gayong pananampalataya. Nananampalataya ka o nagtitiwala sa kompanyang iyon kasi hawak mo ang resibo. Sa diwa, ang resibong iyon ang iyong titulo, ang garantiya na matatanggap mo ang binili mo. Kung naiwala mo ang resibo o naitapon mo ito, naiwala mo ang katibayan na ikaw ang bumili nito. Sa katulad na paraan, ang mga nananampalataya na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako ay ginagarantiyahang tatanggap ng kanilang inaasahan. Sa kabilang banda, ang mga walang pananampalataya, o nawalan ng pananampalataya, ay hindi tatanggap ng mga bagay na ipinangako ng Diyos.—Santiago 1:5-8.
Ang ikalawang pananalita sa Hebreo 11:1 na isinaling “malinaw na pagtatanghal” ay may ideya na paglalabas ng ebidensiya na salungat sa kung ano ang nakikita lamang. Halimbawa, ang araw ay waring umiikot sa lupa—sumisikat sa silangan at lumulubog sa kanluran. Pero gaya ng ipinakikita ng ebidensiya mula sa astronomiya at matematika, ang lupa ay hindi siyang sentro ng sistema solar. Kapag alam mo ang ebidensiyang iyan at tinatanggap mong totoo ito, naniniwala ka o nananampalataya kang ang lupa ang umiikot sa araw—sa kabila ng iyong nakikita. Kaya ang pananampalataya mo ay hindi basta paniniwala sa isang bagay nang hindi ito nauunawaan. Sa halip, ito ang tumutulong sa iyo na maunawaan kung ano talaga ang totoo.
Gaano Kahalaga ang Matibay na Pananampalataya?
Ito ang pananampalatayang sinasabi ng Bibliya na dapat nating taglayin—matibay na pananampalatayang salig sa ebidensiya, kahit na kailangan nating baguhin ang ating paniniwala. Napakahalaga nito. Sumulat si apostol Pablo: “Kung walang pananampalataya, hindi tayo kalulugdan ng Dios, pagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios na nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya nang buong puso.”—Hebreo 11:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Maraming hamon ang kailangang harapin upang magkaroon ng matibay na pananampalataya. Ngunit kung gagawin mo ang apat na hakbang na tinatalakay sa susunod na mga pahina, magtatagumpay ka.