Maging Malapít sa Diyos
Nang Ilarawan ni Jehova ang Kaniyang Sarili
PAANO mo ilalarawan ang Diyos—ang kaniyang personalidad at kung paano siya kumikilos? Isip-isipin na maaari mong tanungin ang Diyos tungkol sa kaniyang mga katangian at pakinggan siya habang inilalarawan niya ang mga ito sa iyo. Iyan ang naging karanasan ng propetang si Moises. Mabuti na lamang, kinasihan siyang isulat ang nangyari.
Sa Bundok Sinai, nakiusap si Moises kay Jehova: “Ipakita mo sa akin, pakisuyo, ang iyong kaluwalhatian.” (Exodo 33:18) Kinabukasan, nagkapribilehiyo ang propeta na masulyapan ang kaluwalhatian ng Diyos. * Hindi detalyadong inilarawan ni Moises ang nakita niya sa kamangha-manghang pangitain. Sa halip, isinulat niya ang mas mahalaga—kung ano ang sinabi ng Diyos. Suriin natin ang sinabi ni Jehova na mababasa sa Exodo 34:6, 7.
Una, sinabi ni Jehova na siya ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob.” (Talata 6) Ayon sa isang iskolar, ang salitang Hebreo na isinaling “maawain” ay tumutukoy sa “magiliw na pagkamahabagin [ng Diyos], gaya ng isang ama sa kaniyang mga anak.” Ang salitang isinaling “magandang-loob” ay nauugnay sa pandiwang “naglalarawan sa isang tao na naudyukan ng kaniyang puso na tumulong sa isa na nangangailangan.” Maliwanag, gusto ni Jehova na malaman nating pinangangalagaan niya ang kaniyang mga mananamba na gaya ng mga magulang sa kanilang mga anak—may magiliw na pagmamahal at pagkabahala sa kanilang mga pangangailangan.—Awit 103:8, 13.
Sumunod, sinabi ni Jehova na siya ay “mabagal sa pagkagalit.” (Talata 6) Hindi siya madaling magalit sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Sa halip, matiisin siya sa kanila, anupat pinagtitiisan ang kanilang mga pagkakamali habang binibigyan sila ng panahon na magbago.—2 Pedro 3:9.
Sinabi pa ng Diyos na siya ay “sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Talata 6) Ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ay isang mahalagang katangian na nagbubuklod kay Jehova at sa kaniyang bayan—isang buklod na matibay at di-nagbabago. (Deuteronomio 7:9) Si Jehova rin ang bukal ng katotohanan. Hindi siya nanlilinlang ni napalilinlang man. Yamang siya ang “Diyos ng katotohanan,” lubusan tayong makapagtitiwala sa lahat ng sinasabi niya, pati na ang mga pangako niya sa hinaharap.—Awit 31:5.
Ang isa pang mahalagang katotohanan na gustong ipaalam sa atin ni Jehova tungkol sa kaniya ay na pinatatawad niya ang “kamalian at pagsalansang at kasalanan.” (Talata 7) Siya ay “handang magpatawad” sa mga nagsisising makasalanan. (Awit 86:5) Pero hindi naman kinukunsinti ni Jehova ang kasamaan. Sinabi niya na “sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Talata 7) Parurusahan ng banal at makatarungang Diyos ang mga kusang gumagawa ng kasalanan. Sa malao’t madali, pagbabayaran nila ang kanilang kasalanan.
Maliwanag na ipinakikita ng paglalarawan ni Jehova sa kaniyang mga katangian na gusto niyang makilala natin siya—ang kaniyang personalidad at kung paano siya kumikilos. Hindi ka ba nauudyukan na alamin pa ang magaganda niyang katangian?
[Talababa]
^ par. 2 Hindi tuwirang nakita ni Moises si Jehova, sapagkat walang tao ang maaaring makakita sa Diyos at mabuhay. (Exodo 33:20) Maliwanag na ipinakita ni Jehova kay Moises sa isang pangitain ang Kaniyang kaluwalhatian, anupat nakipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng isang anghel.