Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit nagsasabi ng “amen” sa pagtatapos ng panalangin?
Ang salitang “amen,” sa Tagalog at Griego, ay transliterasyon ng salitang Hebreo na ʼa·menʹ. Ito ay karaniwang binibigkas nang sabay-sabay ng mga nakikinig sa panalangin, panunumpa, pagpapala, o sumpa, na nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak iyon.” Ang pagbigkas nito ay nangangahulugan ng pagsang-ayon sa mga binanggit sa panalangin. Ayon sa isang reperensiya, “ang salita ay nagpapahiwatig ng katiyakan, katotohanan, katapatan, at ng walang pag-aalinlangan.” Noong panahon ng Bibliya, ang pagsasabi ng “amen” sa isang panunumpa o tipan ay nangangahulugan na sumasang-ayon ang isa rito anuman ang kahinatnan nito.—Deuteronomio 27:15-26.
Sa kaniyang pangangaral at pagtuturo, sinimulan ni Jesus ang kaniyang mga sinabi sa salitang “amen.” Sa paggawa nito, idiniin niya na talagang mapananaligan ang kaniyang sasabihin. Sa mga pagkakataong ito, ang salitang Griego na a·menʹ ay isinasaling ‘katotohanan.’ (Mateo 5:18; 6:2, 5) Kapag inulit ito, gaya ng mababasa sa Ebanghelyo ni Juan, isinasalin itong ‘katotohanang-katotohanan.’ (Juan 1:51) Sinasabing ang paggamit ni Jesus ng amen sa ganitong paraan ay natatangi sa Bibliya.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tinukoy si Jesus na “Amen” para ipakitang ang mga sinasabi niya ay “tapat at totoo.”—Apocalipsis 3:14.
Ano ba ang Urim at Tumim?
Lumilitaw na ang Urim at Tumim ay ginamit sa sinaunang Israel upang alamin ang kalooban ni Jehova hinggil sa kaniyang bayan o mga lider nito. Ang Urim at Tumim ay ipinagkakatiwala sa mataas na saserdote at itinatago sa “pektoral ng paghatol.” (Exodo 28:15, 16, 30) Bagaman hindi kailanman inilarawan ng Kasulatan ang mga bagay na ito o kung paano ito ginagamit, waring ipinakikita ng iba’t ibang teksto na ginamit ang mga ito sa palabunutan upang malaman kung ano ang sagot ng Diyos.
Ang isang halimbawa nito ay nang ipadala ni David kay Abiatar ang epod ng mataas na saserdote na naglalaman ng Urim at Tumim. Nagtanong si David kay Jehova: ‘Hahabulin ba ako ni Saul?’ at ‘Isusuko ba ako ng mga may-ari ng lupain sa Keila sa kaniyang kamay?’ Oo ang naging sagot ni Jehova sa dalawang tanong na ito, kaya nakagawa si David ng tamang desisyon.—1 Samuel 23:6-12.
Bago nito, ginamit ni Haring Saul ang Urim at Tumim upang malaman kung ang bayan ba ang nagkasala o sila ni Jonatan, at kung sino sa kanila ng anak niya ang may-sala. (1 Samuel 14:40-42) Nang maiwala ni Saul ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi na siya ginabayan ng Diyos “kahit sa mga panaginip man o sa Urim o sa pamamagitan ng mga propeta.”—1 Samuel 28:6.
Ayon sa tradisyong Judio, hindi na ginamit ang Urim at Tumim nang mawasak ang templo ni Jehova noong 607 B.C.E.
[Larawan sa pahina 27]
“Amen,” Apocalipsis 3:14. Ang Codex Alexandrinus, Ikalimang siglo C.E.