Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit gustung-gusto ng mga sundalong Romano ang panloob na kasuutan ni Jesus?
Pinaghatian ng apat na sundalong nangasiwa sa pagpatay kay Jesus ang kaniyang mga damit. Ganito ang sinabi ng Juan 19:23: “Ngunit ang panloob na kasuutan [ni Jesus] ay walang dugtungan, na hinabi mula sa itaas hanggang sa buong haba nito.” Nagpasiya ang mga sundalo na huwag itong sirain kundi nagpalabunutan sila kung kanino ito mapupunta. Paano ginagawa ang gayong kasuutan?
Lumilitaw na ang panloob na kasuutan ay parang kamisetang tunika na yari sa lino o lana at hanggang tuhod o bukung-bukong. Ang mga kasuutang ito ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng pagtahi sa tatlong gilid ng dalawang magkapatong na parisukat o parihabang tela. Nag-iiwan ng tatlong butas para sa ulo at mga braso.
Mas mahal ang tunika na gumagamit ng “isa lamang mahabang piraso ng tela, na tinupi, ginawan ng butas sa gitna para sa ulo” at saka nililip, ang sabi ng aklat na Jesus and His World. Ang tunikang ito ay kailangang tahiin sa magkabilang gilid.
Ang kasuutang walang dugtungan, gaya ng suot ni Jesus, ay ginagawa lamang sa Palestina. Ginagawa ito sa mga patindig na habihan na may dalawang set ng mga hiblang paayon, isa sa harap at isa sa likod ng pahalang na kahoy. Pararaanin ng manghahabi ang lansadera (shuttle) na may hiblang pahalang, mula sa harap palikod, sa gayo’y nakagagawa ng tela na parang malong at walang dugtungan, ayon sa isang reperensiya. Bihira ang gayong uri ng tunika, kaya gustung-gusto ng mga sundalo na makuha ito.
May mga tagapag-alaga ba ng pukyutan sa sinaunang Israel?
Ayon sa Hebreong Kasulatan, nangako ang Diyos na dadalhin ang sinaunang mga Israelita sa “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8) Lumilitaw na karamihan sa pagbanggit sa Kasulatan tungkol sa pulot-pukyutan ay tumutukoy sa pagkaing gawa ng mga pukyutang ligáw. Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa pag-aalaga ng mga pukyutan sa sinaunang Israel. Pero isinisiwalat kamakailan ng natuklasan sa Bet She’an Valley sa Israel na noong sinaunang panahon ang mga naninirahan dito ay nag-aalaga ng mga pukyutan bilang negosyo.
Sa Tel Rehov, nahukay ng mga mananaliksik mula sa Institute of Archaeology ng Hebrew University sa Jerusalem ang isang lugar kung saan may mga bahay-pukyutan na mula pa noong ikasampu hanggang sa pasimula ng ikasiyam na siglo B.C.E.—ang unang yugto ng monarkiya ng Israel. Ito ang kauna-unahang pagkakatuklas sa sinaunang mga bahay-pukyutan sa Gitnang Silangan. Sinasabing ang lugar na ito ay may mga isang daang bahay-pukyutan na nakahilera at mga tatlong patong ang taas.
Ang bawat bahay, ayon sa ulat ng unibersidad, ay “isang silinder na luwad . . . na mga 80 sentimetro ang haba at 40 sentimetro ang diyametro. . . . Tinataya ng mga bihasang tagapag-alaga ng pukyutan at mga iskolar na dumalaw sa lugar na iyon na mga kalahating tonelada ng pulot-pukyutan ang makukuha sa mga bahay-pukyutan na ito sa isang taon.”
[Larawan sa pahina 22]
Ang natuklasang lugar sa Tel Rehov
[Credit Line]
Institute of Archaeology/Hebrew University © Tel Rehov Excavations