Ang Kahirapan ba ay Tanda ng Hindi Pagsang-ayon ng Diyos?
Ang Kahirapan ba ay Tanda ng Hindi Pagsang-ayon ng Diyos?
SINABI ng Diyos sa sinaunang Israel: “Walang sinuman ang dapat maging dukha sa gitna mo.” Sa Kautusang ibinigay niya sa kanila, may mga paglalaan para sa mahihirap at maging para sa pagpapatawad sa mga utang. (Deuteronomio 15:1-4, 7-10) Kaya wala sanang mahirap na Israelita, sapagkat nangako si Jehova na pagpapalain sila. Pero ang pagpapalang iyan ay depende sa kanilang pagsunod sa Kautusan, na hindi nila nagawa.
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang mahihirap ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos at na ang mayayaman ay kaniyang sinasang-ayunan. Maraming tapat na lingkod ng Diyos ang mahirap. Ang propetang si Amos ay isang hamak na tagapag-alaga ng tupa at trabahador. (Amos 1:1; 7:14) Noong panahon ni propeta Elias, nagkaroon ng taggutom sa Israel. Umasa si Elias sa pagkamapagpatuloy ng isang mahirap na balo, na ang kaunting harina at langis ay makahimalang tumustos sa kanila noong panahong iyon. Hindi naging mayaman si Elias ni ang balo; inilaan ni Jehova kung ano lamang ang kailangan nila.—1 Hari 17:8-16.
Maaaring maghirap ang mga tao dahil sa di-inaasahang mga pangyayari. Maaaring pansamantala o tuluyan nang hindi makapagtrabaho ang isang tao dahil sa aksidente at pagkakasakit. At dahil sa kamatayan, ang isa ay maaaring maulila o mabalo. Hindi ito nangangahulugan na naiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang ulat tungkol kina Noemi at Ruth ay nakapagpapatibay na halimbawa ng maibiging pangangalaga ni Jehova sa mga nangangailangan. Kahit na naging dukha sina Noemi at Ruth nang mamatay ang kani-kanilang asawa, pinagpala sila ng Diyos na Jehova at pinaglaanan ng kanilang mga pangangailangan.—Ruth 1:1-6; 2:2-12; 4:13-17.
Maliwanag, ang kahirapan ay hindi katibayan na nawala ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga tapat sa Diyos na Jehova ay makapagtitiwala sa mga pananalita ni Haring David: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.”—Awit 37:25.
[Larawan sa pahina 8]
Bagaman mahirap sina Noemi at Ruth, sila’y pinagpala at maibiging pinangalagaan ng Diyos