Kapag Ikaw ay Nasaktan
Kapag Ikaw ay Nasaktan
“MAY araw ka rin!” Iyan ang madalas sabihin ng marami. Natural lamang na magalit kapag ginawan tayo ng masama o nasaktan tayo, dahil likas sa atin na ipagtanggol ang ating karapatan. Ang tanong ay, paano?
Sabihin pa, maaari tayong masaktan sa iba’t ibang paraan. Maaari tayong sampalin, itulak, o insultuhin, pagwikaan nang masama, salakayin, pagnakawan, at iba pa. Ano ang madarama mo kung maranasan mo ito? Ang reaksiyon ng marami ngayon ay, ‘Magbabayad sila!’
Sa Estados Unidos, maraming estudyante sa haiskul na nasa third year ang nagsampa ng kaso, batay sa maling mga paratang, laban sa mga guro na dumisiplina sa kanila para lamang makaganti sa mga ito. Ganito ang sinabi ni Brenda Mitchell, presidente ng Teacher’s Union sa New Orleans: “Minsang maakusahan, nasisira ang reputasyon ng guro.” Kahit na mapasinungalingan pa ang akusasyon, sirâ na ang pangalan niya.
Dumaraming empleado na tinanggal sa trabaho ang gumaganti sa kanilang mga amo sa pamamagitan ng pagsira o pagbura sa mahahalagang impormasyon sa computer ng kompanya. Ninanakaw naman ng iba ang sekreto ng kompanya at ibinebenta o ibinibigay ito sa iba. Bukod dito, “ninanakaw din nila ang mga gamit ng kompanya,” ang ulat ng The New York Times. Para maiwasan ito, pinasasamahan ng maraming kompanya sa isang security guard ang empleadong tinanggal sa trabaho sa kaniyang mesa, hintaying makuha niya ang kaniyang mga gamit, at ihatid palabas ng gusali.
Gayunman, ang madalas na naggagantihan ay ang mga taong malapít sa isa’t isa—mga magkakaibigan, magkakasama, at magkakapamilya. Kapag nasaktan sa sinabi o ginawa, kadalasan nang gumaganti ang isa. Kapag sinigawan ka ng isang kaibigan, sinisigawan mo rin ba siya? Kapag ginalit ka ng isang kapamilya, gumaganti ka ba? Napakadali ngang gawin ito kapag ang nakasakit ay isa na malapít sa atin!
Ang Masasamang Epekto ng Pagganti
Kadalasan, gumaganti ang isa upang maibsan ang kirot na nadarama niya. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya na nang malaman Genesis 34:1-7) Upang ipaghiganti ang sinapit ng kanilang kapatid, nagpakana ang dalawang anak na lalaki ni Jacob laban kay Sikem at sa kaniyang sambahayan. Nilinlang sila nina Simeon at Levi, saka pumasok ang mga ito sa lunsod ng Canaan, at pinatay ang lahat ng lalaki, pati na si Sikem.—Genesis 34:13-27.
ng mga anak na lalaki ng patriyarkang si Jacob na hinalay ni Sikem na taga-Canaan ang kanilang kapatid na si Dina, ‘nasaktan ang kanilang kalooban at sila ay lubhang nagalit.’ (Nalutas ba nito ang problema? Nang malaman ni Jacob ang ginawa ng kaniyang mga anak, sinaway niya ang mga ito: “Dinalhan ninyo ako ng sumpa anupat ginawa ninyo akong isang alingasaw sa mga tumatahan sa lupain, . . . at tiyak na magtitipon sila laban sa akin at sasalakayin ako at ako ay malilipol, ako at ang aking sambahayan.” (Genesis 34:30) Oo, sa halip na malutas ang problema, lalo pa itong lumala dahil sa kanilang paghihiganti; kailangan na ngayong mag-ingat ang pamilya ni Jacob laban sa paghihiganti ng galít na mga kalapít na bansa. Upang maiwasan ito, inutusan ng Diyos si Jacob na ilipat ang kaniyang pamilya sa Bethel.—Genesis 35:1, 5.
Isang mahalagang aral ang itinatampok ng mga pangyayari tungkol sa panghahalay kay Dina. Ang paghihiganti ay humahantong sa higit pang paghihiganti, at nauuwi sa walang-katapusang paghihiganti.
Walang-Katapusang Paghihiganti
Nakasasamâ ang pag-iisip kung paano gaganti sa isa na nakasakit sa atin. Ganito ang sabi ng aklat na Forgiveness—How to Make Peace With Your Past and Get On With Your Life: “Nalilipos ka ng galit. Uubusin nito ang panahon at lakas mo habang pinag-iisipan mo ang masaklap na nangyari sa iyo, isinusumpa mo ang taong nakasakit sa iyo, at pinag-iisipan mong makapaghiganti.” Gaya ng malinaw na paglalarawan dito ng Bibliya, “ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto.”—Kawikaan 14:30.
Oo, paano nga magiging masaya ang isang tao kung kumukulo naman ang loob niya sa galit? Ganito ang sabi ng isang komentarista: “Kung iniisip mong ‘masarap ang makaganti,’
tingnan mo ang mukha ng mga taong mapaghiganti.”Tingnan kung ano ang nangyayari sa maraming bahagi ng daigdig kung saan may mga labanan dahil sa lahi at relihiyon. Kadalasan ang isang pagpatay ay nauuwi sa isa pang pagpatay, na humahantong sa walang-katapusang pagkakapootan at pagpapatayan. Halimbawa, nang 18 kabataan ang napatay ng bomba na pinasabog ng mga terorista, isang nagdadalamhating babae ang sumigaw, “Pagbabayaran nila ito nang libu-libong ulit!” Kaya lumulubha lamang ang kalupitan, at parami nang paraming tao ang nasasangkot.
“Mata Para sa Mata”
Ikinakatuwiran ng iba na nasa Bibliya naman ang tungkol sa paghihiganti. Sinasabi nila, “Hindi ba binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa ‘mata para sa mata, ngipin para sa ngipin’?” (Levitico 24:20) Sa wari, ang kautusan ng “mata para sa mata” ay nagtuturo ng paghihiganti. Ngunit sa katunayan, hinahadlangan nito ang di-makatuwirang paghihiganti. Paano?
Kapag sinaktan ng isang Israelita ang kaniyang kapuwa Israelita at mabulag ito, ipinahihintulot ng Kautusan ang makatuwirang parusa. Gayunman, hindi ang mismong biktima ang gaganti sa nakasakit sa kaniya o sa kapamilya niya. Hinihiling ng Kautusan na dalhin niya ito sa mga awtoridad—ang hinirang na mga hukom—para malutas nang tama ang problema. Kapag alam mo na maparurusahan ang isa na kusang gumawa ng krimen o karahasan, hindi ka maghihiganti. Pero hindi lamang iyan.
Bago banggitin ang kautusan tungkol sa paghihiganti, sinabi ng Diyos na Jehova sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises: “Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso. . . . Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob.” (Levitico 19:17, 18) Oo, ang ideya ng “mata para sa mata, ngipin para sa ngipin” ay dapat tingnan ayon sa konteksto ng buong tipang Kautusan, na ayon kay Jesus ay nauuwi sa dalawang utos: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip” at “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:37-40) Kung gayon, ano ang dapat gawin ng mga tunay na Kristiyano kapag sila ay dumanas ng kawalang-katarungan?
Sundin ang Daan ng Kapayapaan
Inilalarawan ng Bibliya si Jehova bilang “ang Diyos ng kapayapaan” at hinihimok niya ang kaniyang mga mananamba na ‘hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon.’ (Hebreo 13:20; 1 Pedro 3:11) Pero talaga bang maganda ang resulta nito?
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, siya ay dinuraan, hinampas, at pinag-usig ng kaniyang mga kaaway, ipinagkanulo ng isang malapít na kasama, at iniwan pa nga ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 26:48-50; 27:27-31) Ano ang ginawa niya? “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti,” ang sulat ni apostol Pedro. “Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.”—1 Pedro 2:23.
“Si Kristo ay nagdusa para sa inyo,” ang sabi ni Pedro, “na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Oo, pinasisigla ang mga Kristiyano na tularan si Jesus, pati ang ginawa niya nang dumanas siya ng kawalang-katarungan. Tungkol dito, sinabi mismo ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit.”—Mateo 5:44, 45.
Ano ang gagawin ng mga tumutulad sa pag-ibig ni Kristo kapag sila’y ginawan ng masama? Sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” Sinusunod din nila ang payong ito: “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Ibang-iba ito sa mapaghiganting saloobin na laganap ngayon sa daigdig! Ang tunay na Kristiyanong pag-ibig ay makatutulong sa atin na maiwasang maghiganti at “palampasin ang pagsalansang” dahil ang pag-ibig ay ‘hindi nagbibilang ng pinsala.’—1 Corinto 13:5.
Ibig bang sabihin nito na kapag tayo ay naging biktima ng krimen o pinagbantaan sa paano man, basta tatanggapin na lamang natin ito? Hinding-hindi! Nang sabihin ni Pablo, “Patuloy na daigin ng mabuti ang masama,” hindi niya sinasabi na ang isang Kristiyano ay dapat maging martir. Sa halip, kapag tayo ay sinalakay, karapatan nating ipagtanggol ang ating sarili. Kung ikaw ay sasaktan o pagnanakawan, maaari kang tumawag ng pulis. Kung ang problema ay may kinalaman sa isa na kasama mo sa trabaho o sa paaralan, may mga awtoridad doon na makatutulong sa iyo.—Roma 13:3, 4.
Gayunpaman, makabubuting isaisip na mahirap magkaroon ng tunay na katarungan sa sistemang ito ng mga bagay. Sa katunayan, ginugol ng marami ang kanilang buong buhay sa paghanap nito, subalit nauuwi lamang ito sa pagkasiphayo kapag hindi natupad ang kanilang mga inaasahan.
Gustung-gusto ni Satanas na makita ang mga tao na nababahagi dahil sa paghihiganti at pagkakapootan. (1 Juan 3:7, 8) Mas makabubuting isaisip ang pananalitang ito mula sa Bibliya: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:19) Kung ipauubaya natin kay Jehova ang mga bagay-bagay, hindi natin mararanasan ang maraming kirot, galit, at karahasan.—Kawikaan 3:3-6.
[Blurb sa pahina 22]
“Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip” at “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang pag-ibig ay ‘hindi nagbibilang ng pinsala.’—1 Corinto 13:5