Liham Mula sa Bolivia
Maligaya at Punô ng Pag-asa sa Kabila ng Kahirapan
KAHIT misyonero ako sa isang papaunlad na bansa, hindi pa rin ako sanay makakita ng kahirapan at kawalang-pag-asa. Gusto ko nang makita na guminhawa sa pagdurusa ang lahat. Pero alam kong ang Kaharian ng Diyos lamang ang lulutas sa mga problemang ito. Gayunman, madalas kong makita na maligaya ang mga taong sumusunod sa Salita ng Diyos sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Isa sa kanila si Sabina.
Maraming taon na ang nakararaan, karga ni Sabina ang dalawa niyang anak na babae habang tinitingnan ang kaniyang asawa na sumasakay sa isang lumang bus patungo sa ibang bansa para maghanap ng mas magandang trabaho. Hinintay niya ang pagbabalik ng kaniyang asawa, ang mga buwan ay naging mga taon, pero hindi na ito umuwi. Mula noon, si Sabina na ang nagtrabaho para paglaanan ang kaniyang sarili at ang mga anak niyang sina Milena at Ghelian.
Una kong nakilala si Sabina isang hapon habang matiyaga niyang inaasikaso ang mga bumibili sa tindahan ng kaniyang ate. Kitang-kita ko sa mata ni Sabina na pagód na siya dahil sa maghapong trabaho. Inalok ko siya at ang kaniyang mga anak ng pag-aaral sa Bibliya. “Gusto ko sana,” ang sabi niya, “kaya lang marami akong trabaho. Ang mga anak ko na lamang ang turuan mo.” Pumayag ako. Habang nagpapatuloy ang pag-aaral ng mga bata, lalo kong nakilala si Sabina. Naunawaan ko ang hirap na pinagdaraanan niya.
Nagsisimula ang araw ni Sabina mga alas 4:00 n.u. Habang natutulog pa ang kaniyang mga anak sa kanilang maliit na bahay, nagluluto na si Sabina ng karneng ipalalaman niya sa empanadang kaniyang itinitinda. Sa gabi niya inihahanda ang masa ng masarap na empanada.
Maingat na ikinakarga ni Sabina sa hiniram niyang kariton ang lahat ng gamit niya para sa araw na iyon—malaking payong, isang kalan, bote ng gaas, mesa, mga bangko, kaldero, at mantika, pati na ang karne at masa ng empanada at ilang galon ng juice na tinimpla niya.
Pagdating ng alas 6:00 n.u., handa nang umalis si Sabina at ang kaniyang mga anak. Ikinakandado nila ang pinto ng kanilang bahay. Walang nagsasalita o tumatawa sa kanila. Buhos na buhos sila sa kanilang trabaho. Madalas akong makakita ng ganitong eksena tuwing umaga mula sa bintana ng tahanan ng mga misyonero. Oo, si Sabina ay isa lamang sa maraming babae na madaling-araw pa ay umaalis na ng bahay para magtinda ng pagkain at inumin sa mga lansangan ng Bolivia.
Mga alas 6:30 n.u., habang sumisikat ang araw sa bundok, dumarating si Sabina at ang kaniyang mga anak sa puwesto nila. Walang imik-imik, inilalabas nila ang laman ng kariton at itatayo ang kanilang karinderya. Ihuhulog niya ang unang empanada sa kumukulong mantika at sasagitsit ito. Dahil sa amoy ng masarap na empanada, magdaratingan ang gutóm na mga suki.
“Ilan po?” ang tanong ni Sabina sa unang bumili. Hindi tumitingin, sumenyas ng dalawa ang isang lalaking inaantok pa, at binigyan siya ni Sabina ng dalawang mamula-mula at napakainit na empanada. Saka niya kukunin ang bayad. Ganito ang nangyayari sa buong maghapon. Kapag naubos na ang tinda nilang empanada, aayusin na nila ang kanilang gamit at uuwi na sila. Bagaman masakit na ang mga paa ni Sabina sa kaniyang trabaho sa umaga, magtatrabaho pa siya sa tindahan ng kaniyang ate.
Pagdating ko sa tindahan para turuan sa Bibliya ang kaniyang mga anak, nakahanda na sa isang sulok ang dalawang maliit na bangko. Mula noon, sina Milena at Ghelian, na noo’y 9 at 7 taóng gulang, ay tuwang-tuwang nag-aabang sa bawat leksiyon at naghahandang mabuti. Unti-unti, nakikipagkuwentuhan na ang mahiyaing mga batang ito at naging magkakaibigan kami. Dahil dito, naantig ang damdamin ni Sabina. Di-nagtagal, nakipag-aral na rin siya ng Bibliya kahit pagód na pagód siya sa kaniyang trabaho.
Habang lumalago ang kaalaman ni Sabina, sumisidhi rin ang pag-ibig niya sa Diyos na Jehova. Maligaya na siya ngayon! Ibang-iba na ang dating pagód at malungkot na tindera. Hindi na siya lulugu-lugo at makikita sa kaniyang nagniningning na mata ang kaligayahan. “Laging nakangiti si Sabina,” ang sabi ng kaniyang ate. “Hindi siya ganiyan dati.” Nakita rin ng iba ang malaking pagbabago kay Sabina at sa kaniyang mga anak. Kasi nalaman na niya ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kaniyang layunin.
Nasisiyahan si Sabina sa kaniyang pag-aaral, pero hindi siya makadalo sa mga pulong Kristiyano dahil sa dami ng trabaho. Sa wakas, pinaunlakan niya ang aking paanyaya at dumalo sa Kingdom Hall. Mula noon, lagi na siyang dumadalo. Nagkaroon ng tunay na mga kaibigan si Sabina sa kongregasyon. Talagang naglalaan si Jehova sa mga umiibig sa kaniya at sa mga nagsasakripisyo upang paglingkuran siya.—Lucas 12:22-24; 1 Timoteo 6:8.
Naibigan ni Sabina ang natututuhan niya, at gusto niyang ibahagi ito sa iba. Pero sinabi niya, “Ninenerbiyos ako tuwing maiisip ko ang pangangaral sa madla.” Naisip niya, ‘Paano kaya ako makapagtuturo sa iba, gayong mahiyain ako at walang gaanong pinag-aralan?’ Gayunman, dahil sa kabaitang ipinakita sa kaniya at sa magandang pagbabago sa buhay niya, naudyukan siyang gawin ito. Naisip din niya na ang mga anak niya ay tumitingin sa kaniya bilang huwaran. Kaya ibinahagi niya sa iba ang mabuting balita. Masaya ring sumama sa kaniya ang mga anak niya.
Mahirap pa rin at kumakayod araw-araw si Sabina. Pero nagbago ang pananaw niya sa buhay. Bilang isang bautisadong Kristiyano, ibinabahagi niya ngayon sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos—ang tanging permanenteng solusyon sa kahirapan at kawalang-pag-asa sa daigdig.—Mateo 6:10.
Alas 5:00 n.u., at handa na namang umalis si Sabina. Pero hindi siya ngayon magtitinda. Mangangaral siya sa lansangan kasama ng kapuwa niya mga Kristiyano. Ginagawa niya ito linggu-linggo. Ito ang nagdudulot sa kaniya ng higit na kaligayahan. Ikinakandado niya ang pinto at masayang naglalakad sa lansangan. Sa halip na kariton, dala niya ngayon ang isang bag na may Bibliya at mga literatura sa Bibliya na gagamitin niya para ibahagi sa iba ang mensahe ng pag-asa. Nakangiting sinabi ni Sabina, “Hindi ko kailanman naisip na magagawa kong ipangaral sa iba ang tungkol sa Bibliya.” Sinabi pa niya, “Gustung-gusto ko ito!”