Tanong ng mga Mambabasa
Paano Naging Iisa si Jesus at ang Kaniyang Ama?
“Ako at ang Ama ay iisa,” ang sabi ni Jesus. (Juan 10:30) Sinisipi ng ilan ang tekstong ito upang patunayan na si Jesus at ang kaniyang Ama ay ang dalawang persona sa Trinidad. Iyan ba talaga ang ibig sabihin ni Jesus?
Tingnan natin ang konteksto. Sa talata 25, sinabi ni Jesus na ginagawa niya ang mga bagay sa pangalan ng kaniyang Ama. Mula sa talata 27 hanggang 29, binanggit niya ang tungkol sa makasagisag na mga tupa, na ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama. Hindi ito mauunawaan ng kaniyang mga tagapakinig kung siya at ang kaniyang Ama ay iisang persona. Sa halip, ang ibig sabihin ni Jesus ay, ‘Ako at ang aking Ama ay nagkakaisa anupat hindi maaagaw sa akin ang mga tupa, kung paanong hindi maaagaw ang mga ito sa aking Ama.’ Parang sinasabi ng isang anak sa kaaway ng kaniyang tatay, ‘Kung sasaktan mo ang tatay ko, parang ako na ang sinaktan mo.’ Walang magsasabi na ang anak na ito at ang kaniyang ama ay iisang tao. Pero maiisip nila na napakalapit ng ugnayan nilang mag-ama.
Si Jesus at ang kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, ay “iisa” rin sa diwa na lubusan silang nagkakaisa sa kanilang mga layunin at pamantayan. Di-gaya ni Satanas na Diyablo at ng unang mag-asawa, sina Adan at Eva, hindi kailanman ninais ni Jesus na maging hiwalay sa Diyos. “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama,” ang paliwanag ni Jesus. “Sapagkat anumang bagay ang ginagawa ng Isang iyon, ang mga bagay na ito ang ginagawa rin ng Anak sa gayunding paraan.”—Juan 5:19; 14:10; 17:8.
Pero kahit na matibay ang buklod ng pagkakaisa ng Diyos at ng kaniyang Anak, si Jesus, magkaiba pa rin sila. Sila’y dalawang indibiduwal na may kani-kaniyang personalidad. Si Jesus ay may sariling damdamin, kaisipan, karanasan, at malayang kalooban. Gayunman, pinili niyang magpasakop sa kalooban ng kaniyang Ama. Ayon sa Lucas 22:42, sinabi ni Jesus: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” Mawawalan ng saysay ang mga salitang ito kung ang kalooban niya ay katulad ng sa kaniyang Ama. Kung talaga ngang iisang persona si Jesus at ang kaniyang Ama, bakit nanalangin si Jesus sa Diyos at mapagpakumbabang inamin na may mga bagay na tanging Ama lamang niya ang nakaaalam?—Mateo 24:36.
Sinasamba ng mga miyembro ng maraming relihiyon ang mga diyos na inilalarawang nakikipag-away sa kanilang kapamilya. Halimbawa, sa mitolohiyang Griego, pinabagsak ni Cronus ang kaniyang amang si Uranus at nilamon ang kaniya mismong mga anak. Ibang-iba naman ito sa pagkakaisa na nakasalig sa tunay na pag-ibig sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesus! Dahil dito, lalo silang napapamahal sa atin! Sa katunayan, napakalaking karangalan na maging kaisa ng dalawang pinakamataas na Persona sa buong uniberso. Tungkol sa kaniyang mga tagasunod, nanalangin si Jesus: “Humihiling ako . . . upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin.”—Juan 17:20, 21.
Kaya nang sabihin ni Jesus, “Ako at ang Ama ay iisa,” hindi Trinidad ang tinutukoy niya, kundi ang isang kahanga-hangang pagkakaisa—ang pinakamalapít na ugnayan sa pagitan ng dalawang persona.