Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bukod sa Bibliya, ano pa ang nagpapatunay na talagang umiral si Jesus?
▪ Espesipikong binanggit si Jesus ng ilang manunulat pagkamatay niya. Isa sa kanila si Cornelius Tacitus, na nag-ulat ng kasaysayan ng Roma sa ilalim ng mga emperador. Hinggil sa sunog na nagwasak sa Roma noong 64 C.E., sinabi ni Tacitus na ang pinaghihinalaang may kagagawan nito ay si Emperador Nero. Ayon kay Tacitus, ibinintang ni Nero ang pagsunog sa isang grupo ng mga taong tinatawag na Kristiyano. Isinulat niya: “Si Kristo, na pinagmulan ng kanilang pangalan [na Kristiyano], ay hinatulan ng kamatayan noong paghahari ni Tiberio sa kamay ng prokurador na si Poncio Pilato.”—Annals, XV, 44.
Binanggit din si Jesus ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus nang iulat niya ang mga pangyayaring naganap sa pagitan ng kamatayan ni Festo, ang Romanong gobernador sa Judea noong mga 62 C.E., at ng pagdating ng kahalili nitong si Albinus. Sinabi niya: “Pinulong [ng mataas na saserdoteng si Ananus (Anas)] ang mga hukom sa Sanedrin at iniharap sa kanila ang isang lalaking nagngangalang Santiago, kapatid ni Jesus na tinatawag na Kristo, kasama ang iba pa.”—Jewish Antiquities, XX, 200 (ix, 1).
Bakit tinawag na Kristo si Jesus?
▪ Iniulat sa Ebanghelyo na nagpakita si anghel Gabriel kay Maria upang ibalita na siya ay magdadalang-tao. Sinabi ng anghel na Jesus ang dapat niyang ipangalan sa kaniyang anak. (Lucas 1:31) Pangkaraniwang pangalan ito sa mga Judio noong panahon ng Bibliya. Isinulat ng Judiong istoryador na si Josephus ang tungkol sa 12 tao na may gayong pangalan, maliban sa mga binanggit sa Kasulatan. Ang anak ni Maria ay tinawag na “Nazareno,” na nagpakilala sa kaniya bilang si Jesus na mula sa Nazaret. (Marcos 10:47) Nakilala rin siya bilang “ang Kristo,” o Jesu-Kristo. (Mateo 16:16) Ano ang ibig sabihin nito?
Ang salitang “Kristo” ay mula sa salitang Griego na Khri·stosʹ, katumbas ng Hebreong Ma·shiʹach (Mesiyas). Ang dalawang salitang ito ay literal na nangangahulugang “Pinahiran.” Bago ikapit kay Jesus ang katagang ito, tinukoy na sina Moises, Aaron, at Haring David bilang pinahiran, na ang ibig sabihin ay inatasan sila ng Diyos para bumalikat ng pananagutan at awtoridad. (Levitico 4:3; 8:12; 2 Samuel 22:51; Hebreo 11:24-26) Si Jesus, ang inihulang Mesiyas, ang nakatataas na kinatawan ni Jehova. Kaya si Jesus ay angkop na tawaging “Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—Mateo 16:16; Daniel 9:25.
[Larawan sa pahina 15]
Iginuhit na larawan ni Flavius Josephus