Ikaw at ang Mensahe ni Jesu-Kristo
Ikaw at ang Mensahe ni Jesu-Kristo
“Ako ay pumarito upang magkaroon sila ng buhay at magkaroon nito nang sagana.”—JUAN 10:10.
PUMARITO si Jesu-Kristo sa lupa, pangunahin na, upang magbigay at hindi upang tumanggap. Sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo, nagbigay siya ng napakahalagang regalo sa sangkatauhan—ang mensahe ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kaniyang kalooban. Maaaring magkaroon ng mas magandang buhay ngayon ang mga tumutugon sa mensaheng iyon, gaya ng pinatutunayan ng milyun-milyong tunay na Kristiyano. * Pero ang pinakadiwa ng mensahe ni Jesus ang siyang pinakamahalagang regalo—ang sakdal na buhay na ibinigay niya para sa atin. Nakadepende sa pagtugon natin dito ang ating walang-hanggang kinabukasan.
Kung ano ang ibinigay ng Diyos at ni Kristo Alam ni Jesus na daranas siya ng masakit na kamatayan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. (Mateo 20:17-19) Gayunman, sa kaniyang tanyag na pananalita sa Juan 3:16, sinabi niya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Sinabi rin ni Jesus na naparito siya “upang . . . ibigay ang kaniyang kaluluwa [o, buhay] bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Bakit sinabi niya na ang kaniyang buhay ay ibibigay sa halip na kukunin?
Dahil sa walang-katulad na pag-ibig ng Diyos, sinagip niya ang mga tao mula sa minanang kasalanan at sa mga resulta nito—di-kasakdalan at kamatayan. Para magawa ito, isinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa upang dumanas ng sakripisyong kamatayan. Kusang ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao para sa atin. Ito ang pinakamahalagang regalo ng Diyos sa sangkatauhan—ang pantubos. * Maaari itong umakay sa atin sa buhay na walang hanggan.
Kung ano ang kailangan mong gawin Itinuturing mo bang regalo ang pantubos? Depende iyan sa iyo. Isipin ito: May nag-aabot sa iyo ng isang regalo. Magiging sa iyo lamang ito kung aabutin at tatanggapin mo. Sa katulad na paraan, iniaabot sa iyo ni Jehova ang pantubos, ngunit mapapasaiyo lamang iyon kung aabutin at tatanggapin mo. Paano?
Sinabi ni Jesus na yaong mga “nananampalataya” sa kaniya ang tatanggap ng buhay na walang hanggan. Kasangkot dito ang paraan ng iyong pamumuhay. (Santiago 2:26) Ang pananampalataya kay Jesus ay nangangahulugan ng pamumuhay ayon sa mga sinabi at ginawa niya. Upang magawa iyan, dapat na kilalang-kilala mo si Jesus at ang kaniyang Ama. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Mga 2,000 taon na ang nakalilipas, ibinahagi ni Jesu-Kristo ang isang mensahe na bumago sa buhay ng milyun-milyong tao sa buong daigdig. Gusto mo bang makaalam nang higit pa tungkol sa mensaheng iyon at kung paano ka makikinabang dito pati na ang iyong mga mahal sa buhay, hindi lamang ngayon kundi magpakailanman? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka.
Sa susunod na mga artikulo, higit mo pang makikilala si Jesu-Kristo, ang taong nangaral ng mensaheng maaaring bumago sa iyong buhay magpakailanman.
[Mga talababa]
^ par. 3 Hindi lahat ng nag-aangking Kristiyano ay tunay na tagasunod ni Kristo, kundi yaon lamang namumuhay ayon sa mga katotohanang itinuro ni Jesus tungkol sa Diyos at sa Kaniyang kalooban.—Mateo 7:21-23.
^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa turo ng Bibliya na pantubos, tingnan ang kabanata 5, “Ang Pantubos—Ang Pinakamahalagang Regalo ng Diyos,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.