Turuan ang Iyong mga Anak
Natuto si Jesus na Maging Masunurin
NAHIHIRAPAN ka ba kung minsan na maging masunurin?— * Hindi naman kataka-taka ito. Lahat tayo kung minsan ay nahihirapang sumunod. Alam mo ba na maging si Jesus ay kailangang matuto na maging masunurin?—
Alam mo ba kung sino ang dapat sundin ng lahat ng kabataan?— Oo, ang ating mga magulang. “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon,” ang sabi ng Bibliya. (Efeso 6:1) Sino ang ama ni Jesus?— Ang Diyos na Jehova, at siya rin ang ating Ama. (Mateo 6:9, 10) Pero kung sinabi mong si Jose ang ama ni Jesus at si Maria ang kaniyang ina, tama ka rin. Alam mo ba kung paano sila naging mga magulang ni Jesus?—
Sinabi ng anghel na si Gabriel kay Maria na magdadalang-tao siya kahit hindi siya nakipagtalik sa isang lalaki. Ito ay isang himala mula kay Jehova. Ipinaliwanag ni Gabriel kay Maria: “Ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.”—Lucas 1:30-35.
Ang buhay ng kaniyang Anak sa langit ay inilipat ng Diyos sa bahay-bata ni Maria. Lumaki iyon sa bahay-bata ni Maria na gaya ng nangyayari sa iba pang mga sanggol. Pagkalipas ng mga siyam na buwan, isinilang si Jesus. Samantala, napangasawa ni Jose si Maria, at inakala ng karamihan na si Jose ang tunay na ama ni Jesus. Pero ang totoo, ama-amahan ni Jesus si Jose. Kaya masasabing dalawa ang ama ni Jesus!
Nang 12 anyos pa lamang si Jesus, naipakita na niya kung gaano niya kamahal ang kaniyang Ama sa langit, si Jehova. Nang panahong iyon, gaya ng nakaugalian ng pamilya ni Jesus, naglakbay sila nang malayo patungo sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Nang pauwi na sila sa Nazaret, napansin nina Jose at Maria na wala si Jesus. Nagtataka ka ba kung bakit hindi nila agad napansin na hindi nila kasama si Jesus?—
Nang panahong iyon, may iba pang mga anak sina Jose at Maria. (Mateo 13:55, 56) Marahil may kasama rin silang mga kamag-anak na naglalakbay, gaya nina Santiago at Juan kasama ng kanilang ama, si Zebedeo, at ng ina nila na si Salome, na malamang ay kapatid ni Maria. Kaya maaaring inakala ni Maria na si Jesus ay kasama ng iba pa nilang kamag-anak.—Mateo 27:56; Marcos 15:40; Juan 19:25.
Nang malaman nina Jose at Maria na wala si Jesus, agad silang bumalik sa Jerusalem. Hinanap nilang mabuti ang kanilang anak. Pagkatapos ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Sinabi ni Maria kay Jesus: “Bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo nang may pagkabagabag ng isip.” Ngunit sumagot si Jesus: “Bakit kailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?”—Lucas 2:45-50.
Awit 122:1) Kaya hindi ba tama na isipin ni Jesus na dapat sa templo ng Diyos una nila siyang hinanap?— Hindi nalimutan ni Maria ang sinabing iyon ni Jesus.
Sa palagay mo, mali bang sumagot si Jesus sa kaniyang ina nang gayon?— Alam ng kaniyang mga magulang na gusto niyang sumamba sa bahay ng Diyos. (Ano ang naging saloobin ni Jesus kina Jose at Maria?— Sinasabi ng Bibliya: “Bumaba [si Jesus] kasama nila at dumating sa Nazaret, at patuloy siyang nagpasakop sa kanila.” (Lucas 2:51, 52) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus?— Oo, kailangan din nating maging masunurin sa ating mga magulang.
Pero hindi laging madali para kay Jesus na sumunod—kahit sa kaniyang Ama sa langit.
Noong gabi bago mamatay si Jesus, hiniling niya na magbago sana ang isip si Jehova tungkol sa gustong ipagawa ni Jehova sa kaniya. (Lucas 22:42) Pero sinunod ni Jesus ang Diyos kahit mahirap itong gawin. Sinasabi ng Bibliya na “natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.” (Hebreo 5:8) Sa palagay mo, magagawa rin kaya natin ito?—
^ par. 3 Kung binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.