Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Kapag Humingi ng Tawad ang “Pusong Wasak at Durog”

Kapag Humingi ng Tawad ang “Pusong Wasak at Durog”

2 SAMUEL 12:1-14

LAHAT tayo ay nagkakasala nang maraming ulit. Gaano man katindi ang ating pagsisisi, baka maisip pa rin natin: ‘Pinakikinggan ba ng Diyos ang aking panalangin? Nakikita ba niya ang taimtim kong pagsisisi? Patatawarin kaya niya ako?’ Itinuturo ng Bibliya ang nakaaaliw na katotohanan: Bagaman hindi kinukunsinti ni Jehova ang kasalanan, handa niyang patawarin ang isang nagsisisi. Makikita ito sa kaso ni Haring David ng Israel, ayon sa 2 Samuel kabanata 12.

Isipin ito: Si David ay nakagawa ng malulubhang kasalanan. Nangalunya siya kay Bat-sheba, at nang hindi na niya maitago ang kasalanang ginawa niya, ipinapatay niya ang asawa nito. Inilihim ni David ang kaniyang mga kasalanan sa loob ng ilang buwan at nagkunwaring inosente. Pero alam ito ni Jehova. Gayunman, nakita niya sa puso ni David na maaari pa itong magsisi at magbago. (Kawikaan 17:3) Ano kaya ang gagawin ni Jehova?

Isinugo ni Jehova si propeta Natan kay David. (Talata 1) Sa tulong ng banal na espiritu, alam ni Natan na kailangan niyang maging mataktika sa pakikipag-usap sa hari. Ano kaya ang gagawin niya para matauhan si David at makita ang bigat ng kaniyang mga kasalanan?

Para hindi na maipagmatuwid ni David ang kaniyang kasalanan, nagkuwento si Natan na tiyak na aantig sa puso ng isang dating pastol. Tungkol ito sa dalawang lalaki, isang mayaman at isang mahirap. “Napakaraming tupa at baka” ng taong mayaman, ngunit “isang babaing kordero” lamang ang pag-aari ng taong mahirap. May dumating na bisita ang taong mayaman at nais niyang maghanda ng pagkain. Sa halip na pumili ng isa sa kaniyang mga tupa, kinuha niya ang nag-iisang kordero ng taong mahirap. Dahil inakala ni David na totoo ang kuwento, nagalit siya nang husto at sumigaw: “Ang taong gumagawa nito ay dapat mamatay!” Bakit? “Sapagkat hindi siya nahabag,” ang sabi ni David. *​—Talata 2-6.

Talagang nakaantig sa puso ni David ang talinghaga ni Natan. Sa diwa, si David na ang nag-akusa sa kaniyang sarili. Sinabi sa kaniya ni Natan: “Ikaw mismo ang taong iyon!” (Talata 7) Yamang nagsasalita si Natan para sa Diyos, maliwanag na ipinakikita nito na si Jehova mismo ang nasaktan sa ginawa ni David. Dahil nilabag ni David ang kautusan ng Diyos, hindi niya iginalang ang Tagapagbigay-Kautusan. “Hinamak mo ako,” ang sabi ng Diyos. (Talata 10) Nadurog ang puso ni David sa matinding pagsaway na ito anupat sinabi niya: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.” Tiniyak ni Natan kay David na pinatawad siya ni Jehova, pero aanihin pa rin niya ang mga bunga ng kaniyang pagkakasala.​—Talata 13, 14.

Pagkatapos na malantad ang kasalanan ni David, kinatha niya ang Awit 51. Dito niya ibinuhos ang kaniyang niloloob, ang kaniyang taimtim na pagsisisi. Dahil sa mga pagkakasala ni David, para niyang hinamak si Jehova. Ngunit nang patawarin ng Diyos ang nagsisising hari, ganito ang nasabi niya tungkol kay Jehova: “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:17) Tiyak na nakaaaliw ang mga salitang ito sa isang nagsisising makasalanan na humihingi ng awa ni Jehova!

[Talababa]

^ par. 4 Ang paghahanda ng isang kordero para sa bisita ay tanda ng pagkamapagpatuloy. Pero ang pagnanakaw ng isang kordero ay isang krimen. Bilang parusa, dapat itong bayaran ng apat na tupa. (Exodo 22:1) Sa tingin ni David, malupit ang ginawa ng taong mayaman. Pinagkaitan niya ang taong mahirap ng isang hayop na makapaglalaan sana sa pamilya nito ng gatas at lana. Nawalan rin ng pagkakataon ang taong mahirap na dumami pa ang kaniyang tupa.