Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Ano ang pintuang-daan ng lunsod na madalas banggitin sa Bibliya?
▪ Noong panahon ng Bibliya, karamihan ng mga lunsod ay napalilibutan ng pader. Sa loob nito, nagtitipun-tipon ang mga tao upang makilala ang iba, mangalakal, at makibalita. Dito nagbibigay ng patalastas para sa lahat, at maaaring dito rin inihahayag ng mga propeta ang kanilang mensahe. (Jeremias 17:19, 20) Sinasabi ng aklat na The Land and the Book na “halos lahat ng transaksiyon ng mga tao ay ginawa sa mga pintuang-daan ng lunsod o malapit dito.”
Halimbawa, bumili si Abraham ng lupa sa Epron para maging libingan ng pamilya “sa paningin ng mga anak ni Het sa gitna ng lahat niyaong mga pumapasok sa pintuang-daan ng kaniyang lunsod.” (Genesis 23:7-18) Hiniling naman ni Boaz na maupo sa pintuang-daan ng lunsod ang sampung matatandang lalaki ng Betlehem nang ayusin niya ang mana ni Ruth at ng namatay na asawa nito bilang pagsunod sa batas na dapat mapangasawa ng biyuda ang kapatid ng namatay niyang asawa. (Ruth 4:1, 2) Nauupo ang matatandang lalaki sa pintuang-daan ng lunsod at nagsisilbing mga hukom kapag dumirinig ng mga kaso, gumagawa ng mga desisyon, at nagpapataw ng mga hatol.—Deuteronomio 21:19.
Saan masusumpungan ang Opir na binabanggit sa Bibliya na pinagmumulan ng pinakamainam na ginto?
▪ Sa aklat ng Job unang binanggit na ang “ginto ng Opir” ay katumbas ng “dalisay na ginto.” (Job 28:15, 16) Mga 600 taon pagkaraan ng panahon ni Job, nagtipon si Haring David ng “ginto ng Opir” para sa pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Umangkat din ang kaniyang anak na si Solomon ng ginto mula sa Opir.—1 Cronica 29:3, 4; 1 Hari 9:28.
Ayon sa Kasulatan, nagpagawa si Solomon sa Ezion-geber, sa Dagat na Pula, ng mga barko na nagdala ng ginto mula sa Opir. (1 Hari 9:26) Naniniwala ang mga iskolar na ang Ezion-geber ay nasa itaas na bahagi ng Gulpo ng Aqaba, malapit sa lokasyon ngayon ng Elat at Aqaba. Mula roon, maaaring makarating ang mga barko saanmang bahagi ng Dagat na Pula o sa mas malalayong lugar ng kalakalan sa mga baybayin ng Aprika o India na mga posibleng lokasyon ng Opir. Naniniwala naman ang iba na ang Opir ay nasa Arabia kung saan matatagpuan ang sinaunang mga minahan ng ginto at mga deposito nito na minimina pa rin hanggang sa ngayon.
May kinalaman sa pagiging alamat ng mga minahan ng ginto ni Solomon, gaya ng paniniwala ng ilan, ganito ang isinulat ng Ehiptologong si Kenneth A. Kitchen: “Hindi lamang isang alamat ang Opir. Malinaw na nakaukit sa isang ostracon [o, bibingang luwad] ng mga Hebreo, marahil noong ikawalong siglo [B.C.E.], ang isang maikling ulat: ‘Ginto ng Opir para sa Bet-Horon—30 siklo [340 gramo].’ Ang Opir dito ay tunay na pinagmumulan ng ginto, gaya ng ‘Ginto ng Amau,’ o ‘Ginto ng Punt’ o ‘Ginto ng Kush’ sa wikang Ehipsiyo—ang mga gintong ito ay alinman sa ipinangalan sa lugar o sa uri ng ginto.”
[Larawan sa pahina 15]
Si Abraham sa pintuang-daan ng lunsod habang bumibili ng lupa
[Larawan sa pahina 15]
Ostracon ng mga Hebreo na may nakaukit na pangalang Opir
[Credit Line]
Collection of Israel Antiquities Authority, Photo © The Israel Museum, Jerusalem