Ano Na ang Naging Pangmalas Natin sa Kasalanan?
Ano Na ang Naging Pangmalas Natin sa Kasalanan?
DATI, laging naririnig ng mga nagsisimba ang kanilang nanggagalaiting pastor na nagsesermon sa pulpito tungkol sa “pitong mortal na kasalanan”—pagnanasa, katakawan, pagkagahaman, katamaran, galit, inggit, at pagmamapuri. Karaniwan nang sinasabi rin ng pastor ang masasaklap na bunga ng kasalanan at hinihimok niya ang kaniyang mga tagapakinig na magsisi. “Ngayon,” ang sabi ng isang manunulat, “kadalasan nang ang binabanggit ng mga pastor ay ang gustong marinig ng mga nagsisimba at hindi na ang tungkol sa kasalanan.”
Ganiyan din ang napansin ng ibang mga kolumnista ng pahayagan. Ito ang ilan sa kanilang komento:
▪ “Hindi na tanggap ang makalumang ideya tungkol sa kasalanan, pagsisisi at pantubos; mas gusto nang marinig ng mga tao ang pagpuri at pag-ibig sa sarili.”—Star Beacon, Ashtabula, Ohio.
▪ “[Ang mga tao] ay hindi na nakokonsiyensiya sa kanilang nagagawang kasalanan.”—Newsweek.
▪ “Hindi na natin itinatanong, ‘Ano ang hinihiling ng Diyos sa akin,’ sa halip itinatanong natin, ‘Ano ang maibibigay ng Diyos sa akin?’”—Chicago Sun-Times.
Dahil iba’t iba ang pinagmulan ng mga tao, atubili ang bawat isa na punahin ang iba kapag may ginagawa itong mali. Hindi raw mabuting hatulan ang ginagawa ng ibang tao. Malaking kasalanan daw ito. Sa diwa, sinasabi nila: ‘Maaaring makabuti sa iyo ang pinaniniwalaan mo, pero hindi mo ito dapat ipilit sa iba. Iba-iba ang pamantayan ng mga tao sa kanilang buhay sa ngayon. Walang sinuman ang puwedeng magsabi kung ano ang tama. Kung mabuti sa iyo ang pamantayang sinusunod mo, mabuti rin ang sa iba.’
Binago ng pangangatuwirang ito ang kaisipan ng mga tao. Ngayon, bihira nang gamitin ang salitang “kasalanan” sa seryosong usapan. Para sa marami, naging paksa na lamang ito ng biruan. Ang pagli-live-in at homoseksuwalidad ay hindi na itinuturing na malulubhang kasalanan. Ang mga taong dating tinatawag na “mangangalunya” ay tinutukoy na lang na “magkarelasyon.”
Oo, nagbago na ang pangmalas ng mga tao sa kung ano ang tinatanggap nilang “normal” o itinuturing nilang “kasalanan.” Pero bakit nagbago ang pangmalas ng mga tao sa kasalanan? At mahalaga ba kung ano ang pangmalas mo rito?