Talaga Bang Masama Ito?
Talaga Bang Masama Ito?
“Medyo doktorin mo lang ang report mo sa aksidente at maaayos ang lahat.”
“Hindi naman kailangang malaman ng mga awtoridad sa buwis ang lahat ng bagay.”
“Ang mahalaga, hindi ka mahuli.”
“Bakit ka magbabayad kung puwede mo namang makuha nang libre?”
MAAARING naririnig mo ang ganitong mga pananalita kapag humihingi ka ng payo tungkol sa ilang bagay na may kinalaman sa pera. Tila may magagandang “solusyon” ang ilang tao para sa lahat ng bagay. Ang tanong ay, Mabuti ba ang mga solusyong ito?
Napakalaganap na ngayon ng kawalang-katapatan. Kaya naman, kadalasan nang katanggap-tanggap sa mga tao ang pagsisinungaling, pandaraya, at pagnanakaw para makalusot sila sa parusa, magkapera, o umasenso sa buhay. Karaniwan nang hindi magandang halimbawa sa pagiging tapat ang mga prominenteng miyembro ng lipunan. Sa isang bansa sa Europa, ang mga kaso ng pandaraya at pagdispalko ng pera mula 2005 hanggang 2006 ay tumaas nang mahigit sa 85 porsiyento. At hindi pa kasali riyan ang maraming kaso ng kawalang-katapatan na tinatawag ng ilang tao na “maliliit na kasalanan.” Kaya hindi na nakapagtatakang nasangkot ang mga kilalang negosyante at pulitiko sa bansang iyon sa isang iskandalo kung saan natuklasang gumamit sila ng pekeng mga diploma upang umasenso sa kanilang mga karera.
Pero sa kabila ng laganap na kawalang-katapatan, gusto pa rin ng mga tao na gawin ang tama. Malamang na isa ka sa kanila. Marahil dahil sa pag-ibig mo sa Diyos, gusto mong gawin ang tama sa kaniyang paningin. (1 Juan 5:3) Maaaring nadarama mo rin ang nadama ni apostol Pablo: “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Dahil diyan, bakit hindi mo isaalang-alang ang ilang sitwasyon na maaaring sumubok sa pagnanais ng isa na maging “matapat sa lahat ng bagay”? Tatalakayin din natin ang mga simulain sa Bibliya na makatutulong sa gayong mga kalagayan.
Sino ang Dapat Magbayad ng Danyos-Perhuwisyo?
Habang nagmamaneho ang kabataang si Lisa, * nakabunggo siya ng kotse. Wala namang nasaktan pero nasira ang dalawang sasakyan. Sa kanilang bansa, mataas ang ibinabayad ng mga kabataang drayber sa insurance ng kotse, at mas tumataas pa ito tuwing makakaaksidente sila. Yamang kasama ni Lisa ang mas matanda niyang pinsan na si Gregor, iminungkahi ng isa niyang kaibigan na sabihing si Gregor ang nagmamaneho para makaiwas si Lisa sa mas mataas na bayarin sa insurance. Mukhang tama naman ang mungkahi, pero ano kaya ang gagawin ni Lisa?
Ginagamit ng mga kompanya ng insurance
ang premium na ibinabayad ng mga policyholder para sa mga danyos-perhuwisyo, at itinataas nila ang premium para mabawi ang mga nagastos nila. Kaya kung susundin ni Lisa ang payo ng kaniyang kaibigan, parang ipinapasa niya sa ibang policyholder ang dagdag na bayarin para sa danyos-perhuwisyo na siya dapat ang magbayad. Hindi lamang siya gagawa ng maling report kundi magnanakaw rin siya mula sa iba. Katulad din iyan ng paggawa ng maling report sa aksidente para mas malaki ang makuhang pera sa insurance.Maaaring takót ang ilan na gumawi nang di-tapat dahil ayaw nilang magmulta. Pero ang higit na mahalagang dahilan para maging tapat ay mababasa sa Salita ng Diyos. “Huwag kang magnanakaw,” ang isa sa Sampung Utos. (Exodo 20:15) Muling binanggit ni apostol Pablo ang utos na ito sa mga Kristiyano: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.” (Efeso 4:28) Kung susundin mo ang Salita ng Diyos maging sa mga bagay na may kaugnayan sa insurance, maiiwasan mong gawin ang mga bagay na hinahatulan ng Diyos. Maipapakita mo rin ang iyong pag-ibig at paggalang sa kautusan ng Diyos at sa iyong kapuwa.—Awit 119:97.
Ibayad “kay Cesar ang mga Bagay na kay Cesar”
Isang negosyante si Peter. Iminungkahi ng kaniyang accountant na humingi siya ng bawas sa babayaran niyang buwis para sa “binili” niyang mamahaling gamit sa computer. Dahil karaniwan lang sa negosyo ni Peter ang pagbili ng gayong gamit, hindi na ito bubusisiin ng gobyerno bagaman hindi naman talaga bumili nito si Peter. Malaki-laki rin ang matitipid niya rito. Ano ang dapat niyang gawin? Ano kaya ang makatutulong sa kaniya na magpasiya?
Roma 13:1, 7) Binabayaran ng mga nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng buwis na hinihiling sa kanila ng mga awtoridad. Sa kabilang banda, walang masama kung hihingi ng bawas sa buwis ang ilang indibiduwal o negosyo basta’t ipinahihintulot ito ng batas ng isang lupain o kung kuwalipikado sila para dito.
Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noong panahon niya: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad . . . Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo.” (Narito pa ang isang sitwasyon. May tindahan ng hardware si David. Sinabihan siya ng mga kaibigan niya na magkaroon ng dalawang libro ng resibo—isa para sa totoong kinikita niya at isa pa para sa ‘dinoktor’ na kita. Magagamit niya ito para maiwasan ang mataas na buwis. Dahil nais ni David na palugdan ang Diyos, ano ang dapat niyang gawin?
Bagaman maaaring hindi mahuli ang isang tao na gumagawa nito, hindi siya nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan. Iniutos ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:17-21) Sinabi ito ni Jesus para ituwid ang pag-iisip ng kaniyang mga tagapakinig tungkol sa pagbabayad ng buwis. Ang mga pamahalaan, na tinawag ni Jesus na Cesar, ay may karapatang tumanggap ng buwis. Kaya naman itinuturing ng mga tagasunod ni Kristo ang pagbabayad ng lahat ng buwis bilang kanilang pananagutan ayon sa Kasulatan.
Pandaraya sa Exam
Naghahanda na si Marta, isang estudyante sa haiskul, para sa kaniyang final exam. Dahil nakasalalay ang isang magandang trabaho kung makakakuha siya ng matataas na marka, gumugol siya ng mahabang oras sa pag-aaral. Naghanda rin ang ilan niyang kaklase—pero sa ibang paraan. Gagamit sila ng mga pager, preprogrammed calculator, at cellphone para mandaya. Gagayahin kaya ni Marta ang ginagawa ng “lahat” para tiyak na makakuha ng mataas na marka?
Dahil karaniwan na lamang ang pandaraya, iniisip ng marami na walang masama rito. Ikinakatuwiran nila, “Ang mahalaga, hindi ka mahuli.” Pero hindi ito katanggap-tanggap sa mga tunay na Kristiyano. Kahit na hindi mahuli ng guro ang mga nandaraya, may nakakakita sa kanila. Alam ng Diyos na Jehova ang ginagawa natin at pananagutin niya tayo sa ating mga ginagawa. Sumulat si Pablo: “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Ang pagkaalam na tinitingnan tayo ng Diyos dahil interesado siya sa paggawa natin ng tama ay matibay na dahilan para maging tapat kapag kumukuha ng exam, hindi ba?
Ano ang Gagawin Mo?
Alam nina Lisa, Gregor, Peter, David, at Marta na seryosong bagay ang sitwasyon nila. Nagpasiya silang gumawi nang tapat kaya
nanatiling malinis ang kanilang budhi at moralidad. Ikaw, ano ang gagawin mo kung mapaharap ka rin sa gayong mga sitwasyon?Maaaring bale-wala sa iyong mga katrabaho, kaklase, at kapitbahay ang pagsisinungaling, pandaraya, o pagnanakaw. Sa katunayan, baka tuyain ka nila para gawin mo rin ang ginagawa nila. Ano ang makatutulong sa iyo na gawin ang tama sa kabila ng panggigipit na maging di-tapat?
Tandaan na kapag kumikilos tayo ayon sa kalooban ng Diyos, magkakaroon tayo ng malinis na budhi pati na ng pagsang-ayon at lingap ng Diyos. Sumulat si Haring David: “O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok? Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso. . . . Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi kailanman makikilos.” (Awit 15:1-5) Mas mahalaga ang malinis na budhi at pakikipagkaibigan sa Diyos kaysa sa anumang materyal na pakinabang sa kawalang-katapatan.
[Talababa]
^ par. 10 Binago ang ilang pangalan.
[Blurb sa pahina 12]
“Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.”
Ang paggalang sa kautusan ng Diyos at pag-ibig sa kapuwa ay nagpapakilos sa atin na maging tapat sa mga bagay na may kaugnayan sa insurance
[Blurb sa pahina 12]
“Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis.”
Para tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos, binabayaran natin ang lahat ng buwis na hinihiling ng batas
[Blurb sa pahina 13]
“Ang lahat ng bagay ay . . . hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.”
Maaaring hindi tayo mahuling nandaraya ng mga guro pero gusto nating maging tapat sa Diyos
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 14]
Hindi Namamalayang Pagnanakaw
Bumili ng pinakabagong programa sa computer ang kaibigan mo, at gusto mo ring magkaroon nito. Sinabi niyang gagawan ka na lang niya ng kopya ng software para makatipid ka. Tama kaya ito?
Kapag ang mga tao ay bumibili ng computer software, sumasang-ayon silang sundin ang nakalagay sa licensing agreement para sa programang iyon. Nakasaad doon na sa isang computer lang nila maaaring i-install at gamitin ang programa. Kaya ang pagkopya ng software para sa iba ay labag sa licensing agreement at sa batas. (Roma 13:4) Ang gayong pagkopya ay pagnanakaw, sapagkat pinagkakaitan nito ng nararapat na kita ang gumawa ng programa.—Efeso 4:28.
Maaaring sabihin ng ilan, ‘Wala namang makakaalam nito.’ Gayunman, dapat nating tandaan ang sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Gusto nating tumanggap ng tamang suweldo para sa ating trabaho at igalang din ng iba ang ating pag-aari. Kaya gayundin ang dapat nating gawin sa iba. Iniiwasan natin ang hindi namamalayang pagnanakaw, gaya ng pagnanakaw ng intellectual property. *—Exodo 22:7-9.
[Talababa]
^ par. 40 Kasali sa intellectual property ang mga materyal na may copyright gaya ng musika, aklat, o software, ito man ay nakaimprenta sa papel o nasa elektronikong kagamitan. Kasama rin dito ang mga trademark, patent, trade secret, at publicity right.