Maging Malapít sa Diyos
Hinahanap Niya ang Mabuti sa Atin
“ANG lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos.” (1 Cronica 28:9) Ipinasulat ni Jehova ang mga salitang ito para higit nating madama na lubha siyang interesado sa atin. Hinahanap niya ang mabuti sa ating puso kahit hindi tayo sakdal. Kitang-kita ito sa kaso ni Abias, na nakaulat sa 1 Hari 14:13.
Lumaki si Abias sa isang masamang sambahayan. Ang kaniyang ama, si Jeroboam, ang nagpasimula ng isang apostatang dinastiya. * Nilayon ni Jehova na lipulin ang sambahayan ni Jeroboam, “kung paanong inaalis ng isa ang dumi.” (1 Hari 14:10) Pero ipinag-utos ng Diyos na bigyan ng disenteng libing ang isang miyembro ng sambahayan nito na may malubhang karamdaman, si Abias. * Bakit? Sinabi ng Diyos: “Isang bagay na mabuti kay Jehova na Diyos ng Israel ang nasumpungan sa kaniya sa sambahayan ni Jeroboam.” (1 Hari 14:1, 12, 13) Ano ang itinuturo nito tungkol kay Abias?
Hindi sinasabi ng Bibliya na si Abias ay isang tapat na mananamba ng Diyos. Magkagayunman, may kaunting kabutihang nakita sa kaniya. Ito ay may kaugnayan “kay Jehova”—marahil, may kinalaman sa pagsamba sa Kaniya. Ipinalalagay ng mga rabinikong manunulat na naglakbay si Abias tungo sa templo sa Jerusalem o kaya’y inalis niya ang mga kawal na itinalaga ng kaniyang ama para pigilan ang mga Israelita sa pagpunta sa Jerusalem.
Anuman ang kabutihang nakita kay Abias, kapansin-pansin ito. Una, ito ay tunay. Ang kabutihan ay nasumpungan “sa kaniya”—sa kaniyang puso. Ikalawa, ito ay natatangi. Ipinakita ito ni Abias kahit siya ay kabilang “sa sambahayan ni Jeroboam.” Sinabi ng isang iskolar: “Talagang kapuri-puri ang mga taong nananatiling mabuti kahit na lumaki sila sa isang masamang kapaligiran at pamilya.” Sinasabi naman ng iba na ang kabutihan ni Abias ay “kitang-kita . . . , tulad ng mga bituing nagniningning sa madilim na kalangitan, at ng mga sedrong litaw na litaw ang kagandahan sa gitna ng mga punungkahoy na walang dahon.”
Gayunman, may napakagandang bagay tayong matututuhan mula sa 1 Hari 14:13 tungkol kay Jehova at sa hinahanap niya sa bawat isa sa atin. Tandaan, may “nasumpungan” kay Abias na isang bagay na mabuti. Lumilitaw na sinaliksik ni Jehova ang puso ni Abias hanggang sa makasumpong Siya rito ng kaunting kabutihan. Kung ihahambing sa kaniyang pamilya, si Abias ang nag-iisang perlas “sa bunton ng mga bato,” ayon sa isang iskolar. Pinahalagahan ni Jehova ang kabutihang ito at pinagpakitaan ng awa ang miyembrong ito ng isang masamang pamilya.
Hindi ba’t nakapagpapatibay malaman na hinahanap at pinahahalagahan ni Jehova ang mabuti sa atin kahit na hindi tayo sakdal? (Awit 130:3) Dapat itong mag-udyok sa atin na maging mas malapít kay Jehova, ang Diyos na sumasaliksik sa ating puso, para makita ang kabutihan sa atin gaano man ito kaliit.
[Mga talababa]
^ par. 2 Upang mapigilan ang mga tao na pumunta sa templo sa Jerusalem para sumamba kay Jehova, nagtatag si Jeroboam ng idolatrosong pagsamba sa guya sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga.
^ par. 2 Noong panahon ng Bibliya, ang mga taong hindi binibigyan ng disenteng libing ay masasabing walang pagsang-ayon ng Diyos.—Jeremias 25:32, 33.