Maaari Mo Bang Makilala ang Diyos?
Maaari Mo Bang Makilala ang Diyos?
Isang karangalan na mabati at matawag ang mga importanteng tao sa kanilang pangalan. Karaniwan nang tinatawag sila sa kanilang mga titulo, gaya ng “Mr. President,” “Your Honor,” o “Ang Inyong Kamahalan.” Kaya kung isang may mataas na katungkulan ang magsabi sa iyo, “Tawagin mo na lang ako sa pangalan ko,” tiyak na ituturing mo itong isang karangalan.
SINASABI sa atin ng tunay na Diyos sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” (Isaias 42:8) Marami rin siyang titulo, gaya ng “Maylalang,” “Makapangyarihan-sa-lahat,” at “Soberanong Panginoon.” Pero lagi niyang pinararangalan ang kaniyang tapat na mga lingkod sa pagpapahintulot sa kanila na tawagin siya sa kaniyang pangalan.
Halimbawa, nakiusap minsan si propeta Moises sa Diyos: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova.” (Exodo 4:10) Sa pag-aalay ng templo sa Jerusalem, ganito sinimulan ni Haring Solomon ang kaniyang panalangin: “O Jehova.” (1 Hari 8:22, 23) At nang makipag-usap si propeta Isaias sa Diyos alang-alang sa bayan ng Israel, sinabi niya: “Ikaw, O Jehova, ang aming Ama.” (Isaias 63:16) Maliwanag, gusto ng ating makalangit na Ama na tawagin natin siya sa kaniyang pangalan.
Gayunman, higit pa sa basta pagtawag sa pangalan ni Jehova ang kailangan para masabing kilala nga natin siya. Nangangako si Jehova sa isa na umiibig at nagtitiwala sa kaniya: “Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.” (Awit 91:14) Marami ang nasasangkot sa pagkaalam sa pangalan ng Diyos, o sa pagkakilala sa kaniya, yamang napakahalaga nito para matanggap natin ang kaniyang proteksiyon. Kung gayon, ano ang kailangan mong gawin upang makilala si Jehova?