Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mag-ingat Para Hindi Malinlang

Mag-ingat Para Hindi Malinlang

Mag-ingat Para Hindi Malinlang

SI Don Quixote ay isang kilalang kathang-isip na tauhan sa nobela ng Kastilang manunulat noong ika-16 na siglo na si Miguel de Cervantes. Sa nobelang iyon, laging nasa isip ni Don Quixote ang mga kuwento tungkol sa magigiting na kabalyero na may nagniningning na baluti at sumasagip sa nanganganib na mga dalaga. Di-nagtagal, inisip niya na siya rin ay isang maharlikang kabalyero. Sa isang pamilyar na bahagi ng nobela, sinalakay niya ang isang grupo ng mga windmill na inakala niyang isang pangkat ng mapanganib na mga higante. Kumbinsido siyang gusto ng Diyos na patayin niya ang mga higanteng iyon, pero puro kahihiyan lamang ang inabot niya.

Totoo, katawa-tawa ang kuwento ni Don Quixote. Pero hindi biru-biro ang malinlang. Halimbawa, isipin ang isang manginginom na naniniwalang maaari siyang magpakalango nang walang masamang mangyayari sa kaniya. Pero ang totoo, sinisira niya ang kaniyang kalusugan at ang kaniyang pamilya. O ang kawawang babae na may anorexia na nag-aakalang malusog siya ngunit sa katunayan ay unti-unting pinapatay sa gutom ang kaniyang sarili.

Puwede rin kaya tayong malinlang? Nakalulungkot, ang sagot ay oo. Puwede iyang mangyari sa ating lahat. Nariyan ang posibilidad na malinlang kung tungkol sa ating pinahahalagahang relihiyosong mga paniniwala​—na may kapaha-pahamak na mga resulta. Bakit? Paano ka mag-iingat para hindi malinlang?

Mga Panganib

Ayon sa isang diksyunaryo, ang manlinlang ay nangangahulugang “pagmukhaing totoo o tama ang isang bagay na di-totoo o mali.” Nagpapahiwatig din ito ng “paggiit ng isang maling ideya o paniniwala na lumilikha ng kawalang-alam, kalituhan.” Sa simpleng pananalita, nangangahulugan ito na dayain ang isa o iligaw sa tusong paraan. Talagang nasa panganib ang isang taong walang kamalay-malay na niloloko na pala siya.

Ang nakalulungkot pa rito, kadalasan nang nanghahawakan pa rin sa kaniyang mga paniniwala ang isang taong nalinlang kahit may matitibay na ebidensiyang nagpapatunay na mali ang mga ito. Malamang na naging napakahalaga sa kaniya ng kaniyang paniniwala kaya nagbubulag-bulagan siya at nagbibingi-bingihan sa anumang ebidensiyang maaaring bumago rito.

Nanganganib ba Tayo?

Baka maitanong mo, ‘Hindi ba kalabisang sabihin na lahat tayo ay nanganganib na malinlang kung tungkol sa ating relihiyosong mga paniniwala?’ Hindi. Sapagkat si Satanas na Diyablo, na tinawag ni Jesus na “ama ng kasinungalingan,” ay pursigidong linlangin tayong lahat. (Juan 8:44) Inilalarawan din sa Bibliya si Satanas na “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” Noon pa man, ‘binubulag na niya ang pag-iisip’ ng milyun-milyon. (2 Corinto 4:4) At hanggang ngayon, ‘inililigaw niya ang buong tinatahanang lupa.’​—Apocalipsis 12:9.

Dinaraya na ni Satanas ang sangkatauhan sa simula pa lamang ng kasaysayan ng tao. Halimbawa, dinaya niya si Eva. Pinaniwala niya si Eva na hindi nito kailangang magpasakop sa mga kautusan ng Maylalang at na maaari itong maging “tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Ibig sabihin, maaaring magpasiya si Eva sa ganang sarili kung ano ang mabuti at masama. (Genesis 3:1-5) Iyan ang unang malaking panlilinlang, dahil kahit na binigyan ang tao ng kalayaang pumili kung ano ang gagawin nila, hindi sila nilalang na may kakayahang magtakda ng kung ano ang tama at mali. Bilang ang Maylalang at Soberano, ang Diyos lamang ang may karapatan at awtoridad na gawin iyan. (Jeremias 10:23; Apocalipsis 4:11) Mali ngang isipin na ang karapatang pumili kung ano ang mabuti at masama ay nangangahulugang karapatang magtakda kung ano ang mabuti at masama. Iyan ang madalas na makadaya sa atin na di-perpektong mga tao.

Maaari Ka Rin Bang Malinlang?

Ang relihiyosong mga paniniwalang mahalaga sa iyo ay maaaring libu-libong taon nang pinaniniwalaan, at naipasa sa sali’t salinlahi. Pero hindi iyan nangangahulugan na ang mga ito ay totoo. Bakit hindi? Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol ni Kristo, bumangon sa kongregasyong Kristiyano ang mapanlinlang na mga tao na nagturo ng ‘mga bagay na pilipit at inilayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.’ (Gawa 20:29, 30) May-kahusayan nilang iniligaw ang mga tao sa pamamagitan ng “mapanghikayat na mga argumento” at ng “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.”​—Colosas 2:4, 8.

Gayon din ba ang kalagayan sa ngayon? Oo, kasi nagbabala si apostol Pablo na lalala ang kalagayan sa “mga huling araw,” ang panahong kinabubuhayan natin ngayon. “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama,” ang isinulat niya, “nanlíligaw at naililigaw [o, “manlilinlang at nalilinlang,” Biblia ng Sambayanang Pilipino].”​—2 Timoteo 3:1, 13.

Kaya dapat nating seryosohin ang babala ni apostol Pablo: “Dahil dito siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Tinutukoy rito ni Pablo ang katayuan ng isa sa harap ng Diyos. Sa katunayan, nalilinlang ka kung iniisip mong hinding-hindi ka madadaya ni Satanas. Walang sinuman ang ligtas sa kaniyang “mga pakana.” (Efeso 6:11) Kaya nagpahayag ng pagkabahala ang apostol para sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na “sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang [kanilang] mga pag-iisip ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”​—2 Corinto 11:3.

Paano Ka Mag-iingat Para Hindi Malinlang?

Paano ka nga ba mag-iingat para hindi malinlang ni Satanas? Paano mo matitiyak na ‘sinasamba mo ang Diyos sa espiritu at katotohanan’? (Juan 4:24) Gamitin ang ibinigay sa iyo ng Diyos na Jehova. Una, binigyan ka niya ng “talino” upang makilala kung ano ang katotohanan at ang kasinungalingan. (1 Juan 5:20) Ipinaalam din niya sa iyo ang mga pakana ni Satanas. (2 Corinto 2:11) Sa katunayan, ibinigay niya sa iyo ang lahat ng kailangan mo para malabanan ang mga pagsisikap ni Satanas na iligaw ka.​—Kawikaan 3:1-6; Efeso 6:10-18.

Higit sa lahat, inilaan sa iyo ng Diyos ang pinakamatibay na pananggalang. Ang pananggalang na iyon ang sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo na dapat niyang pagtiwalaan pagdating sa relihiyosong mga paniniwala. Matapos magbabala tungkol sa “mga taong balakyot at mga impostor,” sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo na labanan ang mga ito sa pamamagitan ng pagtitiwala tangi lamang sa mga bagay na nasa “banal na mga kasulatan”​—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.​—2 Timoteo 3:15.

Siyempre pa, may magsasabing ang sinumang naniniwala sa Diyos at tumatanggap sa Bibliya bilang Kaniyang Salita ay nailigaw. Pero ang totoo, ang mga nagwawalang-bahala sa lahat ng katibayan na mayroong Maylalang at na ang Bibliya ay Salita ng Diyos ang siyang nailigaw. *​—Roma 1:18-25; 2 Timoteo 3:16, 17; 2 Pedro 1:19-21.

Sa halip na madaya ng “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman,’” gamitin ang Salita ng Diyos upang pagtibayin ang katotohanan. (1 Timoteo 6:20, 21) Tularan ang mga tinuruan ni apostol Pablo sa Berea na mararangal ang pag-iisip. “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan.” Hindi nila basta pinaniwalaan ang itinuro sa kanila ni apostol Pablo kundi ‘maingat na sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.’​—Gawa 17:11.

Wala kang dapat ikatakot sa pagsusuri ng iyong mga paniniwala. Sa katunayan, pinasisigla ka ng Bibliya na “tiyakin . . . ang lahat ng bagay” bago tanggapin ang mga ito. (1 Tesalonica 5:21) Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., hinimok ni apostol Juan ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan, kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Oo, kahit na ang ilang relihiyosong turo ay waring ‘kinasihan’​—o mula sa Diyos​—makabubuti pa ring suriin ang Kasulatan upang matiyak kung totoo nga ito.​—Juan 8:31, 32.

Isagawa ang Iyong Natututuhan

Hindi sapat na basta malaman kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.” (Santiago 1:22) Oo, dapat mong isagawa ang iyong natututuhan. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos at pag-iwas sa mga bagay na ipinagbabawal niya.

Halimbawa, tingnan ang pagbaba ng moral sa paligid natin. Hindi ba ipinakikita niyan na nagtagumpay si Satanas sa panlilinlang sa mga tao na isiping maaari nilang labagin ang mga kautusang moral ng Diyos nang walang anumang parusa? Dahil dito, binabalaan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7.

Huwag maging gaya ng “taong mangmang” na inilarawan ni Jesus na “nakaririnig” sa kaniyang mga pananalita pero hindi “nagsasagawa ng mga iyon.” Tulad ni Don Quixote sa akda ni Cervantes, na nalinlang ng kaniyang mapaglarong kaisipan, nalinlang ang taong mangmang dahil iniisip niyang maaari siyang magtayo ng matibay na bahay sa mabuway na pundasyon ng buhangin. Sa halip, tularan ang taong “nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak.” Tinawag siya ni Jesus na “maingat” sapagkat pinakikinggan niya ang mga pananalita ni Jesus ‘at isinasagawa ang mga iyon.’​—Mateo 7:24-27.

[Talababa]

^ par. 18 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang mga aklat na Is There a Creator Who Cares About You? at Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 12, 13]

Nakikita Mo ba Kung Ano ang Totoo?

Noong dekada ng 1930, ang Swekong dalubsining na si Oscar Reutersvärd ay gumuhit at naglabas sa publiko ng mga larawang nakilala bilang impossible figures. Makikita sa kaliwa ang isang halimbawa. Sa biglang tingin, kapani-paniwala ang mga larawang ito na sa katunayan ay imposibleng maging totoo. Pero kapag maingat na sinuri, ang mga ito ay panlilinlang lamang ng dalubsining upang lituhin o dayain ang mata at isip ng tumitingin.

Hindi lamang ito ang mga bagay na nakalilinlang. Mga dalawang libong taon na ang nakalilipas, nagbabala ang Bibliya: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

Talagang dapat bigyang-pansin ang babalang ito dahil nagmula ito mismo sa taong naging biktima ng panlilinlang. Palibhasa’y naturuan ng isa sa pinakakilalang guro ng relihiyon noong panahon niya at dahil sa koneksiyon niya sa may matataas na katungkulan, hindi siya ang tipo ng tao na madaling malinlang.​—Gawa 22:3.

Ang taong iyon ay si Saul ng Tarso. Pinaniwala siya na dapat hatulan ang sinumang hindi naniniwala sa kaniyang relihiyosong mga tradisyon at kaugalian. Dahil sa basbas ng mga Judiong lider ng relihiyon, itinuring niyang isang bigay-Diyos na tungkulin ang pagpaparusa sa sinumang hindi magtatakwil ng kanilang pananampalatayang Kristiyano. Sinang-ayunan pa nga niya ang pagpatay sa isa niyang kababayan dahil sa maling paratang ng pamumusong.​—Gawa 22:4, 5, 20.

Nang maglaon, natulungan si Saul na makita kung ano talaga ang tama at mali, kung ano ang sinasang-ayunan at di-sinasang-ayunan ng Diyos. Nang matanto ni Saul na mali siya, nagbagong-buhay ang masigasig na lalaking ito at nakilala bilang Pablo, isang apostol ni Jesu-Kristo. Dahil hindi na siya biktima ng panlilinlang, nasumpungan ni Pablo ang tunay na pagsamba.​—Gawa 22:6-16; Roma 1:1.

Tulad ni Pablo, maraming taimtim na tao ang dating nalinlang ng mga turo na maihahalintulad sa impossible figures​—mga turong kapani-paniwala naman ngunit hindi salig sa Salita ng Diyos. (Kawikaan 14:12; Roma 10:2, 3) Pero natulungan ang mga taong ito na mamulat sa katotohanan hinggil sa mga turo at bunga ng kanilang relihiyon. (Mateo 7:15-20) Habang nagkakaroon sila ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya, binabago nila ang kanilang mga paniniwala at pamumuhay upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos.

Handa mo bang tularan si apostol Pablo at suriin ang iyong mga paniniwala ayon sa Salita ng Diyos, ang Bibliya? Magagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka.

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Engravings by Doré